"Ang sa akin kasi, yung naiisip ko lang, kung nakasagasa at nakasakit ako ng kapwa, hindi siguro ako bibigyan pa ng ganito kagandang pagkakataon ng ABS-CBN. Nagbalik-loob talaga ako sa Diyos, bago pa dumating ang ganitong magagandang pangyayari sa akin. Sa kabila ng unos na pinagdaanan ko, ganito pa rin ang balik sa akin," says actor Philip Salvador.

Photo: Noel Orsal


Ang akala ng aktor na si Philip Salvador ay hindi na siya ulit makakagawa ng straight drama. Mula kasi nang mawala ang appeal ng local action flicks at kokonti na lang ngayon ang attempts na gumawa ng ganitong klaseng produksiyon, isang pambihirang pagkakataon ang pagkakasali niya sa Book 2ng drama series na Maging Sino Ka Man ng ABS-CBN.



"Ako talaga ang lumapit kay Malou Santos para humingi ng trabaho. Kinausap ko siya noon. Sinabi ko ang gusto kong mangyari sa career ko. Ang sabi na lang niya, 'Matulog ka na lang!' Nagulat ako sa sinagot ni Malou, pero ang sabi niya, 'Itulog mo na lang 'yan, Ipe. Maghintay ka lang at may ibibigay kaming assignment sa 'yo," parang maiiyak na kuwento ng aktor sa engrandeng presscon ng Maging Sino Ka Man kagabi, November 27, sa Plaza Ibarra sa may Timog Ave., Quezon City.



Pagbababa ng pride ang ibig ipakahulugan ni Philip. Sa estado kasi niya na isang premyadong aktor—isa sa mga lehitimong "anak ni Lino Brocka"—dumating na nga sa puntong kailangan din niyang maghanap ng trabahong makapagpapasaya sa kanya.



"I don't really mind, kasi hindi ito pamamalimos," paglilinaw ni Phillip. "Dapat lang kasing malaman ng kinauukulan na okay na naman akong magtrabaho. Tinanong din nga kasi ako ni Malou, na baka nga raw hindi ako mag-cooperate, magkaproblema sa akin.



"Hindi naman ako nakilala sa ganyang image. Kapag trabaho sa akin, ginagawa ko ang lahat. I put my heart and soul into it. Yun lang, at assured na ang mga taga-ABS-CBN na isama ako sa mga huling eksena ng unang chapter ng Maging Sino Ka Man," kuwento pa ng aktor.



It took months before the second chapter of Maging Sino Ka Man came into view. At dito, talagang malaman at malaking papel na ang naka-assign kay Phillip.



"Ang sa akin kasi, yung naiisip ko lang, kung nakasagasa at nakasakit ako ng kapwa, hindi siguro ako bibigyan pa ng ganito kagandang pagkakataon ng ABS-CBN. Nagbalik-loob talaga ako sa Diyos, bago pa dumating ang ganitong magagandang pangyayari sa akin. Sa kabila ng unos na pinagdaanan ko, ganito pa rin ang balik sa akin.



"Dati-rati, kapag may problema ako, mga kaibigan ang una kong nilalapitan at kinakausap. Ngayon, hindi na. Diretso na akong nakikipag-usap kay Lord. Sa bawat araw, gaano man kaliit na biyaya, ipinagpapasalamat ko," sabi ng aktor.



SPIRITUAL AWAKENING. Malaking bagay nga para kay Phillip ang spiritual awakening niya. Hanggang ngayon daw, tuloy pa rin ang kaso nila ng dati niyang kinakasamang si Cristina Decena na humantong sa diumano'y panghuhuthot ng aktor sa businesswoman.



"Wala naman akong magagawa sa panghuhusga sa akin kung hindi yung ipasa-Diyos na lang talaga ang magiging kapalaran ko, at alam kong malinis ang konsensiya ko. Yun lang ang panghahawakan ko, kaya patuloy pa rin ako sa paglaban," nakangiting sambit niya.



Hindi masasabing totally tahimik ang buhay ni Phillip, pero sa pagharap niya sa mga pagsubok ng buhay, mayroon pa rin siyang mga masasandigan.



"Higit sa lahat, ang Panginoon, na muli kong nakilala. Ganap na muli akong Kristiyano, sa tulong na rin ng isang kaibigan, si Manny Dizon, na gumabay sa akin para sa pagbabago," naibahagi pa ni Ipe.



NEW BREED OF ACTORS.
Sa Maging Sino Ka Man: Ang Pagbabalik, ang karanasang makatrabaho ang mahuhusay na young performers sa panahong ito—sina John Lloyd Cruz, Bea Alonzo, Sam Milby, Anne Curtis, Angelica Panganiban, at iba pa—ay nagpakilala raw kay Phillip sa bagong approach ng acting.



"Parang nagbalik ako sa school," sabi ng premyadong aktor. "Iba na kasi ang atake ng mga baguhan ngayon, medyo subdued talaga sila. Kailangang sumabay kami roon, at ibang klaseng experience din 'yon.



"Natutuwa ako kay John Lloyd dahil sa Tabing-Ilog pa lang noon, sinusubaybayan ko na siya. Silang dalawa ni Piolo [Pascual] ang nakikitaan ko ng husay sa drama, at sila ang magkatapat sa parteng 'yan.



"Napakahusay ni Piolo sa Dekada '70. Nang mapanood ko ang pelikulang 'yon, nakumbinsi talaga ako na isa siya sa mga mangunguna among the younger actors. Silang dalawa ni John Lloyd," papuri ni Philip.