Ilang araw din ang itinagal ng pangungumbinse ng GMA News at PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Carlene Aguilar na makipagkita at magbigay ng kanyang panig tungkol sa naging isyu niya with Cristine Reyes.
Nang humarap sa amin ang dating beauty queen, mapapansing mas maaliwalas na ang kanyang aura. Malaki na rin ang ipinayat niya. Handa na raw siyang mag-move on sa mga isyung gumulo sa buhay niya nitong mga huling buwan.
DISAPPOINTED. Tulad ni Dennis Trillo, hangga't maaari raw ay ayaw nang magsalita ni Carlene tungkol sa mga isyung naglalabasan.
Akala niya raw ay matutuldukan na ito nang magsalita si Dennis noong isang linggo sa Kapuso Network shows. Pero tila lalong ikinagalit ni Carlene ang mga tinuran ni Dennis sa kanyang interviews.
"Actually, yung sinabi niya yung fault niya, hindi niya binigyan ng closure 'di ba? Yun ang sinabi niyang fault niya. Pero besides yun, meron pa, kaya nagalit ako. Alam niya yung reason, so sana huwag lang yun ang sinasabi niya. Kung magku-kuwento siya ng lahat-lahat...kulang," ang pahayag ni Carlene.
Kung dati'y maayos daw ang kanilang usapan, ngayon tila napalitan ito ng tampo. Ini-expect daw kasi ni Carlene na ipapahayag ni Dennis ang totoo. But since hindi iyon ang nangyari, binitiwan sa amin ni Carlene ang mga katagang, "Honestly, we're not okay."
Itinanggi naman ni Carlene ang isyung itatago daw niya ang kanyang anak na si Calix Andreas sa kanyang ama. Kamakailan, lumabas sa ilang pahayagan na hindi na raw tatanggapin ni Carlene si Dennis sa kanilang tahanan. Pero kung siya ang tatanungin, iiwas muna daw siya sa dati niyang boyfriend.
"Actually, welcome naman siya, pero kasi ngayon, malabo pa. Kailangan muna namin ng space. Yun naman ang gusto niya dati, yun ang makukuha niya," ang sabi pa ng 2005 Binibining Pilipinas-World.
Kung dati'y ipinaglalaban ni Carlene ang mabuo ang isang pamilya para sa kanyang anak, ngayon ay tila nagising na raw siya sa katotohanan.
"Magkaibigan, yes, definitely para sa son namin. Pero sa relationship, yung kaming dalawa magkakarelasyon ulit? No na," mariing pahayag ni Carlene.
FOR LOVE OF DENNIS. Mahirap daw itanggi na wala na siyang pagmamahal para kay Dennis. Limang taon din naman kasi ang itinagal ng kanilang relasyon kaya't mahirap na basta na lang kalimutan ang kanilang pinagsamahan.
"During those times, sa five years
na yun, ay sobra ko siyang mahal. May
ilang away kami, tampuhan, pero ok naman. Hindi ko rin naman sasabihin na hindi niya ako minahal, kasi siyempre, give and take naman ‘yan," kuwento ng ina ng baby ni Dennis.
Mahirap din daw ikumpara ang Dennis na nakilala niya dati sa lalaking naiipit ngayon sa mga intriga. Sa dami daw kasi ng kumplikasyon na bumalot sa isyu, mahihirapan na silang buuin pa ang nasira.
Hindi na rin daw gustong makialam ni Carlene sa kung ano pa ang magiging desisyon ni Dennis ngayon pagdating sa affairs of the heart.
"Kung magkabalikan man sila ni Cristine, fine. At least wala na kami ni Dennis. I mean, Cristine and I are ok now. Masaya nga ako natapos na ang isyu. Kung ano man ang desisyon ni Dennis, kanya na yun," sabi ng dating girlfriend ni Dennis.




