Pagkatapos ng napakaraming taon, muling magda-drama sa isang napaka-espesyal na pagkakataon ang Comedy King na si Dolphy. Ipamamalas ulit ni Dolphy ang kanyang husay sa drama sa drama anthology ng ABS-CBN, ang Maalaala Mo Kaya, ngayong Biyernes, December 21.
Maituturing na napakalaking pribilehiyo ang mapanood muli si Dolphy sa kakaibang genre at hindi sa kanyang tipikal na imahe bilang Hari ng Komedya. Kaya naman ipinagmamalaki at ikinagagalak ng buong staff ng Maalaala Mo Kaya at host nito na si Ms. Charo Santos ang special episode ng award-winning drama anthology.
"Isang malaking karangalan sa akin ang maging bahagi ng produksyon ng Maalaala Mo Kaya at makapag-alay ng Paskong regalo sa inyong lahat," pahayag ni Dolphy.
Sa unang pagkakataon ay makakasama naman ng Hari ng Komedya ang child star na si Makisig Morales.
"Wow!" bulalas ni Makisig. "Sobrang happy ko po talaga kasi nabigyan ako ng pagkakataon na makatrabaho ang King of Comedy. Suwerte ko po talaga kasi bata pa lang ako makakasama ko na po siya."
Ang mahusay at award-winning director na si Jeffrey Jeturian ang nagdirek ng episode ni Dolphy at Makisig sa Maalaala Mo Kaya.
"Magaling si Mang Dolphy. Isa siyang tunay na henyo. Mabigat ang role na na ibinigay sa kanya ng Maalaala Mo Kaya at nakakatuwa na talaga namang ipinakita niyang isa siyang tunay na alagad ng sining," papuri ni Direk Jeffrey kay Dolphy.
