Said Joey Reyes about his two films that reaped awards in the recent Metro Manila Film Festival: "Nag-Rated A yung dalawa. Kumita ng pagkalaki-laki yung isa [Sakal Sakali Saklolo]. Yung isa [Katas ng Saudi], medyo hindi malaki yung kinita pero nagustuhan ng tao. Nanalo pa ng Best Actor si Jinggoy [Estrada]. Handa na akong mag-retire,"

Photo: Noel Orsal

 

"Welcome to the Philippines!" ang naging maikling pahayag ni Direk Joey Reyes nang tanungin siya tungkol sa hindi pagkakapanalo ng Best Picture Award ng Sakal Sakali Saklolo na siyang namayagpag sa box-office sa nakaraang 2007 Metro Manila Film Festival (MMFF). Ang Resiklo ng Imus Productions ni Bong Revilla Jr. ang nanalong Best Picture.

 

"Read my lips, 97 million," dagdag na pahayag niya tungkol sa kinita ng pelikula na tinampukan nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo.

 

Paliwanag ni Direk Joey, hindi na siya nagtataka sa nangyari. Pero aminado siya na hindi siya aware sa panibagong judging criteria na kung saan 50 percent ng criteria ay nakasalalay sa kinita sa box-office.

 

"Sana may paliwanag ako doon," sabi ni Direk Joey. "Hindi ko alam kasi hindi naman ako bahagi ng hurado. At saka hindi ko naman alam yung pamantayan nila on how they judge the Best Picture. I really don't know. We won Second Best.

 

"You don't do these things naman to win awards, di ba? I told you right from the start na kung gumawa ka ng pelikula at ang habol mo lang ay ang awards at parangal, eh talagang mahirap maging masaya. Ako, gumawa ng pelikala na gusto ko.

 

"Kung yun yung [Best Picture] bagay na ipagkakait sa akin o sa Star Cinema, napakababaw naman noon. Saka I think nakangiti ang Star Cinema dahil P97 million ang kinita niya [Sakal Sakali Saklolo], hindi ba?" paliwanag ng multi-awarded director and screenwriter.

 

Nais naman din ni Direk Joey na mas madami pa ang makasama sa mga darating na film festival. Tuwang-tuwa kasi siya sa pagkakapanalo ng isang baguhang direktor na si Cesar Apolinario para sa film debut nitong Banal.

 

"I'm glad that if there's anybody who won, it's Cesar Apolinario dahil baguhan siya at very promising siya bilang direktor. Ito yung pinakamagandang incentive. I think if there is any achievement of the festival, it's giving a chance to a new director. A director na may utak at may direksiyon ang uri ng filmmaking na ginagawa.

 

"And it's his first movie. Doon pa lang sa parada, sinasabi na din ng ibang director, ‘I heard it's a good movie. I heard good things about your movie. Keep it up.' And now that he won, I'm sure, he will keep up," papuri niya sa GMA News reporter.

 

Hindi naman sigurado kung sasali pa si direk Joey sa susunod na edition ng MMFF. Naka-depende daw 'yon sa proyekto na maibibigay sa kanya.

 

Dagdag pa niya, "Nakakapagod din dahil gusto ko naman ma-experience ang magandang Noche Buena. Dahil mahirap yung alas-otso ng gabi, e, amoy kalye ka dahil maghapon kang pumarada.

 

"Yung tanging panalangin ko na sa sana sa darating na mga film festival, hindi lamang dalawang pelikula ang nagbabakbakan para sa top grosser. Mas maraming mga bagong producers, mas maraming uri ng pelikula na maglaban-laban na truly representative ng kakayanan ng mga Filipino movie makers. Kasi ngayon, ang bakbakan, e, either Kasal or Enteng Kabisote, sana mas marami pa. Kasi naalala ko nang mga kapanahunan nila [Lino] Brocka, [Ishmael] Bernal, at Mike De Leon. Exciting ang festival kasi patas ang labanan," paghahangad ni direk Joey.