"Natupad na ang isa sa mga pangarap ko dahil mahilig talaga akong magsayaw, so heto nagkaroon na ako ng dance album," says Marian Rivera about her dance album titled Marian Rivera Dance Hits.

Photo: Noel Orsal


Hindi makapaniwala si Marian Rivera na dudumugin ang launching ng kanyang dance album na Marian Rivera Dance Hits sa SM Fairview kahapon, January 27. Hindi mahulugang-karayom ang Activity Center ng naturang mall, lalo pa nang magsimula ang event.

Umaga pa lang daw, nakaupo na ang mga tao sa unahan ng Activity Center ng SM Fairview para magarantiya ang magandang puwesto. "Sarado pa yung SM, nandito na kami. Gusto kasi naming makita si Marian dahil gusto naming ipakita sa kanya ang suporta namin. Gumawa pa nga kami ng website para sa kanya," kuwento ng isang die-hard fan na nasa bandang harapan ng nagkakagulong fans.

Ayon naman kay Marian: "Hindi ko ine-expect na ganito kadaming tao. Thank you talaga!"



Natutuwa rin daw ang young actress at marami ang na-surprise sa paglabas ng kanyang dance album mula sa Universal Records.

"Actually, sorpresa namin ito sa mga sumusuporta sa akin," sabi ni Marian. "Never kaming naglabas ng manager ko [Popoy Caritativo] ng any news na maglalabas kami ng dance album. Natupad na ang isa sa mga pangarap ko dahil mahilig talaga akong magsayaw, so heto nagkaroon na ako ng dance album."



Simula lang daw ito para kay Marian. Sa itinatakbo ng pangyayari, hindi raw malayo na isa pang album ang kanyang i-launch.

"Malay mo sa susunod na album, ako na mismo ang kakanta!" natatawang pahayag ni Marian.

Tumagal ng halos dalawang oras ang launching ng Marian Rivera Dance Hits. Nakakabingi ang hiyawan, lalo pa noong gumigiling si Marian sa stage. Hanggang autograph signing, hindi bumitiw ang dami ng mga fans.

"Kailangan na naming itigil dahil hindi na kaya ng kamay ni Marian ang pumirma. Around 400 ang naibentang CD dun na pinirmahan niya. Gusto pa nga ni Marian, pero talagang hindi na kaya ng kamay niya," ayon sa manager ni Marian na si Popoy.

Samantala, sinagot naman ni Marian ang balitang nagseselos daw sa kanya si Jewel Mische. Nitong huling araw, nababalitang nagkakamabutihan daw si Jewel at ang Kamandag co-star niyang si Richard Gutierrez. Magkasama sina Marian at Richard sa Valentine offering ng GMA Films at Regal Entertainment na My Best Friend's Girlfriend.

"Basta magkaibigan kami [ni Richard]. Wala namang nangyayaring ganoon. Ang importante, magkaibigan kami. Dun lang ang start nun. Kung may mangyari man na higit dun, bahala na," nakakaintrigang sagot ni Marian.