"Iba na. May gap na talaga. Hindi na kami nag-uusap ng personal na bagay nung nagkita-kita kami sa ASAP. Halos lahat kasi kami dati nagkukuwentuhan tungkol sa buhay namin. Nagtutulungan din kami dati. Ngayon, nagbatian kami, pero iba na," says Jay-R Siaboc about changes among former Pinoy Dream Academy scholars.

Photo: File photo


Nagbago na ang pakikitungo sa isa't isa ng mga dating Pinoy Dream Academy (PDA) scholars. Ito ang obserbasyon ni Jay-R Siaboc nang magkasama-sama daw sila ulit last Sunday, January 27, sa ASAP ‘08.



"Iba na. May gap na talaga. Hindi na kami nag-uusap ng personal na bagay nung nagkita-kita kami sa ASAP. Halos lahat kasi kami dati nagkukuwentuhan tungkol sa buhay namin. Nagtutulungan din kami dati. Ngayon, nagbatian kami, pero iba na," buntung-hininga ni Jay-R nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).



Sumama raw kasi ang loob sa kanya ng mga kasamahan niya noon sa PDA na sina Chad Peralta at Panky Trinidad noong inilaglag diumano ni Jay-R ang grupo pagkatapos kumalat ang isyu ng "pagwawala" nila sa U.S. last year. Kasama rin nila sa U.S. ang Grand Star Dreamer na sina Yeng Constantino, Irish Fullerton, at kapwa runner-up ni Jay-R na si Ronnie Liang.



"Hindi laglagan ‘yon. Totoo naman ‘yon. Yun talaga ang nangyari. Talaga namang may kasalanan kaming lahat. Si Ronnie lang ang di kasama. Bakit ko naman kailangang maglaglag ng iba? Nasobrahan lang yung labas ng balita," paliwanag ng Cebuano singer.



Totoo raw na uminon sila at nagsigarilyo sa loob ng hotel na tinuluyan nila, pero mariing itinanggi ni Jay-R na nag-drugs sila doon. Ayon kasi sa lumabas na balita ay ecstasy daw ang ginamit nila noong mag-show sila sa Amerika.



"Walang drugs," diin ni Jay-R. "Paano kami magdadala ng drugs doon? Sa airport pa lang madidiskubre na ‘yon ‘tapos nasa military base pa kami. Basta nangyari ‘yon at pilit kinalimutan na nila. Kaso ako, di ko malilimutan ‘yon. Hindi naman sa trauma. Medyo nakaka-stress kasi ang daming dagdag na sa balita."



IRISH FULLERTON. Kung meron man daw nagpapagaan ng loob ni Jay-R sa tuwing may magpapaalaala sa kanya tungkol sa PDA, ito ay ang kapwa niya ex-scholar na si Irish Fullerton. Nabuo ang relasyon ng dalawa paglabas nila ng Academy hanggang sa mabalita na hiwalay na raw sila ngayon.



"Hindi," tanggi ni Jay-R. "Okay kami."



Pinupuntahan pa rin daw niya si Irish sa bahay nito with her relatives sa Las Piñas at tuloy pa rin ang kanilang communication.



Last Christmas, niregaluhan niya si Irish ng flowers and chocolates. Samantalang isang Fossil watch naman ang binigay ni Irish kay Jay-R.



"Sa Cebu ako nag-Pasko kaya ibinigay niya yung gift bago ako umalis ng Manila. Pero pumunta ako kay Irish nung New Year," lahad ng singer.



Masasabi ba niya na may mutual understanding na talaga sila ni Irish?



"Oo," sabay tango ni Jay-R.

 

May plano na ba sila para sa Valentine's Day?

 

"May taping ako sa mismong araw ng Valentine's Day kaya baka bago na lang yayain ko siya na lumabas," ngiti ni Jay-R.



GAY BENEFACTOR. Iniintriga naman ang bagong kotseng Mazda3 na gamit-gamit ngayon ni Jay-R. Ang tsismis, bigay daw ito sa kanya ng kanyang gay benefactor.



"Matagal na yung kotse, mga three months na," paglilinaw niya. "Para sa akin yung sinasabi nila na ‘yan, hindi na bago sa akin. Kasi nagkaroon na sa akin ng ganyang isyu-isyu. Ang sa akin lang, parang wala naman akong trabaho? Kahit papano may trabaho naman ako."



Naapektuhan ba siya ng tsismis?



"Affected ako, pero wala akong magagawa kundi tanggapin na lang," sagot niya.



Mas gugustuhin daw ni Jay-R ang magtrabaho nang magtrabaho kahit panakaw na lang ang kanyang tulog.



"Masarap kasing magtrabaho, lalo na kung may natatanggap na papuri gaya nung batiin ako ng isa sa mga boss ng ABS-CBN dahil natuwa sila sa ibinigay kong performance. Kahit wala akong tulog, pakiramdam ko hindi naman ako napapagod," pahayag niya.