"Kailangan ko pong pumili lang ng isa. Kung pareho ko pong tatanggapin, may conflict na sa schedule... Although sayang ang Kaputol ng Isang Awit, mas pinili ko na po ang Pinoy Idol," explains Jolina Magdangal.

Photo: File photo


Kahit nasa Cebu City si Jolina Magdangal ay sinubukan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na makausap siya para linawin ang tungkol sa pagkakasulot ng role niya dapat sa bagong SineNovela ng GMA-7, ang Kaputol ng Isang Awit.

 

Dating pelikula ni Sharon Cuneta, sa TV remake nito ay si Jolina raw dapat ang gaganap sa naturang role pero "nasulot" daw ito at napunta kay Glaiza de Castro. Ayon pa sa iba, mas bagay raw talaga kay Jolina ang role na unang ginampanan ng Megastar.

 

Nakausap ng PEP si Jolina kahapon ng tanghali, February 8, habang nasa SM Cebu siya para sa audition ng Pinoy Idol. Si Jolina ang isa sa mga judges ng naturang singing search, kasama sina Ogie Alcasid at Wyngard Tracy.

 

Nilinaw ni Jolina sa pamamagitan ng telepono ang issue tungkol sa sulutan diumano sa Kaputol ng Isang Awit.

 

"Totoo po na in-offer sa akin ang Kaputol ng Isang Awit," pagkumpirma niya sa kabilang linya. "Pero hindi po totoong nasulot sa akin ang project dahil mas pinili ko po itong pagiging judge ko sa Pinoy Idol. Nauna po talagang in-offer sa akin yung Sine Novela, pero dumating din po ang approval ng Fremantle [franchise holder ng Pinoy Idol] sa resume ko submitted by GMA Network, na ako nga raw ang magiging isa sa mga judges, at sina Kuya Ogie at Tito Wyngard ang kasama ko.

 

"Kailangan ko pong pumili lang ng isa. Kung pareho ko pong tatanggapin, may conflict na sa schedule. Ang taping po ng soap ay every Tuesdays and Saturdays, samantalang we will tour the Philippines para sa audition ng Pinoy Idol. Nasa ruling po ng Fremantle na once lang kaming puwedeng mag-absent. Although sayang ang Kaputol ng Isang Awit, mas pinili ko na po ang Pinoy Idol.

 

"Pero unfair po namang sabihing hindi bagay ang role kay Glaiza. Dahil nakita ko na po na mahusay siyang umarte, maganda rin po siyang kumanta, plus marunong pa siyang tumugtog ng gitara," pahayag ni Jolina.

 

May mga naka-lineup ding shows si Jolina sa Amerika this year. Paano na ang ongoing audition ng Pinoy Idol, mag-a-absent ba siya?

 

"Yes, po," sagot niya. "Pero ipinagpaalam na ako sa Fremantle dahil previous commitment ko na po ‘yon at naintindihan naman nila."

 

Sa February 20 ang alis ni Jolina patungong California, kasama sina Dennis Trillo at Yasmien Kurdi. Ang first show nila ay sa February 22 sa San Jose at sa February 23 naman sa Port Huenema. Babalik sila ng Pilipinas sa February 28 at didiretso na si Jolina sa audition ng Pinoy Idol sa Dagupan City.

 

Bukod sa SOP every Sunday, regular host din si Jolina ng daily morning program ng GMA-7 na Unang Hirit. Siya pa rin ang host ng The Working President sa NBN-4. Tuloy rin ang movie ni Jolina with GMA Films na kukunan halos ang kabuuan sa Italy pagkatapos ng Pinoy Idol, to be directed by Mark Reyes.