Pinoy Dream Academy first runner-up Jay-R Siaboc reportedly attempted suicide because of his love for Irish Fullerton (inset).

Photo: Noel Orsal


Nakarating sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang balitang pagtatangka diumano ng Pinoy Dream Academy (PDA) first runner-up na si Jay-R Siaboc na magpakamatay noong nakaraang linggo. Nagkaroon ng news blackout tungkol dito.



Ayon sa isang staff ng hospital kung saan dinala si Jay-R, nagtangka ang singer na magbigti sa loob ng banyo ng kanyang inuupahang condo unit sa Quezon City. Isang nylon cord daw ang ginamit ni Jay-R. Hindi natuluyan si Jay-R dahil nakita raw siya kaagad ng kanyang pinsan, na siya ring tumatayong manager niya.



Ayon pa sa kuwento ng source, kinakabahan ang naturang pinsan sa mga ikinikilos ni Jay-R noong araw na ‘yon. Kaya nang magtagal daw ito sa banyo, kinabahan na raw siya na baka may gawin itong hindi maganda sa sarili.



Dagdag pa ng aming source, mula raw sa kuwento ng mga nagdala kay Jay-R sa ospital, pagkaligtas nila sa singer Jay-R sa pagkakabigti, may tinawagan daw itong malapit na kaibigan ni Jay-R para sabihin na dadalhin nila ito sa ospital dahil muntik nang matuluyan.



Nakarating din sa aming source na may kinalaman daw ang nababalitang girlfriend ni Jay-R na si Irish Fullerton sa suicide attempt diumano ng male singer. Nalaman daw kasi ni Jay-R na may ibang boyfriend si Irish na nasa U.S. ngayon. Nang i-confront daw ni Jay-R si Irish, hindi raw nakasagot ang Fil-American singer; ibig sabihin, totoo raw ang mga balita.

Nagsimula ang magandang pagtitinginan nina Jay-R at Irish paglabas nila ng PDA.



At press time ay sinusubukan ng PEP na kunin ang panig ng kampo ni Jay-R tungkol sa balita.