Nung kasagsagan ng taping para sa wedding scene ng Marimar sa San Agustin Church, Intramuros, Manila, nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Dingdong Dantes. At mula sa binata, nalaman naming pang-pitong beses na pala siyang "ikinakasal."
"Sa teledrama ko noon na Sana'y Ikaw Na Nga, dalawang beses akong ikinasal kay Tanya [Garcia]," simula ni Dingdong na bilangin sa amin ang mga eksenang ikinakasal siya. "Dalawang beses din kay Maricar [de Mesa]. May wedding scene din kami ni Jolina [Magdangal] sa first movie team-up namin noon sa Viva Films, ang Annie Batungbakal. At ikinasal na rin kami ni Karylle sa first soap namin na Twin Hearts sa GMA-7.
Anu-ano naman ang mga naramdaman niya habang ikinakasal siya sa iba't ibang shows at pelikula at sa iba't ibang babae pa man din?
"Iba-iba ang feelings ko noon, iyong kina Tanya at Maricar, seryoso, comedy naman iyong sa amin ni Jolina at siyempre, iba pa rin iyong sa amin ni Karylle, although hindi pa naman kami mag-sweetheart noon. Siguro, doon nagsimula iyong ibang feelings ko naman sa kanya dahil after that nagsunud-sunod na rin iyong kami na ang pinagtambal sa mga soaps, particularly iyong episode namin sa Love to Love.
"Pero iba ang feelings ko rito sa Marimar," sabi ni Dingdong, as he shifts his topic to the show na nakapagtala ng pinakamataas na ratings for a primetime show. "Mixed emotions ang naramdaman ko, kasi hindi ako si Dingdong dito, ako si Sergio na mahal na mahal si Marimar at ang ultimate wish lamang niya, after ng kung anu-anong hirap nilang pinagdaanan, ay makasal sila at maging maligaya. Siguro, hindi ko na malilimutan ang wedding scene na ito."
Malapit na rin silang magsimulang mag-taping ulit ni Marian, this time bilang sina Fredo at Dyesebel sa telefantasyang Dyesebel, may wedding scene din kaya sila?
"I don't know, hindi ko pa po alam kung ano ang itatakbo ng story nito, pero ang alam ko po, dahil telefantasya nga ito, may mga comedy scenes dito, hindi kasing seryoso ng Marimar.
RESERVED MARINE. Next month, April 3, three years na silang mag-sweetheart ni Karylle, naitanong ng PEP kay Dingdong kung sakali ba, ganoon ding wedding ang gusto niya if ever sila na nga ni Karylle ang magkatuluyan?
"Hindi po. Ang dream wedding ko, military wedding, complete with uniform and we will walk under the sword," nakangiting wika ni Dingdong.
Paano iyon, hindi ba ang puwede lamang magkaroon ang military wedding ay kung member ka ng military?
"I'm a reserved Philippine marine," sagot ni Dingdong. "Nag-training po ako sa Philippine marine at may certificate akong natanggap after the training. Pero matagal pang mangyayari iyon [ang kasalan], napag-usapan lang natin, pero hindi ko pa po iniisip," natatawang sabi ni Dingdong.
"I'm only 27 years old now, marami pa akong gustong gawin. Mas focus pa rin ako sa career ko ngayon at sa mga endorsements ko. Bukod sa Dyesebel, gusto ko ring gumawa naman ulit ng movie. Resiklo pa ang last movie ko last year, sa Metro Manila Film Festival."




