Filipino actor Jericho Rosales will topbill a drama series to be co-produced by the Philippine's ABS-CBN and Malaysia's Double Vision. He will be paired with popular Malaysian actress-model Carmen Soo (right).

Photo: Alex Datu


Nakatakdang gumawa ng marka sa Asian television ang young actor na si Jericho Rosales sa kanyang pinakamalaki at pinakabagong series na kukunan dito sa Pilipinas at sa Malaysia sa susunod na buwan. Makakatambal niya rito ang isang sikat na Malaysian model-actress.



Matatandaan na sa edad na 17 unang nakilala si Jericho nang manalo siya sa talent search ng Eat Bulaga! na "Mr. Pogi." Lalong umusbong ang kanyang karera nang mapabilang siya sa Star Circle 4 ng ABS-CBN noong 1997.

 

Natamo niya ang kanyang unang dalawang acting awards noong 1998 mula sa PMPC Star Awards: Best New Male TV Personality at Best Single Performance by an Actor para sa kanyang pagganap sa Maalaala Mo Kaya.



Bagama't maraming achievements na ang natamo ni Jericho sa iba't ibang larangan, maituturing pa rin na pinakamatagumpay niyang proyekto ang teleseryeng Pangako Sa 'Yo ng Kapamilya network, kung saan nakatambal niya si Kristine Hermosa. Ito ang tuluyang nagpakilala sa kanya sa ibang bansa sa Asya, tulad ng Malaysia, Indonesia, Thailand, Cambodia, Singapore, at iba pa. Sapat din ito upang kilalanin si Jericho bilang isang Asian heartthrob.



Sa tagumpay ni Jericho, nais ng young actor na mabihag ang puso ng iba pang Asian audience kaya naman nakatakda niyang gawin ang isang international series katambal ang Malaysian actress-model na si Carmen Soo. Ito ay ipo-produce ng ABS-CBN sa pakikipagtulungan ng Malaysian production group na Double Vision.



Speaking of Carmen, mayroon siyang mala-anghel na ngiti, makinis na kutis at maamong mukha. Isa siya sa pinakamainit na model-actress ngayon sa Malaysia.

 

Dahil maraming offers kay Carmen ay naging isa na siyang tanyag na mukha sa telebisyon, diyaryo, at magazines. Lalo pa siyang sumikat nang pumunta siya sa Hong Kong sa edad na 20 at nagmodelo sa nangungunang HK agency, ang Starz People.



Katulad ni Jericho, produkto rin si Carmen ng talent search ng isang local magazine, ang Verve. Ito ang nagbigay daan sa kanya upang makilala bilang isang modelo.



Bilang isang aktres naman, nagsimula ang lahat nang magkaroon siya ng maliit na role sa isang Jackie Chan movie, ang Gorgeous. Lumabas din siya sa music video ng sikat na singer na si Aaron Kwok.

 

Pormal na nakilala ang kanyang husay sa pag-arte nang parangalan siya sa 2006 Malaysian Film Festival bilang Most Promising Actress sa kanyang pagganap sa pelikulang The Third Generation.



Nakatakda nang mag-tape ng dalawang buwan sina Jericho at Carmen ng kanilang teleserye na wala pang titulo sa ngayon. Kukunan ito sa Pilipinas at sa Malaysia simula April 30. Nakatakda itong ipalabas sa huling bahagi ng taong ito, sampung linggo dito sa atin at 26 weeks naman sa Malaysia.