Sa kabila ng busy sked ni Yasmien Kurdi, nakukuha pa rin nitong makipag-chat through her yahoo messenger (YM) account sa kanyang malalapit na kaibigan at mga kakilala sa press. Lagi naman daw kasi niyang dala ang kanyang laptop at hindi nga raw siya makaalis ng bahay without it.
"Ang laptop ko po ang buhay ko," kumpisal nga ni Yasmien sa pakikipag-chat ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa kanya, Friday, April 4. Through our YM chat, nalaman ng PEP na kasalukuyan siyang nagsu-shooting ng kanyang movie na Love Is All That Matters. Yasmien stars with J.C. de Vera, Jean Garcia, Polo Ravales, John Prats, Ehra Madrigal, Aljur Abrenica, Kris Bernal, Sheena Halili and Brent Javier. Wala pang playdate ang movie as of this writing.
"Waaah, grabe! Kanina lang kami natapos ng umaga," reklamo ni Yasmien. "Nakakapagod...pero worth it. Kasi ang galing, iba atake namin dito sa mga scenes. Kasi nga its my first time to work with Direk Don Cuaresma [Ysabella, It Might Be You].
TECHIE YASMIEN. Masasabing isa sa busiest stars ng GMA-7 ngayon si Yasmien, with TV shows (Tasya Fantasya and Babangon Ako't Dudurugin Kita), an album she's still promoting (Love Is All I Need, with her current single, "Take It Or Leave It"), at out-of-town shows, hindi ba nananakit ang likod niya sa work stress? Paano ba siya mag-unwind?
"Wala po muna [time to unwind]. Stress po muna talaga [sa work]. Pero ‘pag natapos naman, nag-a-unwind naman po ako."
Nang tanungin namin kung paano ba siya mag-unwind, sagot ng dalaga: "DVD...at wi-fi dito sa house."
Katulad ng karamihang kabataan ngayon, techie na matatawag itong si Yasmien, with her collection of gadgets na tila lagi na niyang dala kahit saan man siya magpunta.
"Ay sobra po. Techie adik po talaga. Superaddict sa technology." Aside from the portable DVD player at laptop na lagi niyang kinakalikot for chatting and websurfing, "Speaker po for my music, yung TV ko po na puwede kong ilagay sa bag ko para mapanood ko kahit saan ang shows ko, yung N82 po na cell phone ko na bigay ng Forever Flawless, amplifier para sa gitara ko ‘pag nagti-trip at saka yun pong flashdisk ko na puwede sa lahat ng bagay. Saka salamat po sa youtube, kasi napapanood ko ang mga ‘di ko pa napapanood."
Pero kung pag-a-unwind daw talaga, the best ang pagtulog.
"'Pag may time na matulog, talagang natutulog po ako. Ang sarap matulog."
WHATEVER MAKES CRISTINE HAPPY. Sa nangyayari sa career niya ngayon sa GMA-7, malayong maramdaman niya ang naramdaman sa GMA ng StarStruck 1 batchmate at kaibigan niyang si Cristine Reyes. Pero kunyari ay nabakante nga siya, magiging katulad din kaya ng mga ginawang hakbang ni Cristine ang magiging mga hakbang niya?
"Basta po tama lang ang ang binibigay sa akin ng GMA. Basta bahala na po si Lord. Si Lord po ang nagbibigay ng work," may pagka-religious pang type ni Yas sa kanyang sagot.
Since napag-usapan na rin si Cristine, ano ang reaction niya sa paglipat nito sa Dos?
"Wala po. Wala po reaction. Friend ko po yun, e. Hehehe..." pa-cute pa nitong sagot sa YM. "Basta kung saan po siya masaya..."
Nang tanungin namin kung nabanggit ba sa kanya ni Cristine noon ang paglipat nito sa Dos? "Wala naman po. Kasi ‘pag magkakasama kami, hindi namin pinag-uusapan ang work."
MORE INTENSE SCENES IN BABANGON. Noon ay kabado at may pressure sa stars ng Babangon Ako't Dudurugin Kita, pero nang hindi naman ito nagpapahuli sa ratings at laging may magagandang reviews dito, nabawasan, if not totally nawala ang kaba't pressure sa stars, especially kay Yasmien. In-assure naman ni Yas na mas matitindi pa raw ang mga darating na eksena sa Babangon.
"Grabe. Thanks po talaga sa mga magagandang comments about Babangon. Simula pa lang po ‘yan. Wala pa po kami sa gitna ng Babangon. Marami pa pong matitinding eksena. Grabe nga po talaga ang hirap na dinadanas ko dun."
Sample nga raw ng ginagawang "grabe" sa kanya ay ang pagpapaluhod sa kanya sa kalye na nakakumot lang. Nagkasugat-sugat nga raw siya.
"Kaya nga ‘pag nagkaroon na ako ng chance na ako naman ang ‘mandudurog,' dudurugin ko talaga sila!" patawa uli ni Yasmien.
As for Tasya Fantasya, "impressive" ang hatol ng ilang manonood sa Sunday afternoon fantaserye niyang ito.
"Nnggiii...nakakakaba!" YM niya sa amin the next day after seeing the PEP report about her show.
Nagpasalamat na lang siya sa mga nanood at sa magandang comments tungkol sa Tasya Fantasya.
