Ibang kaligayahan ang naidulot sa pagkatao ni Judy Ann Santos ng pelikula niyang Ploning na ipalalabas na ngayong Abril 30. Ani Juday tungkol sa movie, "buung-buo" na raw siya dahil sa pelikulang ito at sa mga mahahalagang taong involved sa pelikulang ito. Wala na raw siyang mahihiling pa para sa kanyang darating na 30th birthday sa May 11.
Biro nga sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal), tila pati pagpapakasal ay nawawaglit na sa isip niya dahil sa pagkahaling niya sa Ploning.
"Hindi naman. Ang kulang pa rin kasi, pera! Ha-ha-ha!" natatawang sagot naman ni Juday.
"Well, siyempre, lahat naman ng babae, ang dream nila ay maikasal, maglakad sa dambana. Pero para sa akin, ayokong magmadali ako. Walang dahilan para magmadali ako. Ayokong magkaroon ako sa sarili ko ng enough reasons para sabihin na, ‘Bakit ba ‘ko nagmadaling magpakasal?' Ayoko ng may regrets ako.
"So, kami ni Ryan [Agoncillo], ine-enjoy namin ang each and every moment na magkasama kaming dalawa. Yung kasama namin si Yohan [their adopted daughter], tine-treasure namin yung mga ganitong moments. Kasi siyempre, once na nag-asawa na kaming dalawa, pumapasok na kami sa buhay namin na mas seryoso. Siyempre, may mababago na rin sa mga ginagawa namin. Mas magiging seryoso. So, ngayon, ine-enjoy lang namin ang lahat."
NO PLANS. Sabi nga ng PEP kay Juday, nakakagulat nang itanggi pa rin niya na may possible wedding na sa pagitan nila ni Ryan by next year nang isalang siya sa Lie-Detector Test segment ng Showbiz Central noong Linggo, April 13. Kung sakali man kasing pag-isipan nilang pakasal kahit ngayong taong ito, mahaba pa ang 2008 at posible pa. Pero yun pala, even by 2009 ay wala pa rin silang planong magpakasal.
Mutual decision or agreement ba nila ni Ryan yun?
"Yeah, pareho. Kasi, pareho naman kami ng nararamdaman sa isa't isa. Pareho naman kaming kampante sa isa't isa. So, I really don't think na magkakaroon ng isyu. Wala naman, e.
"At saka, hindi kasi pa namin talaga...honestly, kung may plano, bakit naman namin itatago, ‘di ba? Pero hindi naman talaga puwede yung kasal lang. Yung hindi ka naka-plano. We're thinking about the future kasi, like, ‘Saan tayo titira? Ano kakainin natin?' Dapat lahat yun, nakaplano. Dapat naman, lahat pareho kami ng responsibilities.
"Sa hirap naman kasi ng buhay ngayon, dapat talaga you think of the long term already. Hindi lang yung sa gagastusin mo sa kasal. E, yung kasal nga hindi na masyadong abala, mas abalahin mo yung kinabukasan ng anak mo at pamilya mo," mahabang litanya ni Juday.
BODY CLOCK. Magti-thirty na nga si Juday ngayong birthday niya. Sa mga babae raw kasi, may tinatawag na "body clock" na karamihan, nag-aasawa at nagbubuntis na bago pa man mag-treinta dahil sinasabing mas mahirap daw manganak kapag may edad na ang babae.
Sa puntong yun, natatawang inamin ni Juday na kahit naman daw siya, kapag naiisip niya ang tungkol sa "body clock" ay may tense factor din.
Aniya, "Siyempre, nate-tense din ako sa ‘body clock' na yun, ayoko na lang isipin. Pero siyempre, ayoko namang isipin na magkakaroon ako ng diprensiya or something or magkakaroon ako ng problema sa panganganak.
"Pero siyempre, nand'yan naman si Yohan. Pero kung bibigyan ako ni Lord ng isa pang anak, super-thank you, Lord, talaga. At saka, siyempre, lahat naman ng babae, gustong magkaroon ng sarili nilang anak."
Dugtong pa niya, "Ngayon kasi, nabuo na ako kay Yohan, nabuo na ‘ko kay Ryan. Nabuo na ‘ko ng Ploning. Nabuo na ‘ko ng lahat ng tao. Wala na ‘kong mahihiling pa."
