"I have always been a professional. Pero siyempre, inakala kong pagkakaibigan pa rin ang mas mahalaga sa industriyang ito. Kaya mas mabuting hindi na lang ako umaasa para hindi ako nasasaktan," laments Judy Ann Santos about  ABS-CBN's request for her to move Ploning's playdate from April 30 to May 14.

Photo: Noel B. Orsal

Nakatakdang magbakasyon sa Europe si Judy Ann Santos bilang post-birthday gift sa sarili sa darating niyang kaarawan sa May 11. Hindi pa tiyak ang pag-alis ni Juday, but most probably, on the second or third week of May ang plano.

"Medyo napagod din ako lately, sa tuluy-tuloy halos na shooting ng Ploning sa Cuyo, Palawan," sabi pa ni Juday. "Nag-resume na rin ng shooting ang iba pang projects, like yung Kulam for Regal, at sunud-sunod din yung para sa iba't ibang endorsements.

"Bago magkapatung-patong uli ang schedule ko, e, I might as well grab the chance na makapag-Europe. Yung tipo bang makapaglakad-lakad man lang sa ilalim ng Eiffel Tower sa Paris, o yung tipong gusto kong makatikim ng Belgian chocolate. Hayun, go akong bigla ng Belgium," at natawa ang aktres.

IT'S ALL BUSINESS. Tuwang-tuwa si Juday sa very positive feedback na natanggap ng Ploning sa preview nito para sa press at critics.

Ngunit gaano man pilitin ni Juday na kimkimin ang mga naipong sama ng loob, tila kakulangan o kawalan ng suporta ng ABS-CBN sa kanyang pelikula  ay dinidibdib niya.

"Ang stand ko naman kasi riyan, nakita ko yung point na it's just all business. Kung ganyan ang sinasabi nila, para hindi na lang ako umaasa, dapat sigurong magpaka-professional na lang ako.

"I have always been a professional. Pero siyempre, inakala kong pagkakaibigan pa rin ang mas mahalaga sa industriyang ito. Kaya mas mabuting hindi na lang ako umaasa para hindi ako nasasaktan," may lamang nasabi ni Juday sa amin.

Nagtungo ang PEP (Philippine Entertainment Portal) sa Esposada (isang tradisyon ng mga Cuyonon), ang motif ng birthday party ng isa sa co-producers ni Juday sa Panoramanila Pictures na si Guia Gonzales.  Ginanap ang party sa clubhouse na malapit sa residence nito sa Xavierville, Quezon City kagabi.

Doon ay inungkat namin kay Juday ang iba't ibang isyu, gaya ng pagpanig na mismo ni Direk Jose Javier Reyes sa aktres tungkol sa isyu na nalagay siya sa alanganin sa pagkakatapat ng Ploning sa playdate ng When Love Begins ng Star Cinema na magkakasabay sa April 30.

THINKING SHE WAS KAPAMILYA. "Sinasabi nga nila na early last year pa raw ay alam na nila ang playdate nila. May nagsasabing noong December lang, so whatever, wala rin naman akong magagawa roon, and I don't want to talk na para bang sumasama pa ang loob ko.

"Ang sa akin lang, inalok ko yung exclusivity ng promo sa ABS-CBN, thinking that I am with the Kapamilya network, at matutulungan talaga nila ako sa promo.

"But, they told me nga, dapat daw ay iurong na lang namin sa May 14 ang opening day namin 'cause When Love Begins will be opening on April 30 rin daw.

"Ganoon yung condition. Kaso lang, 30th birthday offering ko ito for my fans. May 11 ang birthday ko, at late na kung sa May 14 pa ito mag-o-open. Talagang wala naman akong magagawa roon.

"Ang importante, binigyan ko sila ng importansiya bago ako humingi ng tulong sa GMA-7, na nagpaunlak naman para i-promote nang husto ang Ploning sa iba't ibang shows nila," nangingiting sambit ni Juday.

TOUCHED BY DIREK JOEY'S OPENNESS. With Direk Joey, hindi alam ni Juday kung paano pasasalamatan ito sa napakabuting gesture at pagdidipensa sa kanya.