Recently ay nagpahayag ang Coverboys member na si Victor Basa sa Boy and Kris na handa siyang maghintay para maligawan na ang young star Valeen Montenegro. Hihingin pa nga raw niya ang permiso para manligaw sa parents mismo ni Valeen.
Sa mga sinabing ito ni Victor sa talk show, marami tuloy ang nagkainteres na malaman kung sino nga ba itong si Valeen.
Kapareha ni Victor sa Astigs ng ABS-CBN at gumanap bilang nakababatang kapatid ni Ryan Agoncillo sa teleseryeng Ysabella si Valeen. Nasa dugo rin ng young actress ang pagiging star dahil apo siya ng ‘50s movie idol na si Mario Montenegro.
GENDER QUESTION. Marami ang nagsasabi na bagay talaga sina Victor at Valeen sa tingin lang. Pero nang maging isyu ang pagkukuwestiyon sa gender ni Victor, may mga nagsasabing naging hadlang ito para tuluyang ibigin ng dalaginding ang binata.
Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Valeen, agad namang pinasinungalingan nito ang tsismis tungkol kay Victor. Dinepensahan pa nga niya ang Coverboy.
"'Di talaga, wala akong makitang anumang trace ng pagkabading sa kanya. Malinis lang talaga siya sa katawan. ‘Di naman vain na masasabi. Alam lang niya if he looks good and okey na siya dun.
"Sa mga gamit naman, typical guy na burara si Victor. But to be honest, ‘di bakla si Victor. Lalaki talaga siya."
WILLING TO WAIT. Sa tanong namin kung ano ang reaksyon niya sa sinabi ni Victor sa Boy & Kris na handa siyang hintayin nito, inamin ni Valeen na hindi niya napanood mismo ang interview. Si Empress Schuck lang ang nagsabi sa kanya ng laman ng interview ni Victor.
"Ang daming nag-text sa akin nun tungkol sa Boy & Kris, ‘tapos tinext din ako ni Victor na manood nga raw ako. Nung tinakbo ko yung TV, tapos na yung part na yun kaya ‘di ko napanood.
"Nung tinanong ko siya why all the people are texting me to watch Boy & Kris, sabi lang niya, that's nothing. ‘Tapos si Empress ang nagsabi sa akin tungkol dun."
Nabanggit din ni Victor na strict ang parents ni Valeen at nirerespeto niya ito. Hindi naman itinago sa amin ng aktres na may kahigpitan nga raw ang magulang niya pagdating sa ganitong aspeto. Ang maganda lang, personal na na-meet ng magulang niya si Victor pero wala namang negatibong reaksyon ang mga ito sa hunk actor.
"Medyo strict kasi ang parents ko at sinabi naman niya na he's willing to wait. Ang parents ko kasi ‘pag gusto kong mag-open up sa kanila na, I tell them, ‘Hey, there's a guy and he likes me,' parang lumalayo sila sa akin. Parang ayaw nilang pag-usapan na. I get their hint din naman.
"Minsan nag-soccer kami sa malapit sa amin, pumunta siya sa bahay. E, nandun ang parents ko, ‘tapos first time pa na may pumuntang lalaki sa amin na alam kong may feelings sa akin. Parang okey naman sa kanila. Wala naman silang reaction na ayaw nila kay Victor, and I think he's really a good guy."
NOT CLOSING DOOR. Sa tanong naming kung may pag-asa ba sa kanya si Victor, sinabi ni Valeen na hindi siya nagsasara ng pinto sa aktor pero sa ngayon ay hindi pa talaga siya naghahanap ng makakarelasyon.
"Wala naman siyang sinasabi pa sa akin na manliligaw talaga siya o, parang, I love you. Sa ngayon, we're super-close friends. We got out, nagmo-malling kami paminsan-minsan.
"Sa akin kasi ‘di pa rin naman natin alam kung ano ang kapupuntahan ng mga bagay. All relationships naman started with friendship. I'm not closing my door kasi wala naman akong boyfriend. But actually, ‘di pa rin naman ako naghahanap sa ngayon."
