May plano pala sanang mag-aral sa abroad si Smokey Manaloto subalit pinili nito na manatili na lang muna dito sa bansa para muling umarte sa harap ng camera.
"I was planning to study abroad," share ni Smokey nang personal na makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa Studio 10 ng ABS-CBN noong nakaraang Biyernes, May 9.
Kasama ni Smokey sa Studio 10 ang iba pang cast ng soon-to-be launched na afternoon soap opera ng ABS-CBN na pinamagatang Cattleya.
"I'm more inkling sa culinary arts sa abroad pero since dumating ‘to [Cattleya], siguro I have to move that plan, nasa likod muna," paliwanag ng magaling na actor-comedian.
Halatang mas matimbang pa rin kay Smokey ang pag-arte kaya nga daw nang ialok sa kanya ng Kapamilya Network ang proyekto ay agad niyang tinanggap.
Na-curious kami sa choice ni Smokey na kurso. Hindi naman kasi alam ng publiko na mahilig pala itong magluto. Tinanong namin si Smokey kung bakit culinary arts ang natipuhan niyang pag-aralan.
"Isa sa mga bagay na nagustuhan kong gawin, and sabi naman nila kaya ko naman daw. I don't know," nangingiting pahayag nito.
"Natutuwa ako ‘pag nagluluto ako, and nakikita ko, so far naman, lahat ng pinaglulutuan ko nag-i-enjoy sa ginagawa ko. So, sabi ko, sige, why not do something full-time na rin sa paggawa nito."
Bagama't sigurado na siya na gusto niyang mag-aral ay uncertain pa rin naman daw kung sa ibang bansa nga siya mag-aaral.
"Medyo iniisip-isip ko pa kasi it's either that or mag-fulltime talaga 'ko dito sa Pilipinas, dito sa trabaho. Pero isip ko naman kaya ko naman siguro pagsabayin," dagdag nito.
BACHELOR FOR LIFE? Base sa aming naririnig ay mukhang mabigat ang istorya ng Cattleya na siyang pagbibidahan ng young actress na si Roxanne Guinoo. Masayang ibinalita ni Smokey na ang character niya ang siyang magiging pambalanse sa seriousness ng kuwento.
May similarity din daw ang kanyang gagampanang papel sa kasalukuyang estado ng kanyang personal life. "Ako raw rito ang matandang binata," halakhak ni Smokey.
At bakit nga ba hindi pa rin siya nag-aasawa hanggang sa ngayon?
"Dapat nga meron na, e," sambit nito ng may panghihinayang. "Isip ko, dapat meron na, pero kasi hindi nagtutugma, e...sa lahat ng mga nakikilala ko. Siguro nagiging mapili lang ako or what pero hindi rin. Hindi ko rin alam, e."
Inamin naman ng binata na talagang naging maloko siya sa girls during his younger years.
"Alam mo, ‘yon din siguro ang naging sumpa sa akin. Siguro naging sobrang likot 'ko noon na hanggang ngayon hindi ko na alam kung kanino ako magsiseryoso," reveal nito.
"I thought I found her already. Akala ko nakita ko na siya pero ang siste hindi natuloy," seryosong pahayag ni Smokey.
Siguro'y naramdaman nito na nagiging emotional na siya kaya balik-playful mode ang aktor.
"Hopefully within siguro sa loob ng soap opera na ‘to mahanap ko ‘yong babae," biro ni Smokey sa PEP.