Kasama ni Dr. Manny sa contract signing ang kanyang misis na si Dr. Pie Calayan. Sa part naman ng Bellhaus Entertainment, naroon ang head ng kumpanya na si Jeffrey Tan, ang kapatid nitong si Jacklyn, ang kanilang ama na si Mr. Jack Tan, at ang general manager na si Ms. Myra Martinez. Si Jeffrey ay anak ng yumaong si Bella Tan ng Universal Records.
Kuwento ni Doc Manny, kararating lang nila from U.S. noong May 27 at agad niyang ipina-check sa kanyang secretary kung totoong gusto siyang gawing recording artist ng Bellhaus Entertainment. Positive ang lahat ng emails na natanggap niya noong nasa New York siya. Dumalo siya roon sa isang medical convention sponsored by the American Academy of Cosmetic and Surgery.
Ayon kay Doc Manny, "Noong una, we were really shocked. Sabi ko, ‘Totoo ba talaga 'yon?' But we are proud, pati na ang mga bata. Actually, sabi ng mga bata, 'Dad, kami ba ayaw mong maka-duet?'"
Sa contract signing ay nabanggit ni Doc Manny sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na mga sikat na mang-aawit ang makaka-duet niya sa kanyang album. Sa ngayon ay pina-finalize pa ang lineup ng mga singer na makakasama niya, pati ang mga kakantahin niya.
"Siyempre, hindi mawawala diyan si Faith Cuneta na madalas kong maka-duet sa mga concert... Si Sharon Cuneta, at sa guys naman, sina Martin Nievera and Basil Valdez. And the rest, mag-isip pa tayo," saad ni Doc Manny.
Ka-duet din daw ni Doc Manny si Dra. Pie. Ang plano nilang kantahin ay ang kanilang theme song na "The Promise."
May sariling komposisyon si Doc Manny na isasama rin sa kanyang album.
Nadiskubre ang talent ni Dr. Calayan sa pagkanta nang sumali siya sa Celebrity Duets ng GMA-7. Hindi man nanalo ay marami ang nagsabing puwedeng pang-recording ang kanyang boses.
Hindi rin nagbibiro ang cosmetic surgeon nang sabihin niyang kumakanta siya kapag nag-oopera siya ng pasyente. "Yes, kasi kapag nag-oopera ako ay may sounds din ako. Background music at least to relax the patient and para ma-relax din ako. Saka 'yong mga patient naman ay nagre-request na kumanta ako para maalis ang nerbiyos nila," kuwento niya.
Bagamat marunong kumanta ay hindi raw niya pinangarap na maging isang recording artist. Kung kumakanta man siya ay sinisiguro niyang hindi ito maging conflict sa kanyang pagiging doktor.
"Of course, hindi ko pababayaan ang aking pagiging doktor, 'saka propesyon ko talaga 'yan. Mas mahal ko pa rin ito kaya mas more time pa rin ang itutuon ko sa aking propesyon. Hindi ako darating sa puntong mamimili—doktor o singer—dahil pagiging doktor pa rin ang love ko. Pampaalis ko lang ng stress, ng pagod, ang pagkanta ko," pahayag niya.
Samantala, sinabi rin ni Doc Manny na hindi nakaapekto sa trabaho niya ang pagdedemanda sa kanilang mag-asawa ng isa nilang dating pasyente dahil diumano sa palpak na penis enlargement nito. Ayon sa doctor, blessing in disguise pa nga raw ang inihain na demanda dahil dumami ang humihingi ng appointment para mag-inquire tungkol sa penile enhancement at karamihan ay naka-schedule na for operation.
"Basta ba sumunod sila sa tamang procedures at sundin ang aking advices. Ang pinakaimportante ay pipirma sila ng waiver stating ‘No guarantee, risks and complications may arise, patient cannot sue the doctor,'" pagtatapos ng singing doctor.



