(Top, from left) Zanjoe Marudo, Gammy Lopez, Will Sandejas, and Matt Evans will compete for Best New Actor along with Jerrold Tarog (not in photo); (below, from left) Rhian Ramos, Lovi Poe, Jennica Garcia, and Ina Feleo will battle it out for Best New Actress along with Mayo Suzuki (not in photo).

Photo: Noel Orsal & File photos

Tuloy na tuloy na sa June 27 ang 24th Star Awards For Movies na gaganapin sa Lee Irwin Theater ng Ateneo de Manila University sa Katipunan, Loyola Heights, Quezon City. Ite-telecast ang proceedings ng awards night sa June 29 sa ABS-CBN.

 

Isa sa pinakamahalagang awards sa Star Awards For Movies ay ang kategoryang Best New Actor and Actress. Sa mga nagdaang taon, makikislap na pangalan sa kasalukuyan ang mga nagtamo ng award. Ilan sa kanila ay sina Daniel Fernando, Dennis Trillo, Marvin Agustin, Ryan Eigenmann, at Tonton Gutierrez na ngayon ay kinikilala sa kanilang husay sa pagganap.

 

Sa mga aktres naman, ang mga nagwagi na nito ay sina Kris Aquino, Lotlot de Leon, Angelika dela Cruz, at Sharmaine Arnaiz. Gaya ng kanilang male counterparts ay naging matagumpay rin at nagkaroon ng matinding staying power sa larangan ng showbiz.

 

Ngayong taong ito, limang lalaki at limang babae ang maglalaban-laban para sa tropeyo na simbulo ng tuluyang pamalalagi nila sa industrya. Gaya na ng nakagawian, dumaan sila sa isang masusing proseso bago sila napili. Hinimay-himay ang maraming pelikula at sa bandang huli, ang mga pangalang ito ang namukod-tangi.

 

Sa pamimili ng kung sino ang tatanghaling pinakamagaling sa mga baguhan, higit itong mahirap dahil halos lahat ay pantay-pantay, walang angat, walang kulelat sa mga nominado.

 

Sa male category, mamimili ang mga botante ng Philippine Movie Press Club (PMPC) kung kanino kina Will Sandejas, Zanjoe Marudo, Gammy Lopez, at Jerrold Tarog ang tatanghaling Best New Male Actor.

 

Sa mga babae naman, isa kina Rhian Ramos, Lovi Poe, Mayo Suzuki, Ina Feleo, at Jennica Garcia ang tiyak na papalaring manalo bilang Best New Actress.

 

Nagkaroon ng pagkakataon na makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang mga nominado para sa dalawang kategoryang ito, at ito ang kani-kanyang reaksyon tungkol sa pagkakapili sa kanila.

 

Best New Actor Nominees

 

WILL SANDEJAS. "Para na rin po akong nanalo sa nominasyong ito, nagpapasalamat po ako sa PMPC sa pagbibigay-importansiya nila sa role ko sa Sikil. Hindi ko ito inaasahan."

 

Kung tutuusin, maliit na aktor pa lang si Will, halos wala pang star value. Pero sa una pa lang niyang pagganap, sa pelikulang Sikil, ipinakita niyang posibleng maging isa siyang respetadong aktor kung mabibigyan pa siya ng ibayong break.

 

Sabi nga niya, "Sana naman po, maging simula na itong Sikil. Gusto ko pa talagang manatili sa industriya kaya umaasa akong papansinin ako ng mga producer at direktor diyan."

 

Pagkatapos ng Sikil, isinali rin si Will sa Troika, at ilan pang mga pelikula at TV projects, pero tila nasasayang nga lang ang galing niya. Sa kagaya niyang indie actor, kailangan talaga niya ng matinding pansin mula sa mas malalaking produksyon upang maipagpatuloy niya ang kanyang ambisyong maging ganap at respetadong aktor.

 

ZANJOE MARUDO. Suwerte ang naghuhukom sa career path ni Zanjoe Marudo. Puwedeng sabihing inihain sa kanya ang stardom sa isang ginintuang plato. Mula kasi sa Pinoy Big Brother Celebrity Edition, isa si Zanjoe sa nabigyan ng matinding break ng ABS-CBN.

 

Sa unang salang niya sa You've Got Me ng Star Cinema ay bida siya, kasama sina Toni Gonzaga at Sam Milby. Kahit yung exposure niya sa TV ay sobrang tindi rin. Puwedeng sabihing sa hanay ng mga nominado, siya talaga ang may pinakamabigat ang karanasan. Pero ‘ika nga, bilog ang bola kaya kahit na halos nakasisiguro na si Zanjoe, may tulog pa rin siya sa iba.

 

"Dinig ko nga po, mahalaga ang Star Awards For TV. Sana po ako ang manalo. Pero kung hindi naman, malaki pa rin ang pasasalamat ko sa PMPC. Isang karangalan po para sa akin ang mapansin ng inyong organisasyon," sabi ni Zanjoe.

 

Sa ngayon, marami nang naka-lineup na movie, TV, at iba pang projects para kay Zanjoe Marudo.

 

GAMMY LOPEZ. Siya ang kakambal ni Nathan Lopez, ang mahusay na teen actor na nadiskubre sa Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros. Sa Pisay Batch ‘86, ipinakita ni Gammy ang kanyang kakayahan bilang aktor. Sa unang mga eksena, aakalain mong siya si Nathan, pero makikita mo ang pagkakaiba dahil iba ang atake ni Gammy.

 

Kung papalaring manalo si Gammy, puwede nang sabihing hindi siya pahuhuli sa sikat niyang twin brother.

 

"Parehong mabait ang mga anak ko, hindi po sila nagsasapawan," sabi sa amin ng kanilang ama nang makatagpo namin sa isang function. "Nagtratrabaho po sila dahil gusto nilang makatulong sa pamilya. Kahit po sa mga araw-araw na buhay nila, hindi po sila nagkukumpetisyon. Nagbibigay po sila ng suporta sa isa't isa."

 

JERROLD TAROG. Walang masyadong impormasyon kay Jerrold Tarog. Pero siya ang mahusay na Visayan actor na gumanap bilang mayor sa indie movie na Confessional, isa sa mga mahuhusay na pelikula last year.

 

Binigyan ng character ni Jerrold ng kakaibang timpla ang pelikula. Napakahusay ng pagganap niya that it merited a nomination sa PMPC Star Awards for Movies this year.

 

MATT EVANS. Panggulat din gaya ng kanyang Pedro Penduko character ang role ni Matt Evans sa una niyang movie, ang Shake Rattle & Roll 9 ng Regal Entertainment.

 

Pangiti-ngiti lang si Matt Evans nang makausap namin tungkol sa kanyang nominasyon. Ayon sa kanya, nagulat siya dahil hindi niya akalaing papansinin siya sa naturang pelikula.

 

"Pero talagang salamat po. Hayaan ninyo, kung magkakaroon pa po ng tsansa sa ibang movies, paghuhusayan ko pa po lalo. Promise po, hindi ko bibiguin ang paniniwala ninyo sa aking kakayahan," pahayag ni Matt.

 

Best New Actress Nominees

 

RHIAN RAMOS. Si Rhian Ramos ay nominado para sa kanyang pagganap sa Ouija ng GMA Films. Markado at mahaba ang role niya at talagang nakipagtagisan siya sa mga bidang sina Judy Ann Santos, Jolina Magdangal, at Iza Calzado.

 

Puwede nang sabihing halos kapantay na siya ng mga nabanggit, pero dahil nga baguhan pa lang, sa supporting level siya ikinunsidera. Pero talagang ibinigay lahat ni Rhian ang nalalaman niya sa pag-arte.

 

Puwede ring sabihing hasa na siya sa TV kung kaya naging mahusay siya sa Ouija. Walang jitters at professional ang kanyang approach, kaya namang deserving siyang mapasali sa mga nominado sa kategoryang Best New Female Actress.

 

Sa ngayon, isa si Rhian sa mga pinagtutuunan ng pansin ng kanyang home network, ang GMA-7. Maraming plano sa kanya at sa dating ng mga usapin at iba pang intriga, walang dudang bukas-makalawa ay isa na sa mga pinakamalaking bituin sa larangan ng entertainment si Rhian.

 

LOVI POE. Winner si Lovi Poe ng Best Female Star for TV noong nakaraang taon. Heto at nominado na naman siya para as Best New Actress for movies para sa kanyang pagganap sa "Christmas Tree" episode ng Shake, Rattle & Roll 9. Alam na alam na raw ni Lovi ang feeling ng isang nominee.

 

"Excited po, at the same time grateful. Kasi nga po, lagi akong napapansin ng PMPC. Para sa akin, importante po yun. Sana naman, maibalik ko sa kanila ang importansiyang ibinibigay nila sa akin," sabi ni Lovi.

 

Simple lang ang mga ngiting ipinakita ni Lovi, pero talagang hindi maikukubli ang kanyang excitement.

 

Naaalala niya ang unang pagsalang niya sa isang eksena ng Shake, Rattle & Roll, kung saan kinakabahan siya.

 

"Akala ko po 'di ako papasa, pero sa una lang po pala yun. Natapos po ang movie na talagang hindi nawala yung excitement ko araw-araw. Kasi po, the movie meant too much for me. Hindi ko po talaga malilimutan," sambit ng young actress.

 

Ngayong nominado siya ulit, natural lang na ayaw niyang umasa. Okey lang daw sa kanya kung hindi manalo, ang mas mahalaga raw ay pinansin siya ng PMPC at yun ay hinding-hindi na niya makalilimutan.

 

JENNICA GARCIA. Sobrang lakas talaga ng dating ng anak na ito ni Jean Garcia at Jigo Garcia. Si Jennica ay unang sumalang sa telebisyon via GMA-7's Impostora. Kaya nga hindi nagdalawang-isip ang Regal matriarch na si Lily Monteverde upang ilunsad siya sa Hide & Seek, kung saan na-nominate siya.

 

Dahil sa kahusayan niya, puwede talaga siyang mapili sa naturang kategorya.

 

"Nakatataba naman po ng puso ang nominasyon ninyo," sabi ni Jennica nang makarating sa kanya ang tungkol sa kanyang nominasyon. "Salamat po, salamat po sa pagkakataong ibinibigay ninyo sa mga baguhang tulad namin."

 

INA FELEO. Simple pero makabagbag-damdamin ang interpretasyon ni Ina Feleo sa kanyang maiksi, pero makatas na role sa indie movie na Endo. Bilang disgruntled girlfriend ni Jason Abalos sa naturang movie, naipadama ni Ina sa kanyang audience ang kapaitang dinadala niya.

 

Maaaring hindi pa siya gaanong kilala, pero dark horse si Ina sa kategoryang ito. May pinagmanahan naman kasi si Ina bilang alagad ng sining. Siya ay anak ng premyadong direktor na si Laurice Guillen at ng magaling na character actor na si Johnny Delgado.

 

MAYO SUZUKI. Ang indie film na Telebisyon, na ipinalabas last year, ang bagong panggulat ni Mayo Suzuki. Marami kasing "bomba" ang half-Pinay, half-Japanese actress na ito, and every time she drops one, lagi ngang nagugulat ang showbiz. Remember yung debut niya kung saan nagsuot siya ng labing-walong gowns?

 

Sa Telebisyon ay mahusay na nagampanan ni Mayo ang kanyang role. And if only for that, isang malaking tsansa ang mapabilang sa shortlist ng mga nominado para sa kategoryang ito. Who knows, because of this movie, hindi na kailangang magpasabog pa ng ibang bomba si Mayo sa hinaharap?