"Mina-manage ko yung business namin sa Boracay, Palawan, at Los Baños. Restaurant yun at resort," sabi ni Carlos sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kahapon, June 8, nang mag-guest siya sa ASAP 08.
Kung dati ay kabi-kabila ang show ni Carlos sa ABS-CBN, ngayon nga ni isa ay wala siyang show sa Kapamilya network. Hindi ba siya na-depress sa kinahinatnan ng kanyang careeer?
"Walang ganoon," sagot niya. I'm very happy right now. At least nag-guest ulit ako ngayon sa ASAP."
Wala naman palang kontrata si Carlos sa ABS-CBN Star Magic. Kaya okey lang sa kanya kung hindi man siya nito nabibigyan ng proyekto ngayon.
"Wala akong kontrata sa kanila ever since but meron kaming agreement ni Mr. M [Johnny Manahan] so even mga kapatid ko, lahat kami sa kanya. Parang family talaga rito, Star Magic, Talent Center, ABS-CBN. So, kung lalabas din lang ako sa telebisyon, dito na lang. I mean kung bibigyan nila ako ng work, ‘Wow, thank you very much.'"
STEROIDS RUMOR. Samantala, nilinaw ni Carlos na walang katotohanan ang nasulat na nagkaroon siya ng malubhang karamdaman sanhi diumano ng pagggamit niya ng steroids.
"Walang ganoon, wala akong malubhang karamdaman. May nasulat pa nga na namatay na ako. Pero okey lang yun, ‘eto ako, buhay pa," sabay tawa ni Carlos.
Hindi naman daw napipikon si Carlos sa mga ganoong tsismis sa kanya.
"Hindi ko na lang iniintindi yung mga ganoon. Nakakagulat nga dahil kahit hindi na nila ako nakikita sa telebisyon, pinag-uusapan pa rin nila ako. So, ibig sabihin, miss nila ako. So, thank you, I miss you too," tawa na naman ni Carlos.
"Sa mga nag-aalala, huwag kayong mag-alala, I mean wala lang magandang offer or magandang work. ‘Pag meron, siyempre, gagawin naman natin, siyempre miss ko na rin yung fans, miss ko na rin yung mga Kapamilya natin.
"I'm moving on with my life. Kung may darating naman na maganda, e, di thanks. Kung wala, okey lang din naman. Kung anuman yung kinalalagyan ko ngayon, tanggap ko na, masaya na ako."
