"Actually, matagal na ‘to...two years ago na. Naka-ilang press release na rin sila. Pero hindi pa talaga siya officially nalu-launch. Ngayon pa lang," explains Glaiza de Castro about her debut album.

 

Photo: Noel Orsal

Buong-akala ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ay may bagong album na ilu-launch ang young actress-singer na si Glaiza de Castro sa Metro Phi sa Metrowalk this week. Yun pala, two years ago pa nakalabas sa mga record bar ang self-titled album niya, pero wala raw promotion na nagawa rito ang Dyna Records noong una. Hindi matatawag na re-launching ang mangyayari dahil this week pa lang daw talaga ang official launch ng kanyang album.

 

Sa mga hindi pa nakakaalam, aside from being a competent actress, Glaiza is also a singer. She actually started her showbiz career as a singer via her very first album noong bata pa lang siya, ang Magbalik Ka.

 

Mga pop, R&B songs daw ang laman ng kanyang album.

 

"Actually, may dalawa akong covers. ‘Tapos, ni-revive ko kasi yung ‘Basta't Kasama Kita,' pero ginawa kong English. ‘Tapos, yung carrier, yung ‘Paano.' English naman siya na original song ni Joey Albert, na ginawa naming Tagalog, " simulang pahayag ni Glaiza nang makausap siya ng PEP sa SOP noong Linggo, June 8, after niyang mag-promote ng final week ng Kaputol ng Isang Awit.

 

Ikinuwento ni Glaiza kung bakit umabot ng two years bago official na ilu-launch ang kanyang album. Ayon sa kanya, "Actually, matagal na ‘to...two years ago na. Naka-ilang press release na rin sila. Pero hindi pa talaga siya officially nalu-launch. Ngayon pa lang."

 

Aminado si Glaiza na hindi ito umaandar sa market. "Hindi kasi alam ng mga tao. Walang promotion, so paano nila malalaman?" banggit niya.

 

Nakatulong din daw sa album niya ang pagkakaroon niya ng afternoon series na Kaputol ng Isang Awit. Dahil dito, naging aware ang mga tao na isa rin pala siyang singer.

 

"Nakatulong talaga siya," sabi ni Glaiza. "Kasi doon, nagpe-perform ako, umaarte ako. E, kailangan din yun sa expression, di ba, kapag nagpe-perform ka? So, malaking tulong yun sa akin."

 

Ngayon daw, umaasa siyang kahit paano ay mas nakikilala na rin siya at posibleng mas marami ang magkaka-interes na bumili ng kanyang album.

 

"At least ngayon, nalaman ng mga tao na kumakanta pala ko. ‘Tapos yung song ko pa sa Kaputol, kanta ko rin sa album. So yung mga tao, naku-curious, parang 'Saan galing yung kanta na yun?' Like yung carrier single ko, yung ‘Paano,' ilang beses ko na rin siyang kinanta sa mga episodes ng soap.

 

"Siyempre, nanonood ako ng YouTube minsan, ‘tapos nakikita ko na nakalagay sa music video ko mismo na kinanta niya ‘to sa Kaputol, di ba? Or, may album ba siya? At least, naku-curious sila. ‘Tapos, parang hahanapin nila kung saan yung album ko...yung ganyan-ganyan. So sana, marami rin ang sumuporta," asam niya.

 

Sa launching daw ng album niya, mapapanood siyang nagpe-perform with a band.

 

Para kay Glaiza, gusto raw niyang maipakita ang versatility niya sa iba't ibang larangan at masubukan lahat.

 

"Marami na ring ganyan, di ba?" sabi niya. "Sila Sarah [Geronimo], sila Regine [Velasquez], so parang matalino na rin naman ang mga tao ngayon. Alam na rin nila kung kaya mong kumanta, okey sige, alam namin. Kung kaya mong sumayaw, sige, alam namin. Parang ako lang, ayoko namang mag-stick lang sa isang medium."

 

Hindi naman daw maiwasan ni Glaiza na hindi malungkot dahil last week na ngayon ng Kaputol ng Isang Awit, ang kauna-unahang serye na pinagbidahan niya. Mami-miss daw niyang lahat ang nakasama rito from the production team to her co-stars.

 

"Medyo malungkot, kasi noong farewell party namin noong Thursday [June 5], medyo emotional kami. Ang hirap kasing bitawan. Parang naging pamilya ko na silang lahat," pagtatapos ni Glaiza.