Kamandag ang huling show na nilabasan ni Biboy Ramirez. Nowadays, masaya ngayon si Biboy dahil matapos ang ilang panahong pasundut-sundot lang siya sa mga shows ng GMA-7, ngayo'y kasama pa siya sa bigating cast ng bagong Sine Nobela ng Kapuso Network, ang Gaano Kadalas Ang Minsan. Biboy will play the role played by Ronaldo Valdez in the original movie version of this new Sine Novela.
Excited nga raw siya sa pagkakataong ibinigay sa kanya ng Kapuso Network.
"Ngayon drama naman. Kasi dati puro fantaserye, action-fantasy. Ngayon, wala nang kathang- isip, puro mga katotohanan na dahil yung role ko rito, originally, si Ronaldo Valdez nga, at ang asawa ko rito ay si Maybelyn dela Cruz."
Aminado si Biboy na may time talaga na nawawala siya sa sirkulasyon.
"Nawawala-wala...hindi ko naman itatanggi yung truth na medyo napahinga ako ng matagal. Ganoon naman talaga ako, simula noong Kahit Kailan, magpapahinga ako, ‘tapos, magkakaroon ng time na busy, ‘tapos, pahinga, ‘tapos super busy na naman."
Sabi pa niya, "Actually, hindi siya okey [pagkakaroon ng paminsan-minsang raket], pero kung titingnan mo rin naman, better than nothing."
Masaya raw siya na, after all, ramdam niya na nandiyan pa rin ang tiwala sa kanya ng GMA-7.
"Salamat talaga kung ganoon. Kasi, kung wala naman talagang tiwala, wala nang naniniwala sa akin, wala na rin siguro akong magagawa."
Kung dati-rati ay hindi pa masasabing open at vocal si Biboy sa kung anong estado nga ba meron sa kanilang dalawa ni Jackie Rice, this time, wala nang pagtanggi sa mga sagot nito at umaming sila na nga talaga.
Pero binigyang-diin nito na hindi naman daw sila nag-deny.
"Hindi naman kami nag-deny," nangingiti niyang sabi. "Ngayon lang naman ako tinanong ulit. Dati kasi, noong tinatanong kami, hindi pa talaga kami."
Ayon kay Biboy, January of this year lang daw talaga niya masasabing officially naging sila na nga ng StarStruck Ultimate Female Survivor.
"'Yung dati, hindi ko naman masasabing ligawan, parang tapos na kasi sa stage na yun, pero, walang formality na tayo na. Walang commitment. Kaya masasabi ko na kung yung tagal na magkakilala, siguro, two-and-a half years na rin, pero, January lang talaga yung official," pagbibigay-paliwanag pa rin niya.
May kinalaman daw ang pagsapit ni Jackie ng 18 years old, kaya naging official na silang dalawa.
"Mag-e-eighteen na kasi siya noon. April ang birthday niya. So, naisip niya, bago siya mag-birthday, okey lang, hindi na namin hihintayin na mag-debut siya."





