"Parang nasabak akong bigla kasi ang role ko, asawa ni Kuya Willie. Kaya ang ipinu-project kong age diyan, mga thirty years old na dapat ako. Medyo mature ang look ko diyan para hindi naman kami maging alangan ni Kuya Willie. Ewan ko, pero hindi naman kailangang lumabas yung age, pero dapat na bumagay kami sa roles namin bilang mag-asawa," says Roxanne Guinoo about her role in Mr. Housewife.

 

Photo: Melo Balingit

Natuloy rin ang tambalan nina Willie Revillame at Roxanne Guinoo sa pelikulang Mr. Housewife. Dating nagkatrabaho sa Wowowee sina Willie at Roxanne, pero nangarag talaga si Roxanne noon sa workload at schedule niya kaya tinanggal siya sa top-rated noontime show ng ABS-CBN.

 

"Hindi pa masyadong nagmu-move on ang shooting dahil nagkakaloko-loko na rin ang schedule ko," kuwento ni Roxanne sa PEP (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa pelikula. "Parang nasabak akong bigla kasi ang role ko, asawa ni Kuya Willie. Kaya ang ipinu-project kong age diyan, mga thirty years old na dapat ako. Medyo mature ang look ko diyan para hindi naman kami maging alangan ni Kuya Willie. Ewan ko, pero hindi naman kailangang lumabas yung age, pero dapat na bumagay kami sa roles namin bilang mag-asawa."

 

Aminado si Roxanne na sa ganitong pagkakataon, hindi siya masyadong prepared para sa ganoong adjustment.

 

"Patalbug-talbog ako sa trabaho," sabi niya. "Iba-iba yung ginagawa ko. Gusto ko lang kasing paghandaan. Kahit sabihing comedy pa 'yan, gusto kong maging credible na lume-level ako kay Kuya Willie."

 

Si Roxanne nga ba ang first choice ni Willie para sa nabanggit na proyekto?

 

"Hindi ko alam, kasi bigla na lang kaming tinawagan. Pero masaya ako, kasi kung minsan, nakakabalik ako sa Wowowee at welcome akong palagi doon. Wala naman kasi kaming pinagsamahang hindi maganda ni Kuya Willie," lahad ng young actress.

 

JAKE-BEA RUMORED AFFAIR. Pero ang umuusok na balita ngayon ay ang tungkol kina Bea Alonzo at Jake Cuenca. Parang may alam si Roxanne dito, being Jake's former girlfriend.

 

"Naku, huwag na nating pag-usapan ang love life ko!" napatili si Roxanne. "Namamahinga ako sa love life at busy po ako sa trabaho. Ito ang hinaharap ko ngayon.

 

"Kahit anong pilit ko sa love life, yung love life ang lumalayo sa akin. Wala ring dating. Wala akong mahanap!" natatawang sabi niya.

 

Ano ang reaction niya tungkol kina Bea at Jake? Parang umiiwas din si Roxanne tungkol dito.

 

"Wala akong alam!" at natawa na naman siya. "Wala akong reaction! Hindi ko naman narinig kasi nakita ko. So nang makita ko, okey lang.

 

"Prior to the chika, nakita ko naman, e. Walang problema. Okey lang talaga. Okey na yun," nasabi na lang niya nang mapansing parang nadaragdagan ang comment niya.

 

Obviously, iba ang nakita ni Roxanne kesa pagde-deny na sinasabi nina Jake at Bea.

 

"Kung hindi sila nagku-comment, e, bakit ako ang magsasalita, di ba?" at natawang muli ang dalaga. "Sila na ang tanungin ninyo dahil sila naman ang involved. Wala na ako riyan."

 

Hindi ba siya naiinggit? Imagine, ang kanyang ex-boyfriend ay napunta na kay Bea ngayon?

 

"Hay, naku, tapos na yun! Sa sitwasyon ko ngayon, I can't just afford na magkaroon ng love life. Hindi ko nami-miss ang love life dahil mas nakakatakot kung ang nami-miss ko ay ang career ko." 

 

BACK TO WOWOWEE? Malakas ang feedback sa performance ni Roxanne sa afternoon soap na Ligaw na Bulaklak. Bukod dito, malakas ang bulung-bulungan na babalik siya sa Wowowee! at papalitan niya ang nawalang si Precious Lara Quigaman.

 

"Hindi naman ako babalik, as in regular co-host uli. Nagkataon lang talaga na magkatrabaho kami ni Kuya Willie sa pelikula. Kung wala lang silang trabaho at wala silang host, tumatawag sila sa handler ko kung puwede akong sumingit doon. Malapit lang ang bahay ko sa ABS-CBN. Two minutes lang, nasa studio na ako!" natatawang sabi ni Roxanne.