Dagdag pa ng direktor, isang "acting vehicle" ang Miss X para kay Katrina.
Bukod sa husay sa pagganap ay ire-require din kay Katrina ang pagiging daring sa ilang eksena sa pelikula. Pero nakahanda naman daw ang two-time FHM Sexiest Woman para rito.
"Siguro hindi naman po ipapakita lahat kasi bawal na po ngayon ‘yon, di ba?" pauna ni Katrina. "‘Tsaka may tiwala naman po ako sa OctoArts at saka kay Direk Gil. Alam ko pong makakaya ko po ‘yon at kakayanin ko po talaga dahil alam ko po maganda yung pelikula, ‘tsaka alam ko pong hindi nila ako papabayaan.
"Hindi naman po ako first-timer kasi ilang beses na akong nag-pictorial for FHM at may ginagawa akong coffee-table book, ‘tapos nagpa-fashion show din po ako. So, kaya ko po naman yun," paniniguro pa ng dalaga.
Tiniyak naman ni Direk Gil na hindi naman sobrang daring ang ipagagawa niya kay Katrina. At kahit daw bold at daring ang pelikula, gusto niyang ma-appreciate ito ng audience at maipalabas ito sa SM Cinemas, kung saan bawal ang R-18 films.
Sinabi rin ni Direk Gil na sinusubukan nilang kunin si Vilma upang mag-cameo role sa bagong version ng Miss X. Nagpadala na raw sila ng feelers at gusto raw mabasa ng actress-politician ang script.
Posibleng masimulan ang shooting ng Miss X sa late October or early part of November. Ayon kay Boss Orly, malamang ipalabas ito sa February 2009.
REGAL CONTRACT. Bago pumirma si Katrina ng kontrata sa OctoArts Films ay kinonsulta muna raw niya ang kanyang abogado para tiyaking wala na siyang magiging sabit sa kontrata naman niya sa Regal Entertainment.
Matatandaang ang Regal ang nagbigay ng launching film kay Katrina sa pamamagitan ng Gigil. Bukod dito, ginawa rin niya para sa Regal ang Super Noypi at Shake, Rattle & Roll 9.
"Yung pinirmahan ko sa Regal, four pictures for two years at tapos na po ang two years ko, and tatlo pa lang po ang nagagawa ko. E, two years lang naman po yun at pinabasa ko po sa attorney ko at tapos na nga raw po.
"'Tapos sabi rin ng attorney ko, paano raw po kung magkakaroon ng problema? Gagawa pa raw ba ko ulit sa Regal in case na habulin pa ang isang movie? Sabi ko, ‘Oo naman po! Wala naman pong masama sa akin.' At saka, wala naman po akong ginagawa ngayon, alangan naman pong hintayin ko?" paliwanag ni Katrina.
Pinagtatakhan din ng marami kung bakit sa Regal at OctoArts piniling gumawa ng pelikula ni Katrina samantalang may sarili namang film outfit ang Kapuso network, ang GMA Films.
"E, wala naman po silang offer sa akin!" natatawang pag-amin ni Katrina. "Baka wala po silang tiwala! Joke! Pero hindi po, di ba po, ang GMA Films naman po, hindi naman po kasi sila maramihan kung gumawa ng movies?"
FROM AVENGER TO MOVIE STAR. Ano naman ang masasabi ni Katrina na sa mga kasabayan niya ay bukod-tangi siyang pinagkatiwalaan ng film outfits na magkaroon ng solo movies?
"May nagtanong nga po sa akin kanina kung pang-ilan daw ako sa StarStruck. Sabi ko, ‘No. 8.' ‘Tapos sabi niya, ‘Tingnan mo, kahit pang-No. 8 ka lang, nandito ka pa rin, tuluy-tuloy.' ‘Di po ba,' sabi ko, ‘yung No. 8 suwerte po ‘yon?' Siguro, suwerte lang po talaga ako," saad ni Katrina.





