Singer-songwriter Ogie Alcasid celebrates his 20th anniversary in showbiz via a major concert titled 20/20, which will feature 20 celebrities as guests.

Photo: Courtesy of Universal Records

Nakakuha ang PEP (Philippine Entertainment Portal) ng tentative guest list  ni Ogie Alcasid sa 20/20 anniversary concert niya na gaganapin sa Araneta Coliseum sa September 27. Sa 20 guests ni Ogie, dalawa ang Kapamilya, walo ang freelance (mga singers na puwedeng mag-guest sa ABS-CBN at GMA-7), at sampu ang mga Kapuso.

Ang dalawang Kapamilya ay sina Gary Valenciano at Piolo Pascual; sina Pops Fernandez, Nyoy Volante, Joey Generoso ng Side A, Rico J. Puno, Nonoy Zuñiga, Rey Valera, Top Suzara, at Hajji Alejandro naman ang mga freelance.

Pinangungunahan naman ng kasintahan ni Ogie na si Regine Velasquez ang guests na taga-GMA-7. Ang iba pa'y sina Janno Gibbs, Jaya, Kyla, Michael V, Rufa Mae Quinto, Dennis Trillo, Iza Calzado, Lovi Poe, at Marian Rivera.

Ipinauna na ni Ogie na kumain bago pumasok sa Big Dome o kaya'y magdala ng pera na pambili ng merienda, dahil may kahabaan ang concert niya. Sa guests pa lang, kakain na ng malaking oras dahil ang iba sa kanila'y may solo spot, may makaka-duet din si Ogie, at may mga sasayaw rin. Huwag din daw magbabaon ng food dahil bawal sa loob ng Big Dome at hanggang sa mga kamay lang ng ushers at security aabot ang mga ‘yon.

Si Rowell Santiago ang director ng 20/20 at si Gerard Salonga naman ang musical director.

Bukod sa kanyang fans na 20 years nang sumusuporta sa kanya, ang ex-wife ni Ogie na si Michelle Van Eimeren at ang dalawa nilang anak ang special guests ng singer-comedian sa kanyang concert. Darating ang kanyang mag-iina sa mismong linggo ng concert at mananatili sila rito ng ilang araw. Ngayong taon lang babalik si Michelle at ang kanilang mga anak mula nang sila'y mag-relocate sa Australia.

Tiniyak ni Ogie na magugustuhan ang kanyang repertoire—mga kantang isinulat at kinanta niya; isinulat niya for other singers; at mga kanta na hindi siya ang sumulat, pero pinasikat niya. Kasama rin siyempre ang sinulat niyang movie theme songs at mga kantang kasama sa bagong album niyang The Great Filipino Song Book under Universal Records.

Mabibili na ang tiket sa Ticketnet at P3,000; P2,000; P1,500; P1,000; P500; at P250.00.

SELOS FACTOR. Sa ibang balita, napapangiti lang si Ogie sa kantiyaw ng mga kaibigan na dapat magselos siya sa kissing scenes nina Regine at Mark Anthony Fernandez sa Ako Si Kim Samsoon. May mga nagsa-suggest namang magpa-link siya kay Marian, na kapareha niya sa music video ng "Kung Sakali," carrier single ng bago niyang album para amanos sila ng girlfriend.

"Pareho naming kaibigan ni Regine si Marian, at ako pa ang nagpakilala sa kanilang dalawa," sabi ni Ogie sa PEP. "Nagagandahan ako kay Marian at alam ito ni Regine. Noong bago pa lang siya, binabati-bati ko na at sinasabi ko na kay Regine na ang ganda-ganda ni Marian.

"Close silang dalawa. Lagi ngang invited si Marian sa mga party sa bahay nila ni Regine. ‘Tsaka hindi marunong magselos yun [Regine]. Nakakatuwa lang ang ibang tao."

ALBUM FOR ROBBY. Inalam din ng PEP kay Ogie kung totoo ang nabalitang ipo-produce nila ni Regine ng album under their iMusic label si Robby Navarro ng Pinoy Idol.

"Pinag-iisipan namin. Sayang kasi kung hindi siya magkaka-album, magaling siyang singer," sabi ni Ogie.

Very vocal si Ogie sa pagsasabing magaling si Robby, na bet niya ito simula nang mapasama ito sa Top 12 ng Pinoy Idol. Hindi rin niya naitago ang disappointment nang ma-eliminate agad si Robby.