JC de Vera (left) was pulled out from the movie "Sundo" as the love interest of Rhian Ramos. He will be replaced by Hero Angeles (right), who immediately accepted the offer.

Photo: Noel Orsal

Nakakagulat ang bilis ng pangyayari sa pagpapalit ng cast ng horror film na Sundo. Kasusulat pa lang na kasama na si JC de Vera sa cast at siya na ang magiging love interest ni Rhian Ramos, instead of Mark Bautista na binigyan ng ibang role bilang kaibigan ng bidang si Robin Padilla. Excited pa ngang um-attend si JC sa story conference ng Sundo last Monday, August 11, dahil first time niyang makakatrabaho si Robin Padilla, heto't nakatanggap ang PEP (Philippine Entertainment Portal) ng panibagong balita.

 

Kahapon, August 12, sa first shooting day ng Sundo na co-produced ng GMA Films at Viva Films, nabalitaan ng PEP na pinull-out na si JC sa cast. "Conflict of schedule" ang ibinigay na rason ng kampo ng young actor kung bakit hindi na nito magagawa ang pelikula.

 

Sisimulan na raw kasi ang taping ng Obra kung saan si JC ang featured artist for the whole month of September. Naka-schedule na rin ang shooting ng Shake, Rattle & Roll X, kung saan isa siya sa mga bida ng entry ng Regal Entertainment sa 2008 Metro Manila Film Festival. Dagdag na work load din sa kanya ang promo ng Loving You na showing na sa August 20.

 

Sunod na ibinalita sa PEP, si Jason Abalos na raw ang papalit kay JC sa role ng love interest ni Rhian. Inaayos na lang daw ang schedule ng young actor na identified sa ABS-CBN at bukas, August 14, ay magre-report na dapat ito sa kanyang first shooting day sa Subic.

 

Kaninang umaga, August 13, ibinalita sa PEP na hindi pumuwede si Jason dahil tinatapos pa raw nito ang natitirang taping sa Eva Fonda ng ABS-CBN. Hindi raw kakayanin ng schedule ng young actor na maglagare sa taping at shooting, lalo na kung parehong on location.

 

Ang ipinalit kay Jason ay si Hero Angeles, na agad pumayag mapasama sa big cast ng movie at ang maganda, hindi issue sa kanya kung kapalit lang siya ni JC. Ang importante sa young actor, balik-pelikula siya at sa GMA Films pa.

 

Dagdag na tuwa pa sa kauna-unahang Star Circle Quest winner na makasama si Robin at sina Katrina Halili, Rhian Ramos, Mark Bautista, at Sunshine Dizon sa isang pelikula.

 

Ang Can This Be Love ng Star Cinema noong 2005 ang last mainstream movie ni Hero, kapareha si Sandara Park. Matatandaan na sa shooting ng nasabing pelikula umigting ang away ng dating magka-love team. Pero huling napanood si Hero sa indie movie na Stockroom, na siya rin ang producer, director, at lead actor.

 

Nauna nang mag-comeback sa TV si Hero nang mapasama siya sa cast ng Dyesebel bilang si Mark, ang masungit at laging galit na kapatid ni Paolo (Aljur Abrenica).

 

Bukas ang first shooting day ni Hero sa Subic para sa Sundo. Gagampanan niya ang role ni Eric, isa sa anim na magkakabarkada at ma-i-involve nga kay Rhian as the blind sister of Robin.

 

Nagkapareha na sina Hero at Rhian sa isang episode ng Maynila kaya hindi ang Sundo ang first project nila together.

 

Ano ang masasabi ni Hero tungkol sa pagsasama nila sa pelikula ni Rhian?

 

"Masaya! Kasi nakatrabaho ko na siya before. Mabait siya at jolly person," sabi ni Hero nang makausap siya ng PEP.

 

Sa pagtatambal na ito nina Hero at Rhian, siguradong magre-react na naman ang detractors at "fans" ng young actress. As for JC, sila pa rin ni Rhian ang magtatambal sa La Lola ng GMA-7.