Nagtapos na ang unang season ng Pinoy Idol at na-declare na ang taga-Biliran na si Gretchen Espina (daughter of Governor Roger Espina) bilang kauna-unahang Pinoy Idol Grand Champion. Ang first runner-up niya ay si Jayann Bautista of Pampanga.
Natapos man ang naturang competition, hindi pa raw ito tapos para sa isa sa naging Top 5 finalists na si Kid Camaya ng Pampanga. Sa naging panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Kid after ng grand finals night na ginanap sa SMX Convention Center sa SM Mall Of Asia, kahapon, August 17, sinabi nito na hindi raw magiging hadlang ang hindi niya pagkakapasok sa Top 3 para hindi niya i-pursue ang kanyang dream na maging isang singer.
Sabi nga ng dating assistant bank manager ay patuloy siyang makikipagsapalaran sa larangan ng pag-awit hanggang sa marating niya ang matagal na niyang pinapangarap.
"My dream doesn't end here in Pinoy Idol," ngiti ni Kid. "Sanay naman na ako sa mga ganitong sitwasyon. I experienced getting rejected and not winning. Hindi na bago para sa akin ito. I'm just happy na umabot pa ako sa Top 5. Pinakamalaking achievement na 'yon para sa akin."
Noong ma-eliminate si Kid a week ago, inamin niyang umasa siya na mapasama sa Top 3 finalists. Pero at the same time ay natuwa siya dahil deserving naman daw sina Gretchen Espina, Jayann Bautista, at Ram Chaves to be the in the Top 3.
"They deserve to be there. Lahat sila naging close sa akin at kung ako naman din ang magiging text voter, I would give my votes sa kanilang tatlo. Sinabi ko nga whoever wins sa kanilang tatlo sa grand finals night, walang kuwestiyon kasi lahat sila deserving na manalo."
MISSING THE OTHER GUYS. Mami-miss ni Kid ang masayang samahan nilang mga Pinoy Idol finalists. Maganda raw kasi ang naging bonding nila sa ilang weeks na pagsasama nila sa iisang tirahan.
"Lahat naman kaming mga nakapasok sa Pinoy Idol, we have fond memories of the competition. Yung bonding namin ang mami-miss ko kasi bago kami mag-perform and before elimination, nag-uusap kami. Kapag may na-eliminate, pare-pareho kaming malulungkot kasi nga nabawasan na kami.
"Walang naging problema sa amin during the many weeks na magkasama kami. Kung may problema man, minor lang kasi iba-iba ang ugali namin talaga. But we try to adjust and make the most of it habang magkakasama kami."
TALENTED GRETCHEN. Ngayong declared first Pinoy Idol winner si Gretchen, ano ang masasabi ni Kid sa negative reaction ng marami, na idinaan daw sa yaman ang pagkapanalo nito.
"Like what I said, kung sino ang manalo kina Gretchen, Jayann, at Ram, no question dahil pare-pareho silang magagaling. It just so happened na si Gretchen ang mapalad and she's very talented. Huwag na lang natin tingnan ang family background niya, and focus on her talent. Magaling siya talaga."
PAMPANGA-BOUND. Ano ang next step na gagawin ni Kid ngayong tapos na ang competition?
"Gusto ko munang umuwi sa Pampanga at magbakasyon," ngiti niya. "Gusto kong magpapayat kasi tumaba ako nang husto during Pinoy Idol. Dapat after akong ma-eliminate last week ay uuwi ako, kaso nag-start na kami ng rehearsals for the grand finals night. Kaya hindi ako natuloy umuwi at tumawag na lang ako sa ilang kamag-anak namin.
"Now, I want to go home and be with my whole family who I miss so much. Gusto kong magpasalamat sa lahat ng mga kabalen na bumoto sa akin kahit na hindi ako nakaabot ng grand finals. Malaking bagay na yung nakaabot ako ng Top 5 out of the thousands na nag-audition at sumubok."
Balak ba ni Kid na balikan ang dati niyang trabaho o magtuluy-tuloy sa kanyang singing career?
"Puwede naman ako bumalik sa dati kong trabaho anytime. Very supportive naman sila sa akin. Hindi ko lang alam kung ano ang plano sa amin ng GMA-7. If there is a plan, maghihintay ako baka nga naman may magandang mangyari. Kung wala naman, I can always go back to my old job. But life goes on for me. Like what I said, my life doesn't end with Pinoy Idol. Simula pa lang ito ng mas magagandang pangyayari sa buhay ko."
