We never expected na magiging sobrang enjoyable ng presscon-launching ng Season 2 ng Celebrity Duets, ang singing competition sa GMA-7 mula sa Fremantle Media kung saan walong non-singing celebrities ang makikipag-duet sa mga professional singers every week. Ginanap ang press launch ng naturang singing competition sa 17th floor ng GMA Network Center kagabi, August 20.
Matatandaang sa unang season ng Celebrity Duets ay si Tessa Prieto-Valdes ang nanalo kontra sa mga runners-up na sina Dr. Hayden Kho at Jessica Rodriguez. Ang iba pang mga naging celebrity contenders noon ay sina Dr. Manny Calayan, Wyngard Tracy, Tim Yap, Frederick Peralta, at Anna Theresa Licaros.
This second season, walong celebrity contenders ulit ang maglalaban-laban each week para sa cash prize na P1 million, na ang kabuuan o bahagi ay mapupunta sa mapipiling charitable institution ng mananalo. Purely text votes ang magiging basehan kung sino ang mae-eliminate bawat week.
Celebrity Duets is still hosted by on-and-off-screen musical partners Regine Velasquez and Ogie Alcasid. Pero kagabi ay si Ogie lang ang mag-isang nag-host ng presscon dahil kasalukuyan daw nagte-taping si Regine ng Ako Si Kim Samsoon sa Tagaytay.
Kabilang sa walong celebrity contenders this season ng Celebrity Duets ay dalawang beauty queens, isang beauty expert, isang komedyante, isang soccer player, isang chef, at isang politician. Sila ay sina MMDA Chairman Bayani Fernando, ang fashion designer na si JC Buendia, ang comedian turned politician na si Joey Marquez, ang kapatid ni Joey na beauty queen-supermodel-actress na si Melanie Marquez, ang former Bb. Pilipinas-World na si Carlene Aguilar, ang wellness and beauty expert na si Cory Quirino, ang chef at former co-host ng Ka-Toque na si JL Cang, at ang Fil-British professional soccer player na si Phil Younghusband.
They will start competing on August 23 in GMA-7.
Ang panel of judges this season ay ang veteran concert and theater director na si Freddie Santos, ang renowned composer and arranger na si Danny Tan, at ang Celebrity Duets first grand winner na si Tessa Prieto-Valdes. They will replace last year's batch of judges na sina Louie Ocampo, Mitch Valdes, and Buboy Garovillo.
Sa presscon proper kagabi, walang humpay na tawanan ang nangyari dahil bukod sa pagpapakuwela ni Ogie ay lumabas din ang comic side ng mga celebrity contenders na humihirit din sa pagpapatawa.
THE CELEBRITY CONTENDERS. Isa-isang ipinakilala ni Ogie ang walong celebrity contenders ng Celebrity Duets this season at nagbigay sila ng kani-kanilang mga mensahe.
Unang tinawag si Chairman Fernando at nagbiro muna kung meron bang sidewalk vendor sa loob ng presscon venue.
"Anyway, this would be fun," sabi niya. "Kaya lang, hindi ko malaman kung bakit ako naririto, e. Nabigla yata ako pagsagot! Nakakanerbiyos pala rito. But anyway, we will try our best to entertain and most of all, I'll try my best to win the prize. Please, give your vote ha? Hindi pa ito yung 2010!" hirit niya, na ang tinutukoy ay ang napipinto niyang pagtakbo sa susunod na national elections.
Sumunod naman na nagsalita ang dating Miss International na si Melanie Marquez.
"Akala n'yo kilala na ninyo ako, ha! It's about time to give you one of my hidden talents... Talent pala," pagtatama niya sana sarili, pero kinorek siya ng entertainment press na tama na yung una niyang sinabi. Dugtong niya, "Ay, oo nga pala... sandali, nalilito na ako! Alam ko naman na kahit hindi ako mag-campaign, e, iboboto n'yo ako. Patatawin ko kayo, ie-entertain ko kayo.
"Sa totoo lang, ilusyon ko ‘yan [singing]. Pero a lot of my friends here, kilala ako na isa talaga sa mga ilusyon ko ang kumanta. Kaya paninindigan ko po ‘yan at bibigyan ko kayo ng magandang show, magandang-magandang show," pangako niya.
After Melanie, ang kapatid naman niyang si Joey Marquez ang sumunod.





