Inamin ni Governor Vilma Santos na hanggang ngayon, umiinom pa rin siya ng gatas, tulad ng nakagawian niya nung maliit pa siya. Pero dumating daw ang panahon na kinasawaan niya ang pag-inom ng gatas.
"Kasi ang talagang pabaon sa akin ng mama ko noon ay dalawang pandesal at gatas. Laging gano'n. ‘Tapos kahit ano pa ang pagkain namin, ang inumin namin talaga noon, gatas.
"Pero now, I see to it, kahit na with my busy schedule, makainom ako ng gatas, at least once a day. Kailangan ko na kasi for my bones. Lalo na ngayong 38 na ako."
Nagtawanan tuloy ang mga media people sa presscon ng Bear Brand for their "Laki Sa Gatas Nutrition Education Campaign" na ginanap sa Annabel's Restaurant in Tomas Morato, Quezon City, kaninang tanghalian. Dalawang taon na rin nilang endorser si Gov. Vi at tamang-tama naman daw na kasabay at kapareho ng campaign nila this year ang ongoing nutrition and education campaign din ni Gov. Vi sa pinamamahalaan niyang Batangas. Nationwide nga lang ang covered ng campaign ng Bear Brand.
NO TO NATIONAL POSITION. Isa sa mga programa ng Star for All Seasons turned Batangas governor ang pag-aalis ng malnutrition sa mga musmos ng Batangas at ang pag-alalay sa kanilang edukasyon. Kaya nga binanggit din ng misis na ito ng bagong NEDA (National Economic Development Authority) director-general na si Ralph Recto sa nasabing presscon na hinding-hindi niya tatanggapin ang alok na tumakbo para pagka-presidente sa kahit sinumang kakandidatong presidente ng Pilipinas sa 2010.
"There are a lot of things to do pa, and I don't think I can leave Batangas by 2010 nang hindi ko naisasakatuparan ang mga naka-line up na mga programa ko.
"At aaminin ko sa inyo, didiretsahin ko kayo na at this point in time hindi ko pa kakayanin na makapagsilbi ng buong Pilipinas. Batangas muna. Wala akong interes sa national positions."
Buong pagmamalaking sinabi ni Governor Vi na unti-unti niya naman daw naaabot ang mga nai-set niyang goals noong umupo siya as governor ng Batangas.
"Tatlong bayan ang pinupuntahan ko everyday. I see to it na umaandar ang mga proyekto ko at inaalam ko kung ano ang problema ng bawat probinsiya."
MORE BARAKO THAN THE BARAKOS. Hindi tuloy napigilan ni Governor Vi na balikan ang panahon noong kauupo niya pa lang as Lipa mayor na minamata-mata pa siya noon ng mga "Barako" ng Batangas.
"Hindi ba, ang Batangas is a ‘Barako' country. So, nung nag-umpisa ako, yung mga constituents ko, lalo na yung mga barako from the other party, ‘pag binabati ko sila, ngingitian ko, tinitingnan lang ako. Parang minamaliit talaga ako. Pero nung nagsimulang umandar na ang mga proyekto ko, nakita nila na iba ako. Na kapag sinabi kong gagawin ko, gagawin ko talaga at nangyayari. Ang maipagmamalaki ko nga sa kanila, mas lalaki pa ako kausap kesa sa iba."
Aminado naman ang si Gov, na hindi naman daw agad napagbibigyan ang ibang lumalapit sa kanyang mga pinunong bayan at lider ng mga barangay. Ipinapaliwanag naman daw niyang mabuti sa mga ito kung ano ang mga balakid at kung bakit hindi puwedeng maibigay ang mga hinihiling agad-agad.
"Sinasabi ko agad sa kanila na, ‘Pasensiya na, pero wala pa talaga tayong budget para sa inyo.' Sinasabi ko kaagad at di ko na pinapaasa pa. Pero kung kayang gawin, kayang abutin, ginagawa namin. For example, kung may problema ang isang lalawigan, kakausapin ko kung sino ang in-charge sa budget. Itatanong ko kung bakit hindi magawa o kung ano ang dapat gawin para magawa agad. Kung kaya namang gawin at may available resources, basta makita ko na kaya, pipirmahan ko kaagad yung papel. Walang problema roon."
Madali rin daw namang kausapin ang mga Batangueño leaders. Siguro nga raw dahil sa pagiging Vilma Santos na niya na wala naman sa pinalitan niyang pinuno at sa iba pang nauna sa kanya.
"Siguro nga dahil sa Vilma Santos na ako. It's a big factor, being Vilma Santos. For example, yung mga kapitan ng barangay na humihiling sa akin for their projects, tinapat ko na agad sila na wala muna po tayong hard project for the barangays, it's all soft. Kasi ang binigyan ko pong pinakamalaking budget yung provincial roads. So hindi ko po mailalagay yan for 2008, so maybe next year. Balik na lang po kayo para sa resolusyon n'yo. So sabi nila, ‘Talaga po bang hindi puwede?' Sabi ko, hindi po talaga. Sabi na lang nila, ‘O, sige po, puwede pong pa-picture na lang?' Siyempre, it's the least I can do for them. Wala namang problema sa akin. Saka alam naman nila na they will have their turn once matapos ko yung isang lugar or project. Tinutupad ko ang pangako ko."
LUIS AND BEING CALLED LOLA. Kinumusta naman ng press si Governor Vi tungkol sa kanyang anak na si Luis Manzano. Marami na kasi ang nagsasabing botong-boto na talaga ang Batangas governor sa natsitsismis na ka-on ng anak niya na si Angel Locsin. Tinanong tuloy si Governor Vi kung handa na raw ba siyang maging biyenan, at kung magpapakasal na raw ba si Luis?
"Kung gusto niya, why not. Yeah. Pero ako kasi, nababataan pa ako sa kanya, e. He's only 27. I mean, let him enjoy his life muna, his being single."
Biniro tuloy siya na baka takot lang siyang maging lola na.
"Ay, ayokong maging lola, ‘no. Gusto ko, momsie!" Nagtawanan tuloy ang mga kausap niya.
Tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kung tinanggap ba ni Luis ang alok to be her gay son sa pelikula ni Gov. Vi with John Lloyd Cruz.
"Hindi yata. I think he feels he's not yet prepared to play that kind of role."
MOVIE WITH HER KUMARE. Tinanong naman ng PEP kung willing din ba siyang gumawa ng movie with her perennial rival but her dear kumare, Nora Aunor.
"Why not, basta ba maganda ang script at bumalik muna siya. Sana makabalik muna siya."
Nagkakausap nga raw sila ni Nora once in a while at nagkukumustahan.
"Nagte-text kami. Nagkakamustahan. I just wish her well. The last time, I talked to her was in March or April? When I was in the States. Sabi naman niya she's okay. We didn't have the chance to see each other kasi I was in L.A., she was in Las Vegas. Pero nagte-text pa rin kami. she said she's okay.
"I just wish her well and she'll be more comfortable na makabalik na siya."
