Young actress Rhian Ramos plays her biggest role to date, that of a man who became a woman in GMA-7's upcoming primetime series La Lola.

Photo: Noel Orsal

Pahapyaw ay naikuwento ni Rhian Ramos sa PEP (Philippine Entertainment Portal) kung ano ang magiging takbo ng kuwento ng La Lola, ang pagbibidahan niyang primetime series sa GMA-7. Sabi pa niya, natutuwa siya na ang lalapit ng mga location taping nila kumpara sa ibang mga nagawa niyang mga serye.

 

"Actually, doon ako galing kagabi, sa taping," sabi ni Rhian nang makausap siya ng PEP sa GMA Network last Tuesday afternoon, September 16. "Sobrang saya! Masayang-masaya talaga. Lalo na at nandoon si Direk Dom [Dominic Zapata, director of La Lola], e, makulit yun.

 

"Ang lalapit lang ng taping namin...Makati, Ortigas. ‘Tapos yung apartment ko [sa La Lola] , nasa may Linden Suites lang. Yung office ko, nasa Makati. Puro ganoon lang at first time ko na malalapit ang location."

 

Sikat na series sa Argentina ang La Lola na nagmula sa Argentina. Nakailang salin na rin ito sa iba't ibang wika. Ginagampanan ni Rhian dito ang isang dating lalake na pinakulam ng kanyang dating girlfriend kung kaya't nagkaroon ng katawang babae.

 

"President siya ng Distelleria, yun ang trabaho niya noong lalaki siya. Nang maging babae siya, ang akala nila, namatay si Lalo. Hindi na kasi nila mahanap. Hindi nila alam na naging babae. Kaya yung naging pakilala ko sa kanila, girlfriend," kuwento niya.

 

Kahit paano, ni-reinvent din daw ni Rhian ang kanyang looks for the said show.

 

"Ang goal kasi namin, yung talagang girl na girl ang hitsura para yung damit na lang at acting ang lalake. Parang awkward talaga, di ba?" natatawa niyang sabi.

 

RHIAN AS WENDELL. Si Wendell Ramos ang gaganap na Lalo sa La Lola. Kaya natatawang kuwento ni Rhian, feeling daw niya, nawi-weirduhan na sa kanya si Wendell dahil palagi niya itong tinititigan.

 

"Hindi ko alam kung nawi-weirduhan na sa akin si Wendell. Pero kapag nakikita ko siya, nakatingin talaga ako sa kanya. Kasi pinag-aaralan ko ang mga kilos niya. Kung paano siya tumingin sa mga tao. ‘Tapos yung camera ko, nakaganoon talaga sa kanya at bini-video ko siya."

 

Natatawa na lang daw si Wendell sa kanya.

 

"Kapag nakikita niya ako, medyo napapatawa na lang siya. Pero ayaw niyang ma-conscious siyempre, gusto niya, natural lang," saad ni Rhian.

 

Bukod kina Rhian at Wendell, kasama rinsa La Lola sina JC de Vera, Eddie Garcia, Marvin Agustin, Angelika dela Cruz, Paolo Contis, Eula Valdes, Marky Cielo, Keempee de Leon, at Lovi Poe.

 

NO BOOS. Hindi naman itinago ni Rhian na kahit paano, nandoon talaga ang kaba niya sa premiere night ng I.T.A.L.Y. (I Trust And Love You) noong September 14. Baka raw kasi totoo ang mga kumakalat na banta sa e-mails na may magbu-boo sa kanila ni Mark Herras.

 

Pero natapos daw ang premiere na instead na "boo!" ay mga palakpak at sigawan pa mula sa mga natuwa at posibleng kinilig na mga fans ang natanggap nila ni Mark.

 

"Siyempre, siyempre! Pag-upo ko talagang... O, di ba, pasahan ng microphone? So, pag-upo mo, siguro ito na yung pagkakataon nila. Sabi ko, ‘My gosh, Mark, takot ako sa fans mo! Baka naman magalit sila sa akin kapag nag-greet ako, di ba?'

 

"Pero sabi niya, ‘Hindi ‘yan...hindi ‘yan. Basta hawakan mo lang ang microphone mo at mag-hi ka lang sa lahat.' Tuloy, dahil sa nerbiyos ko, minadali ko na. Sinabi ko, ‘O, bakit pa natin patatagalin, enjoy na natin ang I.T.A.L.Y.' ‘Tapos si Mark, si Mark kasi ang unang pinasahan ng microphone at sinabi ko talaga na, ‘Walang mangyayari sa ‘yo, promise.' Nag-commit kasi ako sa kanya na walang mang-aaway. So, yun talaga ang sinabi ko na walang mang-aaway and, in fairness, wala talaga."