Akala namin ay pagtataguan kami ni Nadia Montenegro, lalo ngayong direkta nang idinawit ni Rose Flaminiano ang pangalan niya sa isyu kay Gabby Concepcion. Ayon kay Mrs. Flaminiano, si Nadia raw ang "sulsoltant" ni Gabby, o isa sa mga nagbuyo sa aktor para kuwestiyunin ang kung anu-anong nakasaad sa kontrata o business agreement na namamagitan sa aktor at sa nakakabangga nito ngayong business manager. (Click here to read related article.)
Pero ilang sandali lang, kaninang hapon, September 18, sa kakukulit ng PEP (Philippine Entertainment Portal), tinig ni Nadia sa cell phone ang narinig namin na diretsahang sinagot ang mga katanungan namin regarding the issue.
Unang-una, inamin ni Nadia na nanggaling talaga sa kanya ang nakarating na mensahe kay Mommy Rose, na una niyang nai-forward kay Jobert Sucaldito bilang paliwanag sa mga naisusulat daw ni Jobert laban kay Nadia.
"Totoo naman yun, and I meant it," ani Nadia. "Gabby was in bad company, and I meant well for him as a friend.
"Gusto ko lang ipaalam sa mga tao na wala akong napapala sa isyung ito. Unang-una, ano ang pakinabang ko kung sinusulsulan ko nga si Gabby? Yung tao, tumatawag 'yan sa akin. Naging confidante niya ako to a certain extent, lalo na sa business matters. Ako nga ang nagpapaliwanag sa kanya sa maraming bagay na sa ngayon ay nakakagulo sa kanya.
"Noong kapanahunan namin as Regal babies, may call slip pa na nakararating sa amin 'pag may shooting. Ang sabi ko kay Gabby, iba na ang panahon ngayon. Lahat ng ganyang klase ng transaction, naisasara sa pamamagitan na lang ng cell phone at texting.
"Pero sa isyu nila ni Mommy Rose," patuloy ni Nadia, "natural na sila ang may agreement diyan, at hindi naman siguro tanga si Gabby na basta na lang magre-react ng ganoon kung wala rin siyang nakikita at napapansing kamalian, di ba?
"Ano ang palagay nila roon sa tao? Kung ano na lang ang sasabihin ko, tatanggapin niya? Hindi naman ganoon yun. Hindi ko na siya kailangang sulsulan dahil siya mismo ang nakakaalam na nadedehado siya."
Aware din si Nadia na si Precy Ejercito, misis ni Senator Jinggoy Estrada, ang nagparating ng text message niya kay Mommy Rose, na una niyang ipinasa kay Jobert.
"Gusto ko lang linawin na I don't have anything against Mommy Rose," diin ni Nadia. "In fact, doon sa Music Museum concert ni Gabby, tumulong pa ako by contacting Pops Fernandez para makapag-guest doon.
"I just don't know why I have to be dragged on this, pero kilala ako ng mga kaibigan ko. Madalas akong nalalagay sa hindi magandang situwasyon dahil na rin sa mga kaibigan ko, pero gagawin ko yun dahil mga kaibigan ko sila na gusto ko rin namang protektahan, lalo na't sila naman ang humihingi ng advice at suporta.
"'Yang si Gabby, dumaraan pa 'yan sa bahay namin sa White Plains kapag mayroon siyang mga bagay na gustong klaruhin, lalo sa career niya. Matagal na nawala yung tao [sa showbiz], and he needs people na mapagkakatiwalaan niya," paliwanag ng dating aktres.
Inamin din ni Nadia na umiiwas siya sa company ni Mommy Rose, na kapag kasama ng mga ito si Gabby, kahit anyayahan siya ng kaibigang aktor ay hindi siya sumasama.
"Simply because I'm not comfortable with them," tahasang sabi ni Nadia. "Kung gusto ni Gabby na makipag-deal kay Mommy Rose, siya ang may gusto niyon at decision niya yun. Bahala siya. Hindi si Gabby ang tipong masusulsulan ko.
"Okey lang na magsalita siya [Mommy Rose] ng kung anu-ano laban sa akin, pero ang posisyon ko ay bilang kaibigan ni Gabby na hinihingian lang naman niya ng suporta.




CALLED OUT
ALL COMMENTS