Sa nakaraang ribbon cutting para sa photo exhibit ng Star Magic 2009 Catalogue na ginanap sa Cinema 4 ng SM Megamall last Sunday, September 28, naging kapansin-pansin na bukod sa magkatabi sa upuan habang nag-o-autograph signing ay nag-uusap ang dating magkasintahan na sina Roxanne Guinoo at Jake Cuenca.
Sa hiwalay na panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Jake, sinabi nito na sobra siyang nag-alala sa kalagayan ni Roxanne dahil sa sunud-sunod na araw na lagi itong nagkakasakit. Hindi rin itinago ng binata na kabado siya nang mag-taping siya para sa kinabibilangang gag show ni Roxanne, ang Banana Split, lalo't sila ng dating girlfriend ang madalas na mag-eksena. Sa tono ng pananalita ni Jake ay obvious na hindi pa rin nawawala ang concern niya kay Roxanne.
Kinuha rin ng PEP ang reaksiyon ni Roxanne sa naging pahayag ni Jake.
"Dedma na yun, wala na yun," sambit niya. "Basta okey na ako. Okey na naman ako, kaya ko naman. Nag-usap kami nun sa ribbon cutting kasi nagpapayuhan kami tungkol sa mga sakit. Inalagaan naman ako nila Tita Mariole [Alberto of Star Magic], inasikaso nila yung hospitalization ko nung na-ospital ako two weeks ago. After nun, hinika ako dahil sa sunud-sunod na trabaho. Siyempre, nagtatrabaho ako nang sobra, napapagod din naman ang katawan natin."
Dagdag niya, "Malapit na rin kasi ang pagtatapos ng Ligaw na Bulaklak, so talagang pinagaganda yung mga eksena. Inaabot na kami ng sikat ng araw."
Ayon kay Jake, malabo man ang pagbabalikan nila ni Roxanne ay ina-appreciate niya ang friendship nila. Ano ang masasabi ng young actress dito?
"Basta ‘pag nagkikita kami, hi and hello lang. Yun naman ang importante. Hindi naman kami nagkaroon ng away," sabi ni Roxanne.
Kung si Jake ay kabado sa pagge-guest niya sa Banana Split, wala naman daw naramdamang friction o tension si Roxanne sa pagkikita at pagsasama nila sa isang trabaho ng aktor.
"Okey lang, normal. Walang namang tension or something, wala at all."
Consistent si Roxanne sa pagsasabing nakatuon ang kanyang atensiyon sa career niya ngayon. Marami tuloy ang nagsasabi na mukhang na-trauma si Roxanne sa relasyon nila ni Jake.
"Hindi naman ako na-trauma, mabait naman si Lord sa akin," paglilinaw ni Roxanne. "'Yang love life, nandiyan lang sila pero ako mismo, ayoko. Ayoko ring madaliin saka inuuna ko muna ang trabaho ko.
"Gusto ko ‘pag nagka-love life uli ako, stable na talaga. Stable na hindi ka na magwo-worry sa taong ito. Kumbaga, alam mong secured na secured ka na sa pagmamahal niya sa lahat."
Iniisip din ng iba na baka hindi pa raw nakaka-move on totally si Roxanne sa feelings niya para kay Jake hanggang ngayon. Pero itinanggi ito ng young actress.
"Kung anuman ang mga pangit na nangyari, bumabalik ‘yan. You just have to be strong and put in your mind na kapag nasaktan ka, sasaya ka rin. Kung nagmahal ka, nagpasensiya ka, nagbigay ka, nasaktan ka, tinanggap mo yung mga pagkakamali mo, madali kang makaka-move on," pahayag niya.
