Mabentang-mabenta ang pagiging cover girl ni Jean Garcia sa FHM magazine. Senyales na tanggap ng masa ang pagiging "hot mama" at magiging inspirasyon pa siya ng mga babaeng kasing-edad niya to look good sa edad na 40.
"Yun naman ang statement na gusto kong ipaabot sa maraming babae. Kahit na 40 or over 40 ka na, you can still look good. Puwede ka pang maging hot and sexy basta alaga mo ang katawan mo at masaya ka sa buhay mo," sabay ngiti pa ni Jean.
Dalawang taon din daw na niligawan si Jean ng FHM para mag-pose para sa cover. Madalian nga raw ang mga nangyari dahil hinabol daw nila ang October issue. Pang-99th issue nga kasi itong si Jean kaya special itong paglabas niya sa FHM.
"Lahat naman ng hiniling namin ay binigay nila. Before naman lumabas ang mga pictures, pinakita muna nila sa akin kaya may approval lahat.
"But of course, kinabahan ako because ang mga kalaban ko sa market ay mga babae younger than me. Pero age is just a number. Nasa pagdadala ‘yan and I'm confident enough to say na kaya kong makipagsabayan sa mga bagets."
Wala naman daw pagtanggi sa pag-cover niya sa FHM ang kanyang anak na si Jennica Garcia. Natuwa nga raw ito at pinakita ni Jean na sexy pa ito at halos pareho lang sila ng katawan.
"Jennica is very supportive sa mommy niya, kaya I will also support her kapag gusto na niyang mag-pose ng sexy sa FHM balang-araw. Wala pa naman yatang mother-daughter na nagawa iyon sa FHM. Who knows baka kami ang mauna sa ganyan, di ba?"
Tungkol naman sa pag-amin ni Jennica na sila na nga ni Mart Escudero, masaya naman si Jean dahil alam niyang nasa mabuting kamay ang kanyang anak.
"I trust Mart and I trust my daughter. Alam ko na wala silang gagawin na masama. Alam naman ni Jen na ayokong matulad siya sa akin.
"I had her noong 19 years old pa lang ako. I missed so many opportunities noong kaedad ko siya. I don't want her to follow what I did. Sayang ang mga dumarating na suwerte sa career nila.
"Kaya I always tell them na priority ang career at kahit na sila na, huwag silang masyadong ma-in love sa isa't isa. Konting space din ang kailangan para magawa nila ang mga dapat sa career nila."
Pagkatapos ng Dyesebel, dalawa ang shows na gagawin ni Jean sa GMA-7. Una ay bilang kontrabida ni Dennis Trillo sa Gagambino at pangalawa ay ang local TV adaptation ng hit Koreanovela na All About Eve. Makakasama niya rito sina Eula Valdes, Sunshine Dizon, at Iza Calzado.
