Sa presscon para sa bagong endorsement ni Valerie Concepcion kagabi, October 8, sa ABS-CBN, ang gulong nangyari pa rin kina Alfie Lorenzo at ng dalawang set ng TV crews ng ABS-CBN sa victory party ng Regal Entertainment para sa Mag-Ingat Ka Sa...Kulam ang naging paksa sa bawat mesa. Kakaunti nga lang ang nakaalam nito dahil halos wala nang manunulat na natira sa Imperial Palace Suites nang mangyari ang sigawan. (Click here to read related article.)
Dumiretso ang PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Alfie nang magkita kami sa Starbucks pagkatapos ng gulo para kunin ang kanyang panig. Sa presscon ni Valerie, sinigurado naming kunin ang side ng mga TV crew na nasermunan ni Alfie Lorenzo, kung kaya't lumapit kami kay Mylene ng The Buzz. Ipinakausap ako agad kay Odie ng The Buzz na siyang unang nag-request na mag-interview kay Alfie.
Bago namin pinag-explain si Odie, ikinuwento muna namin sa kanya ang panig ni Alfie na kami mismo ang nakausap at nagsulat dito sa PEP.
Nagtugma ang unang bahagi ng mga kuwento nila.
Lahad niya, "Ganito po yun, kinausap ko po si Tito Alfie. Sabi ko sa kanya, puwede po bang ma-interview siya tungkol doon sa nangyaring nakawan sa bahay nila. Tumanggi po siya, sabi niya baka ie-edit-edit lang namin. Sabi niya sa amin, nagpa-interview na siya sa Showbiz Central, tama na yun. Baka maulit na naman daw po yung sa nangyari raw [sa interbyu tungkol] kay Claudine [Barretto]."
Sa parteng ito, napansin na raw ni Mylene na nagagalit na si Alfie kaya inutusan niyang lumayo na sila.
Ayon kay Mylene, "'Tapos umupo na po siya, doon na siya nagkukuwento at nag-sermon sa amin."
Ayon kay Tito Alfie, pinagiling pa rin daw ng ABS-CBN ang camera nila.
"Hindi na kami yun," paglilinaw ni Mylene. "Ibang station na yun. Nandoon ang GMA-7, ang Juicy ng TV5, at pati ang UNTV. Sabi ko sa mga kasama ko, kapag galit na si Tito Alfie, huwag na natin ituloy dahil tiyak hahaba ‘yan."
Hindi na raw sila kumuha ng footage nang umupo si Alfie at nagsimula ang sermon. Nakikinig na lang daw ang ilan sa kanila, pero ang mga camera nila, nakatutok na kay Dennis Trillo.
Tinanong namin ulit si Mylene kung may material sila sa nangyaring sermon.
"Wala," sagot niya. "Pinatigil ko na nang umayaw siya kasi ang kailangan lang naman namin yung kuwento ng nakawan na nangyari sa kanya."
Ikinuwento namin kina Mylene na ang alam ni Tito Alfie, sa kanila pa rin ang camera na nakatutok sa kanya habang nagse-sermon siya. Sinigurado nila na hindi na mga camera nila ang nasa harap ni Tito Alfie ngunit inintindi na lang din nila ito dahil galit na nga ito, at akala sa kanila pa rin ang mga nakaharap na camera sa kanya.
Pagkatapos ng presscon, may hinabol kaming balita kay Tito Alfie kung kaya't dumiretso kami sa bahay niya sa Panay Avenue. Sinabi namin sa kanya na inisulat na namin dito sa PEP ang side ng kanyang kuwento sa nangyaring sigawan at nakuha na rin namin ang panig naman ng ABS-CBN TV crew rito. Sinabi naming naninindigan ang TV crew ng ABS-CBN na hindi na sila ang kumuha sa kanya nang magsimula na siyang nagalit.
Hindi na sumagot si Tito Alfie.