Kailan lang halos simula nang maging open na sa kanilang relasyon sina Biboy Ramirez at Jackie Rice. Pero yun pala, ilang linggo lang pagkatapos nilang uamin ay nag-break na rin ang dalawa.
Yun ay kung pagbabasehan ang sinabi ni Biboy na three months na silang break ni Jackie. Nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Biboy, hindi naman niya itinanggi na wala na sila ng StarStruck 3 Ultimate Female Survivor at single daw siya ngayon.
Biro namin sa kanya, kung kailan naman sila umamin, ‘tsaka sila nag-break agad.
Pabiro nitong sinabi na, "Oo nga, e. Sana pala hindi na lang kami umamin!"
"Indifferences" nilang dalawa ang sinasabi ni Biboy na reason ng breakup nila ni Jackie. Nilinaw rin ng young actor na walang third party.
"Yun ang pagkakaalam ko, there's no third party, especially on my part. Okey pa rin naman kami ni Jackie. We still talk, pero yung relationship, yun ang nawala na," sabi ni Biboy.
Right now, mas gusto raw niya talagang mag-focus sa kanyang trabaho. In fact, masaya siya sa opportunity na ibinigay sa kanya ng GMA-7 for Gaano Kadalas Ang Minsan. Umaasa siya na dahil malapit na itong mag-end, mabigyan ulit siya ng panibagong oportunidad ng kanyang home network.
