Nagpatawag ng presscon si Senator Loren Legarda kahapon, October 15, para sa pagkilala ng senadora kay Mother Lily Monteverde ng Regal Films sa kontribusyon nito sa Philippine movie industry. Pero imbes na pulitika ang pag-usapan ay mas minabuti ni Senator Legarda na makipagkuwentuhan sa entertainment press tungkol sa ibang bagay.
Alam naman ng lahat na bago pumasok si Sen. Legarda sa pulitika ay 20 taon muna siyang nagtrabaho bilang broadcaster. Bagamat nakilala siya bilang isa sa mga nangungunang TV personalities ng ABS-CBN, nagsimula si Sen. Legarda sa GMA-7 noong 1978.
Pero noong 15 years old pa lang siya, noong 1975, ay nag-VTR at suwerte namang nakuha para sa TV commercial ng Close-Up toothpaste. Ayon sa senador, 900 pesos lang ang talent fee niya noon.
Dagdag niya, "Dapat ay si Michael de Mesa ang ka-partner ko noon, pero hindi ko alam kung bakit kumuha na lang sila ng isang doktor na siyang nakatambal ko. At si Michael, naging isa na lang sa mga kasama namin sa commercial."
Dahil napag-usapan na rin ang commercials, ano ang masasabi ni Sen. Legarda sa hindi pagpabor ni Senator Miriam Defensor-Santiago na mag-endorse ng anumang produkto ang mga senador. Inaway ba siya ni Sen. Defensor dahil sa pag-endorse niya ng mga produkto?
"Hindi ko naman siya puwedeng awayin kasi kumare ko siya!" natatawang wika ni Sen. Loren.
Sa seryosong tono, aniya, "Ang gusto ko lang, kung ipagbabawal ang paggawa namin ng commercial, dapat kasama na rin ang mga [pulitikong] gumagawa ng movies at hindi lamang kami. Kahit ang mga congressman at iba pang public officials, dapat pagbawalan din. Pero nasa Supreme Court na ‘yon, sila ang magde-decide. Kung ipagbabawal nila, susunod ako sa desisyon nila."
Naging kontrobersiyal din ang isang endorsement ni Sen. Legarda, ang Lucida, na nagkaroon ng problem sa Bureau of Food And Drugs (BFAD) dahil kulang diumano ang ingredient nito sa bawat tabletang ibinibenta sa merkado. Totoo bang siya ang nagpatanggal ng mga billboard niya para sa Lucida?
"Yes, I endorsed Lucida at ako na rin ang nagpababa ng mga billboards ko," pagkumpirma ng senador. "Nasa contract ko naman sa kanila na kapag nagkaroon ng problema ang produkto sa BFAD, I can withdraw. After six months, nagkaroon nga ng problema sa BFAD at dapat na akong mag-withdraw. Paano ko ie-endorse ang isang produkto sa publiko kung hindi naman pala ito sumusunod sa requirements ng BFAD?"
Isa rin sa itinanong kay Sen. Legarda ay ang issue na nakisawsaw daw siya sa pagka-hostage sa ABS-CBN broadcaster na si Ces Drilon at ang mga kasama nitong cameramen sa Sulu noong June 2008. Ang opinyon ng iba, ginawa raw niya ‘yon para pabanguhin ang pangalan niya dahil malapit na ang eleksiyon.
"Hindi ako nakisawsaw!" seryosong sagot ni Sen. Legarda. "Kung hindi humingi ng tulong sina Maria Ressa at Charie Villa ng ABS-CBN News & Current Affairs, hindi ako makikialam. Puwede ninyong tanungin si Ces, si Maria Ressa, si Charie.
"Tinanong ko rin muna sila kung wala pa bang nakikipag-usap sa mga nang-hostage, dahil kung meron na, ayaw ko nang makialam. Pero sabi nila, wala pa raw at ako raw talaga ang hinihingi ni Ces para makipag-usap sa mga nang-hostage sa kanila. Saka lamang ako kumilos. Nang makausap ko si Ces, na nahirapan din ako para makontak siya sa cell phone, tinalakan ko talaga sa harap niya ang mga captors.
"Kailangan ko nang umakyat ng bundok dahil nasa panganib na ang buhay nila, gusto na silang pugutan ng ulo. Nakaamba na raw kay Jimmy [Encarnacion, cameraman] ang patalim. Doon na ako humingi ng clearance para makaakyat ng bundok. Hindi ako aalis nang walang clearance. Ganyan din ang ginawa ko sa ibang tinulungan ko noon na na-hostage din. Wala akong choice kundi tulungan sila.
"Alam ko ang puwede nilang sabihin sa akin, pero pipiliin ko nang tulungan sila kaysa sumbatan ako ng konsensiya ko dahil napatay sila. Hindi kayang dalhin ng konsensiya ko ‘yon. Alam ng Diyos kung ano ang totoo, kaya sabihin na nila ang gusto nilang sabihin, basta ako, gusto ko lamang makatulong," paliwanag ng senador.