Bukas, October 18, ang cremation ng yumaong direktor na si Khryss Adalia, ang kinilalang "Inay" sa mga director. Gaganapin ang cremation sa Crematorium sa San Antonio sa Makati.
Pumanaw si Direk Khryss noong October 13, Lunes, dahil sa kumplikasyon dulot ng colon cancer.
Kagabi naman, October 16, ang piniling pagkakataon ng pamunuan ng GMA-7 Entertainment division upang magbigay ng huling pagpupugay sa direktor, kasabayan ng ibinigay na "Huling Sulyap" film showing ng My Monster Mom sa UP Film Institute ng Regal Entertainment at GMA Films.
Ang My Monster Mom ni Jose Javier Reyes ang huling pelikulang nilabasan ni Direk Khryss bilang aktor.
Mistulang isang artista ang dating ng lamay ni Direk Khryss sa Funeraria Paz sa dami ng tao at bulaklak. Puti ang dominanteng kulay sa chapel, ang mga damit ng mga nagsidatingan pati na rin ang bulaklak na umabot hanggang sa labas ng chapel.
Pinasimulan ang tribute sa pamamagitan ng isang misa. Sinundan ito ng series of eulogies mula sa pinakamalalapit na kaibigan ni Direk Khryss, isang AVP na tribute ng GMA-7, at ang pagtugtog ng pinakapaboritong kanta ng yumaong direktor, ang "Moonriver" version ni Barbra Streisand.
Isang plaque ang nakatayo sa likod ng altar sa tabi ng puting kabaong ni Direk Khryss, alay ng GMA-7 para sa kanyang serbisyo sa Kapuso network.
Nanguna sa mga nagsidalo at nangasiwa ng tribute ang pinakamatataas na opisyal ng GMA-7 Entertainment division na sina Ms. Lilybeth Rasonable, Ms. Marivin Arayata, at Ms. Redgie Acuna-Magno. Katulong nila ang mga production managers na sina Rams Ravid at Redgynn Alba, ang mga executive producers na sina Camille Gomba at Angie Castrence.
Dumalo rin ang mga direktor ng GMA-7 na sina Joel Lamangan, Gil Tejada, Gina Alajar, Mark Reyes, Don Michael Perez, pati na rin si Gil Portes.
Sa mga artista, nangunguna na si Ms. Celia Rodriguez na pinakamalapit kay Direk Khryss. Pauwi na ang pamilya nina Tirso Cruz III at wife Lynn at ang anak nilang si Bodie Cruz, kasabay ng tatlong StarStruck graduates na sina Mark Herras, Mike Tan, at Rainier Castillo, nang dumating kami sa Funeraria Paz
Inabutan naman namin sina Jolina Magdangal na namumugto pa ang mga mata, Iza Calzado, Caridad Sanchez, Ana Roces, Deborah Sun, Daria Ramirez, Chanda Romero, Angelu de Leon, at si Ms. Wilma Galvante (SVP for Entertainment TV ng GMA-7). Nandoon na rin si Annabelle Rama nang dumating ang tatlo sa kanyang mga alaga, ang magkapatid na Michelle at Ehra Madrigal at si Bubbles Paraiso.
Paalis na kami nang dumating naman si Angge at ang ilan sa mga alaga niyang sina Lotlot de Leon at Mai-Mai Davao.
62 years old si Direk Khryss nang bawian siya ng buhay.




