Willie Revillame says reconciliation with Joey de Leon is "historical"

Glen P. Sibonga
Saturday, October 18, 2008 @ 11:13PM  |  18304 views

 

"I humble myself to Mr. Joey de Leon. Hindi ko puwedeng ikumpara ang sarili ko sa kanya dahil institusyon na siya, e. Ako naman po, e, hangad namin dito ay magpasaya lang," says Willie Revillame a day after his reconciliation with Joey de Leon.

Photo By: Mark Pimentel














"Historical," iyan ang paglalarawan ng Wowowee host na si Willie Revillame sa nangyaring pagbabati at pagsasama nila ng nakaalitang Eat Bulaga host na si Joey de Leon sa kauna-unahang Supreme To The Extreme Awards ng Philippine STAR na ginanap kagabi, October 17, sa Embassy Super Club sa The Fort, Taguig City. (Click here to read related article.)

Parehong nanalo ng awards sina Willie at Joey sa naturang event na inorganisa ng mga young writers ng Philippine STAR sa pangunguna ni Tim Yap. Ginawaran si Willie ng Televisionary Award, samantalang ang highest award naman na The Supremo Award ang ibinigay kay Joey.

Kanina, October 18, bago pa man maipakita sa mga showbiz talk shows, ipinalabas sa programang Wowowee sa ABS-CBN ang buong video coverage ng naturang paghaharap nina Willie at Joey.

"Ang susunod n'yo pong mapapanood ay hindi ko ine-expect at hindi ko aakalaing mangyari ito. Ito po ay araw-araw n'yong napapanood na bangayan nang bangayan. Eto po para malaman n'yo na kung ano ang nangyari kagabi, sa buong mundo, panoorin n'yo po ito," ang paunang sabi ni Willie bago pa ipalabas ang video.

At nasaksihan nga ng mga manonood ang kauna-unahang pagkikita nina Willie at Joey matapos ang mga kontrobersiya at patutsadahan nila sa telebisyon. Dito nga ay nilinaw ng dalawa na hindi naman talaga sila nag-aaway kundi nagpapatutsadahan lang. Parang lambingan lang daw nila ito.

Nakita rin sa naturang video ang pagyayakapan, paghahalikan, pagkakamay, pagsasabi ng "I love you" sa isa't isa at pagbibiruan ng dalawang sikat na TV hosts.

WILLIE'S MESSAGE. After maipakita ang video ay nagbigay rin ng mensahe si Willie sa Wowowee tungkol sa nangyaring paghaharap nila ni Joey.

"Ang sarap ng feeling ng ganyan," simula ni Willie. "Alam n'yo, krisis na ang buong mundo, mahirap na ang buong mundo. Puro awayan. May natatanggal sa show, may ganito...puro pananakit, sakitan ng loob. Two noontime shows ang pinapanood ng mga Pilipino araw-araw sa buong mundo. E, yun ba ang ipapakita natin sa mga bata na lagi kaming nag-aaway? I think eto na yung time.

"I humble myself to Mr. Joey de Leon. Hindi ko puwedeng ikumpara ang sarili ko sa kanya dahil institusyon na siya, e. Ako naman po, e, hangad namin dito ay magpasaya lang. Darating ang panahon, hindi n'yo masabi, baka magkasama rin kami sa isang show, sa isang pelikula, o ano. Tandaan n'yo po sa mundong ito, walang permanente. Ang permanente rito ay pagbabago.

"Ang importante ho, araw-araw yung dalawang show na ito, Eat Bulaga at ang Wowowee, nagbibigay ng saya sa inyo at nakakatulong sa mga taong nangangailangan. Kaya maraming salamat. Sana huwag na nating palakihin ito. Tapos na. Ako na ang nagpakumbaba. Siyempre respetado naman si Sir Joey at tinanggap niya yung ano ko sa kanya. Patutsadahan lang ho ‘yan, wala ho ‘yan. Joey, bukas, Monday, kita tayo. Salamat, salamat."

At nagpahabol pa ng mensahe si Willie para sa staff ng Wowowee.

Aniya, "Ako natutuwa lang ako sa staff namin. Kasi noong nangyari kahapon yun, wala ni isa man sa kanila na nag-comment ng masama. Lahat umiiyak, lahat nagpapalakpakan. Ibig sabihin nun, sa Wowowee wala po kaming naisip na masama sa aming kapwa. Okay, thank you very much sa aming staff.

"Mr. M [Johnny Manahan, director ng Wowowee], wala na, wala nang bad boy, good boy na. Okay na."

MORE AWARDS. Masayang-masaya nga si Willie dahil bukod sa nakuhang award ay naging bonus pa ang pagbabati nila ni Joey. Idagdag pa sa kasiyahan ni Willie ang awards na nakamit niya at ng Wowowee sa 19th Annual National Consumer Awards na ginaganap din noong October 17, sa Manila Hotel.

Pinarangalan si Willie bilang Outstanding TV Host, habang ang Wowowee naman ay nanalong Outstanding Noontime TV Program. Naunang pinuntahan ni Willie ito bago ang Philippine Star event.

1  2  Next »

Related Articles

Get showbiz news anytime, anywhere on your mobile! Just type PEP ON and send to 4627.
Available to all Sun, Globe and Smart Subscribers.




NEWS Rewind is PEP's newest addition to its roster of applications. It allows users to search celebrities and view all articles related to that celebrity in chronological order. Research on a particular celeb has never been this easy and practical.
Search Artist by Full Name