"Ay naku, pinabayaan ko na siya sa mga desisyon niya! Nang mag-usap kami noon, sabi niya, ayaw na raw muna niya yung mga telefantasya. Hindi raw niya ma-take yung naging nanay na siya ni Raymart Santiago [sa Zaido]. Hindi raw naman masyadong nagkakalayo ang age nila ni Raymart, baka raw sa susunod, nanay na siya ni Lani Mercado!" laughs Lolit Solis about Lorna Tolentino.

Photo: Courtesy of GMA-7

In between commercial breaks, masayang nakipagkuwentuhan ang mga host ng Startalk na sina Lolit Solis, Joey de Leon, at Butch Francisco sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at sa ilang bumisitang entertainment press sa live presentation nila kahapon, October 18, sa Studio B ng GMA Network Center. Join din sa kanila ang sexy star na si Alyssa Alano na bahagi rin ng programa. 

 

In connection na rin ito sa kanilang lucky 13th anniversary sa Saturday, October 25, na gagawin na nila sa Studio 4 ng bagong GMA Network Studios.

 

"Alam mo, Butch, kung nag-ampon tayo ng bata noong first year natin ng Startalk, di sana thirteen years old na rin siya ngayon," sabi ni Lolit kay Butch, na kasama rin niya sa mesa.

 

Sinundan na ng PEP ng tanong si Lolit kung ano ang sagot niya sa balitang ililipat na raw ng Saturday ang showbiz talk show ng ABS-CBN na The Buzz kung babalik si Kris Aquino sa programa. Ayaw raw kasi ni Kris na magtrabaho ng Sunday dahil ang araw na ‘yon ay para sa family niya at sa mommy niya, former President Corazon Aquino.

 

"Hindi ba galing din sila sa Startalk, at ayaw ni Boy [Abunda] na tapatan ‘yon," tanong ni Lolit. "Pero okey lang sa akin kung totoong tatapatan nila."

 

Kung matatandaan, sina Lolit, Kris, at Boy ang unang hosts ng Startalk nang magsimula ito 13 years ago.

 

CRISTY'S SUSPENSION. Hiningan din si Manay Lolit ng komento tungkol sa nangyaring suspension sa kaibigan niyang si Cristy Fermin.

 

"Alam ko kung ano ang nararamdaman ni Cristy, ang sakit-sakit nun," sabi ni Lolit. "Kahit sinasabi lang niyang lilipas din ‘yon, pero deep within, masakit talaga ‘yon. Naranasan ko na 'yan nang na-suspend ako for one week, dahil may sinabi akong word, habang may ini-interview ako na hindi pala puwedeng sabihin on air. Nakarating ito sa MTRCB at hindi man nila ako sinuspend, ang GMA Network naman ang nag-suspend sa akin.

 

"Ang sakit sa akin nun, kahit one week lamang akong na-suspend. Biro mo, hindi ako puwedeng makita sa vicinity ng studio ng Startalk, e, araw-araw doon ako kumakain sa canteen na malapit doon, kasi iba-iba ang mga ulam nila at masarap ang luto nila. Kahit nagpaalam ako na kakain lang ako ng lunch at aalis din ako agad, hindi nila talaga ako pinayagan. Puwede raw akong kumain doon sa isang canteen na malapit sa 11th Jamboree gate. 

 

"Ito 'yong emotional attachment ko na sa show, na parang gusto ko nang magtampo sa GMA Network. Pero wala akong magagawa, mahal ko ang show, at ‘yon ang kasama sa suspension na ipinataw nila sa akin.

 

"Kaya simula noon, hindi na nila ako pinag-i-interview!" natatawang wika ni Lolit. "Tanong nga noong isang apo ko, kung talaga raw bumabati lang ako sa show. Pero ngayon, puwede na akong mag-interview ulit, kasama si Joey o si Butch, pero laging nakabantay sa akin si Janine Piad [program manager of Startalk]. Ayoko namang mapanganak nang di oras si Janine dahil sa akin kaya nag-iingat na talaga ako sa mga sinasabi ko!"

 

ON LORNA TOLENTINO. Totoo bang ang alaga ni Lolit at dating co-host nila sa Startalk na si Lorna Tolentino ang papalit kay Cristy sa The Buzz?

 

"Ah, hindi," mabilis na sagot ni Lolit. "Hindi ba kaya nga nag-resign sa Startalk si Lorna dahil nakokonsensiya raw siya? Noong mamatay si Daboy [Rudy Fernandez, Lorna's husband] at ang dami-daming nakiramay sa kanyang mga artista, may mga artista raw doon na inookray-okray namin sa show, pagkatapos nandoon at nakikiramay sa kanya. Nagi-guilty raw siya kaya ayaw na niya. Mas gusto niya ay lifestyle show, ayaw niya ng showbiz talk show."

 

Kinumusta rin kay Lolit si Lorna, ang paglipat nito sa ABS-CBN, at kung may bago na ba itong show na gagawin doon.

 

"Ay naku, pinabayaan ko na siya sa mga desisyon niya!" sambit ni Lolit. "Nang mag-usap kami noon, sabi niya, ayaw na raw muna niya yung mga telefantasya. Hindi raw niya ma-take yung naging nanay na siya ni Raymart Santiago [sa Zaido]. Hindi raw naman masyadong nagkakalayo ang age nila ni Raymart, baka raw sa susunod, nanay na siya ni Lani Mercado!" biro ng talent manager.

 

Totoo bang sa soap na gagawin ni Lorna sa ABS-CBN ay ang dating alaga ni Lolit na si Gabby Concepcion ang makakatambal nito?

 

"Narinig ko nga ‘yon, pero wala pa naman silang sinasabi sa amin kung tuloy ba ‘yon. Ang alam ko kasi, babalik muna si Gabby sa San Francisco, kasama ang mommy niya, para maaliw naman ito matapos mawala sa kanila ang daddy Rollie nila. Baka doon na siya mag-birthday at doon na rin magpalipas ng Holiday seasons with the whole family. Baka sa January 2009, pagbalik niya, ‘tsaka kami kakausapin ng ABS-CBN," lahad ni Lolit.

 

Tungkol naman sa pelikulang gagawin ni Lorna sa Star Cinema, may narinig na raw siya kung ano ito pero hindi pa raw niya maku-confirm sa PEP.  If ever na matuloy, baka next month ay mag-shooting na si Lorna. Pero sa ngayon daw, marami pa ring pinagkakaabalahan si Lorna para sa foundation ni Rudy at sa mausoleo na ipinatatayo nito, na sigurado raw siyang hindi aabot ng All Souls' Day dahil araw-araw ay may ipinababago si Lorna.