Dalawang awards night ang dinaluhan ni Willie Revillame noong Biyernes ng gabi, October 17. Pagkatapos niyang tumanggap ng award sa Consumers Awards, dumiretso si Willie sa Embassy Super Club sa The Fort, Taguig City para naman sa Supreme to the Extreme Awards ng Philippine STAR.
Maraming kasamang dumating si Willie; ang ilang staff niya sa Wowowee at ang napapablitang special lady sa buhay ng Wowowee host na si Nadine Ignacio.
Ayon kay Willie, masaya siya sa ipinagkaloob na award sa kanya ng Philippine STAR at ang naisip nilang pagbibigay ng ganitong klase ng award, kung saan si Willie ang tinaguriang kauna-unahang Televisionary Award winner.
"Bihira ang matawag na ganito, Televisionary. Ngayon ko lang narinig yun kaya malaking honor ito para sa akin. Although ang importante naman is every day, sumasaya ang mga tao. Yung pagbabago, I think ano, well... Di ba dati, may Student Canteen, nandiyan ang Eat Bulaga. Ngayon, may Wowowee. Ano ‘yan, e, kumbaga kanya-kanyang era ‘yan. After siguro ng Wowowee, may makakaisip na naman ng ibang concept. ‘Eto, good chemistry lahat," pahayag ni Willie nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) bago siya pumasok sa loob ng Embassy Super Club.
WILLIE TALKS ABOUT CRISTY. Hindi naman lingid sa lahat na kung may isang artista man sa ngayon na masasabing malapit kay Cristy Fermin, ito ay walang iba kundi si Willie. Kaya naman hiningan namin siya ng pahayag tungkol sa pagkakasuspinde ng kontrata sa ABS-CBN ni Cristy.
Bagamat sinabi ni Willie na ayaw na niyang mag-comment tungkol sa bagay na ito, naging mahaba pa rin ang kanyang kasagutan.
Aniya, "Ako, ayokong mag-comment diyan. Ang tanging dasal ko lang, maayos ang lahat. Mas maganda sa industriya natin na walang nag-aaway. Mas maganda na lahat, nagmamahalan. Kasi ang sarap ng feeling na lahat, nagngingitian, e. Walang lumuluha, walang hinanakit."
Ano ang suportang ibinibigay niya ngayon sa manunulat?
"Alam n'yo, hindi naman n'yo kailangang makita kung sumusuporta ako. Ang importante rito, meron lang siyang peace of mind, maayos ba. Alam n'yo kasi, kanya-kanyang prinsipyo ‘yan. Kanya-kanyang paniniwala, so hintayin natin kung ano talaga ang mangyayari diyan.
"Ang importante rito, huwag na natin silang pag-isipan ng masama. Huwag na nating pag-awayin, tapos na ‘to. Si Tita Cristy, sa ngayon, wala na munang trabaho at naniniwala naman ako na she will bounce back. Ang taong may prinsipyo ay may mga nagmamahal diyan. Maraming nagmamahal diyan."
Naniniwala ba siyang makakabalik pa rin ito after ng suspension?
"Ako nga nakabalik, e. Nakatatlong suspension ako, dalawang termination. Ganoon din yun. Ibig sabihin, ang importante, yung totoo sa loob mo. At ang pinakaimportante po rito, yung pananalig mo sa Diyos at ang paniniwala sa ‘yo ng tao.
"Alam mo, lahat naman dumadaan sa pagsubok. May nagkakamali, may hindi nagkakamali. Pero lahat, dumaraan pa rin sa pagsubok. Ang importante, maayos lahat ito at ipagdasal natin na lahat, isang araw, okey na lahat."
Ginawa ring halimbawa ni Willie ang kanyang personal na karanasan.
"It happened to me. Noong mag-overboard din ako sa MTB [defunct ABS-CBN show]. I have to follow the rules. Yun naman ang sabi ni Tita Cristy, nirerespeto ko naman ang desisyon ng ABS. Gayundin naman ako, tatlong beses din akong sinuspinde. Dalawang beses akong tinanggal. Noong tinanggal pa ako ng ABS, magpa-Pasko pa at magnu-New Year. Napakasakit, di ba?
"Pero rules ‘yan, e. Susunod ka sa mga patakaran. Kahit pa Pasko ‘yan, birthday mo, susundin mo ‘yan kasi may patakaran. At may lesson naman sa bawat pangyayari sa buhay," saad ni Willie.
WOWOWEE CO-HOSTS. Hiningan na rin namin ng reaction si Willie tungkol naman sa pagli-link sa kanilang dalawa ng isa sa mga co-host niya sa Wowowee na si Valerie Concepcion. Ano nga ba ang masasabi niya rito?
"Hindi totoo yun, hindi!" mariin niyang sabi. "Alam n'yo ang Wowowee, pamilya ‘yan na puro ‘kuya' ang tawag sa akin diyan. So, happy ako sa kanila na very successful sila sa show na ‘yan. Katulad ni Valerie, ang dami niyang mga endorsement. Si Mariel Rodriguez... Si Pokwang, palaging nagpapasaya. Palaging wala ‘yan.
"Ngayon naman, si RR [Enriquez] sumisikat. Part na rin sa amin si Saicy Aguila, so it's a family. So, kung mapapansin n'yo, puro saya lang. After that, ako, gusto ko na lahat sila, umasenso. Like si Valerine, may abroad, go! Si Pokwang nagpaalam, go! Mahirap mong pigilan ‘yan, e. Ang importante, nakakapagpasaya sila. So, bakit mo pipigilan? Mahirap maging selfish sa industriyang ito. Dapat, bigay ka lang nang bigay," pahayag ni Willie.
May isyu raw na nagkakainggitan at selosan sina Valerie at Mariel. Totoo ba ito?
"Hindi totoo yun! Hindi totoo yun! Kumakain nang sabay-sabay sa hapag-kainan, nagtatawanan. Alam n'yo, yun nga ang sabi ko, huwag nating pag-awayin ang mga hindi nag-aaway.
"Bakit ba hindi puwedeng sa isang araw, like sa The Buzz or sa ibang talk show, bakit hindi natin pag-usapan yung mga hindi nag-aaway? Bakit hindi natin pag-usapan yung mga mabubuting nangyayari. One time lang, huwag n'yong sabihin na nag-away, ‘eto ang mga good news. Subukan n'yo, mas maraming manonood. Kasi nakakasawa na. Gutom na ang mga tao, away pa rin ba ang ipapakita?
"'Eto na ang time na magkaisa tayo. Sana puro positive. Ang hirap na ng buhay, puro negative pa ang sinasabi. Hindi ako nagmamaganda or nagmamalinis. Pero bakit tayo makikipag-away? Ang hirap ng may makakasalubong kang kaaway, umiiwas ka. Sa pagtulog mo, buwisit ka. Sa paggising mo, inis ka. Ako, magalit kayo sa akin, matutulog ako nang mahimbing bukas."
WILLIE'S HEALTH. Dahil napabalita na may sakit ang host ng Wowowee, kinumusta namin kay Willie ang kanyang kalusugan.
"Okey naman. Siyempre, meron akong check-up. Inaayos pa. Kahit ano namang mangyari, okey lang, kahit ano'ng mangyari, handa na ako. Ganoon lang naman ang buhay. Dapat kayo, handa rin. Dapat palagi kayong handa. Meron nga diyan walang sakit, pero... Di ba? Panginoong Diyos na lang ang nakakaalam ng buhay natin," pagtatapos ni Willie.
