Hindi na basta pipitsuging singer si Ronnie Liang. Sa entertainment world, puwede na siyang ihanay sa liga ng may sinasabing performers.
Dati nang singer si Ronnie, pero handa rin siyang harapin ang daigdig ng acting. In fact, ipinamamalas na nga niya ang kanyang galing sa pag-arte ngayon sa ABS-CBN series na I Love Betty La Fea bilang Enrique Robles.
Mula nang magtagumpay bilang isa sa finalists sa Pinoy Dream Academy at tuluyang maging professional singer, nakaapat nang major concerts si Ronnie. Quite a feat para sa isang baguhang galing sa isang reality show, na hindi naman niya pinagwagian (si Yeng Constantino ang tinanghal na Grand Star Dreamer). Malaki na rin ang agwat niya sa mga nakasabayan at mga kasamahan niyang scholar sa pinagmulang Pinoy Dream Academy.
Malaki nga ang utang na loob niya sa nasabing show, kung kaya't tuwing napupuri siya ay hindi niya nalilimutang banggitin ito at papurihan din.
"Siyempre po sa tulong at break na ibinigay sa akin ng PDA, sa kanila ko utang ang lahat ng ito," aniya nga nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kamakailan lang.
THE MANAGER. At kung pipilitin pa siyang magdagdag ng komento sa kasalukuyang kalagayan niya sa industrya, hindi naman kinakalimutan ni Ronnie na pasalamatan ang kanyang manager na si George Roca, na aniya'y siyang gabay sa kanyang profession.
"Una na sa Itaas at kay Kuya George, utang ko ang lahat ng tagumpay ko. Matiyaga siya sa akin at lahat talaga ng mga ginawa niyang plano para sa akin ay nakita kong nagbunga naman. Ang lahat ng ito, kasama na pati mga bagay na naipundar ko para sa pamilya ko, ay mula sa paggabay sa akin ni Kuya George."
Ayon naman kay George, marami talaga silang pinagdaanang pagsubok ni Ronnie. Mga pagsubok na humamon sa tibay ng kanilang samahan.
"Kahit kailan, hindi ako nagduda sa talent ni Ronnie. Day one palang namin, alam kong ‘yun ang magiging puhunan niya. Kaya ako naman, nagkaroon ng inspirasyon na igapang siya sa abot ng aking makakaya. Heto naman ngayon ang bunga, si Ronnie ay kinikilala na sa larangan," may halong pagmamalaki ang salaysay pa ni George.
KICKED OUT OF A CONTEST. Tuwing binabalikan nga nila sa kanilang alaala ang pagtanggal kay Ronnie sa isang amateur singing contest noon, tinitingnan na lang nila ito as blessing in disguise.
"I guess alam naman ninyong na-kick out siya sa isang amateur singing contest ng isang network dahil nga may manager siya. Nabalewala lang yung maraming linggo niyang pagiging champion doon dahil na-disqualify siya. Maybe, yun ang tinatawag na blessing in disguise. Kung hindi siguro dahil sa pangyayaring yun baka wala siya sa PDA at, who knows, baka walang Ronnie Liang ngayon," pagbabalik-tanaw pa ni George.
Maraming factor pang kasali sa tagumpay ni Ronnie. Siyempre, kabilang doon yung suwerte at pagtulong ng Nasa Itaas. Hindi rin dapat daw isantabi ang mga sakripisyo ring ginawa ni Ronnie para maabot ang rurok ng tagumpay. All the time daw na nagsisimula pa lang sa showbiz si Ronnie, inaasikaso rin nito ang pag-aaral dahil graduating ito.
NO LOVE LIFE. At para makasigurado na ang panahong ibibigay ni Ronnie ay para lang sa kanyang career at pag-aaral, sinigurado raw ni George na no gimik at sosyalan na gagawin si Ronnie. Wala ring inasikasong lovelife si Ronnie para lang sa career at pag-aaral niya.
Hindi naman daw kailangan pa ni Ronnie na may babaeng paghuhugutan niya ng inspirasyon sa kanyang trabaho, dahil lagi naman daw sa tabi niya ang kanyang pamilya na siya nga niyang inspirasyon sa kanyang mga gawain.
"Tama po yun, pamilya ko po ang aking inspirasyon, especially ang nanay ko dahil sa noon ay may sakit siya. Pati na father ko, naghihirap din, ang mga kapatid ko, silang lahat ang nasa isip ko kaya hindi ko puwedeng pabayaan ang nasa kamay ko na," malumanay na kuwento pa ni Ronnie.
REAPING REWARDS. Mula sa kanyang mga kinita ay nakapagpundar na rin si Ronnie.
Nakabili na siya ng sariling kotse, bahay at lupa para sa kanyang pamilya, at naipatayo na rin niya ng talyer na business ang kanyang ama na dati'y nakikihati lang sa lote ng kanilang dating landlord.
Pero hindi nakakalimot si George na laging paalalahanan si Ronnie na magtabi ng perang pang-impok at mag-invest nang tama.
At ngayong Nobyembre, magiging operational na yung kanyang dalawang branches ng Belgian Waffle, na kabilang sa premyo ni Ronnie sa Pinoy Dream Academy.
Marami pa raw ibang negosyo ang nasa isip ngayon ni Ronnie para sa kanyang pamilya pero kasalukuyan pa siyang nag-iimpok ng puhunan. Kung susuwertihin, dahil nga kinilala na naman ang pangalan niya bilang isang mahusay na singer, posibleng matutupad pa ang ibang mga pangarap ni Ronnie Liang.