Bagama't kabado sa magiging outcome ng kanilang balik-tambalan sa pelikula, tuwang-tuwa pa rin sina Vhong Navarro at Toni Gonzaga sa tagumpay ng premiere night ng pelikula nilang My Only Ü under Star Cinema, na ginanap kagabi, October 28, sa Cinema 10 ng SM Megamall.
Bukod kina Vhong at Toni, dumalo rin sa premiere night ang direktor ng pelikula na si Cathy Garcia-Molina. Present din ang iba pang cast members na kinabibilangan nina Dennis Padilla, Benjie Paras, Arlene Muhlach, Kitkat, Empoy Marquez, Vangie Labalan, at Beauty Gonzales.
Ilan sa mga Kapamilya stars na namataan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na sumuporta sa premiere night ay sina Melissa Ricks, Aldred Gatchalian, Nicole Uysiuseng, Alex Anselmuccio, ang mag-live-in partner na sina Mickey Ferriols at Archie Alemania, at Vice Ganda.
Nandun din ang mga direktor na sina Erick Salud at Rory Quintos, pati na rin mga executives at staff ng Star Cinema sa pangunguna ni Ms. Malou Santos. At siyempre, hindi puwedeng mawala ang mga kagrupo ni Vhong sa Streetboys na sina Maynard Marcellano, Nicko Manalo, Sherwin Roux, Jemarth Lalic, at Joey Andres.
After ng premiere ay tumuloy ang buong cast, director at crew ng My Only Ü sa cast party na inihanda ng Star Cinema sa Pesto Restaurant sa El Pueblo Ortigas. Pinalad ding makasama ang PEP sa cast party kaya nagkaroon ng pagkakataon ang PEP na ma-interview ang mga bida ng pelikula na sina Vhong at Toni.
Ano ang feeling nila sa matagumpay na premiere ng My Only Ü?
"Una sa lahat medyo nakahinga na po ako ng konti dahil sa sobrang suporta po ng mga kaibigan natin, syempre ang mga boss ng Star Cinema, mga kaibigan namin sa showbiz at sa non-showbiz. Maganda naman po ang mga reactions nila, kahit na medyo-medyo lang naman—ibang Vhong Navarro ang nakita nila sa pelikula. At natutuwa naman ako dahil nagustuhan naman nila.
"Sana po ay magustuhan din ng ating mga kaibigan na hindi pa nakakapanood. Sana maganda rin ang maging reaction nila kapag napanood nila," pahayag pa ni Vhong.
Ayon naman kay Toni, "Masaya dahil maganda naman ang naging reactions ng mga nakapanood. Kaya sobrang nagpapasalamat kami sa lahat ng mga nanood sa premiere night. Kayo na po'ng bahala na mag-spread ng good words about our movie. Sana yung mga manonood pa lang, sana magustuhan din nila yung movie. Sana matanggap din nila yung bagong handog namin ni Vhong."
MORE MATURED. Ano ang naramdaman nila habang pinapanood ang finished product na pinaghirapang nilang gawin?
"Natutuwa kasi ako para sa amin ni Toni, kasi from D'Anothers, kumbaga, another step ito—yung makagawa kami ng bagong pelikula, at the same time yung characters namin nag-mature ng konti. Kumbaga from character-character, dito ay totoong tao, regular na tao," sagot ni Vhong.
"Para sa akin ito yung pinakamabigat na pelikula sa lahat ng mga nagawa ko. Kasi bukod sa ibang Vhong, ibang side, ito kasi hindi lang puro kalokohan. Kumbaga seryoso kasi yung character. Ang nangyari lang nakakatawa yung mga ginagawa niya at iyong sitwasyon mismo.
"And to think na yung mga kasama namin dito puro magagaling—sina Benjie, Dennis, Kitkat, Janus [del Prado], Empoy, Arlene, Beauty, lahat. Sobrang nakakatuwa, ang galing! Kumbaga walang nagsapawan. Ang galing ng pagkakagawa ni Direk Cathy, na balansehin ang mga characters. Siyempre si Toni, ang galing."
Sey naman ni Toni, "Kinakabahan ako, kasi hinihintay ko yung magiging reaction ng mga tao. Pero natuwa naman ako nung naging maganda naman ang reaksyon nila. Natawa naman sila sa maraming mga eksena."
ANOTHER D' ANOTHERS? Napansin ng PEP matapos mapanood ang movie ay hindi maiwasang masabing may touch ito ng D'Anothers, na unang pinagtambalan nina Vhong at Toni. Anong masasabi nila rito?
"A, oo. Kasi nga nandun pa rin yung ghost element. Kaya lang ang ganda kasi ng story kasi mula sa totoo, e. Ang hirap lang na medyo paniwalaan ay yung ghost, si Benjie, na nakikita ko. Pero tatanggapin mo, e, kasi parang puwede namang mangyari minsan yung ganun, di ba? Parang cute namang tingnan kapag may ganun," ani Vhong.
Sagot naman ni Toni, "May touch nga, pero halos ibang-iba yung atake, e."
Big hit ang D'Anothers. Sa tingin ba nila kayang ma-duplicate ng My Only Ü ang na-achieve ng D'Anothers?
"Sana nga po magdilang-anghel kayo. Sana maging ganun nga po. Ang panlaban naman kasi namin dito sa movie ay word of mouth. At sana suportahan ng mga manonood tulad ng pagsuporta sa D'Anothers. Kasi siyempre ang diperensya naman nito sa D'Anothers, yun talagang wild, alam natin na comedy talaga. Dito sa My Only Ü, iba ang makikita mo. Hindi mo ine-expect," paliwanag ni Vhong.
Pagsi-share naman ni Toni, "Siyempre yun ang hino-hope natin, wini-wish natin, na sana yun ang ibigay ng tao sa amin. We can only wish and hope for the best. Nasa tao naman yun, e. Pero ipagdarasal ko rin, sana talaga. Kung hindi man mahigitan, sana man lang mapantayan."
BECAUSE OF DIREK CATHY. Kapansin-pansin din ang mas magaling na acting nina Vhong at Toni sa pelikula, na siguradong hahangaan din ng mga makakapanood nito, lalo na yung mga serious crying scenes nila. Aminado ang dalawa na malaki ang nagawa ni Direk Cathy para mas may maipakita pa sila in terms of acting.
"Ang laking tulong ni Direk Cathy. And then mismong doon sa character, dahil meron kang paghuhugutan, kasi ang ganda ng story, makaka-relate ka rin naman. Kung ikaw yung nasa kalagayan ng character ko, makaka-relate ka, e. Mas madali mo sigurong mahuhugutan ng something, like emotions sa drama because nakakaiyak kasi yung sitwasyon. Pero kung hindi kay Direk Cathy, wala, hindi magiging ganun yung resulta siguro ng pag-arte ko ng seryoso," wika ni Vhong.
'Ika naman ni Toni, "With Direk Cathy around, siguradong pipigain niya ang best mo, kaya ibibigay mo rin talaga yung best mo. Thankful din ako kapag pinapansin ng mga tao na nag-i-improve ang acting ko. It's a big compliment."
Unlike Toni na ilang beses nang nakagawa ng romantic comedy movies, para kay Vhong ito ang unang sabak niya. Kaya aminado rin si Vhong na higit din ang pressure sa kanya dahil hindi ito ang kanyang comfort zone.
"Hindi ko linya ito, e. Pero ang nakakatuwa kasi sa Star Cinema, binibigyan nila ako ng bago na puwede kong gawin. At nakakatuwa naman, siyempre para ipagkatiwala sa iyo iyon, para ipagkaloob sa iyo yun, gagawin mo na lang yung the best. Ang ikinakatakot ko lang dito... siguro kaya kong gawin, pero matatanggap ba? Yung ang worry ko. Sana tanggapin ng mga tao."
Lumabas nga ang pagiging leading-man potential ni Vhong sa pelikulang ito. Tama ang sabi ni Toni na guwapo ang dating ni Vhong sa movie. Ano ang comment niya rito?
"Nakatsamba lang ako. Sabi ko nga, maganda lang ang tama ng ilaw," sabay tawa ng malakas ni Vhong.
SURPRISE CAMEOS. Isang ikinagulat at ikinatuwa nang husto ng mga nanood ng premiere ay ang cameo roles sa pelikula nina John Lloyd Cruz, Zanjoe Marudo at Sam Milby, na hango rin sa mga pelikulang pinagbidahan nila sa Star Cinema. Sinadya ba nila ito at sino ang nakaisip ng idea?
"Gimik namin yun. Ako yung nag-suggest kay John Lloyd. Siyempre sobrang markado yung A Very Special Love. Si Direk ang nag-suggest nung kay Sam at kay Zanjoe, kasi mga kaibigan din niya ang mga yun. Si Direk kasi nakakatuwa dahil open siya sa mga suggestions," sabi ni Vhong.
Sabi naman ni Toni, "Masaya naman dahil they were there to support the movie and of course Direk Cathy. So, masaya talaga. Kaya nga very thankful kami na sinuportahan nila yung pelikula."
JUDGEMENT DAY. Ano ang pressure na nararamdaman nila lalo na ngayong araw na, October 29, ang showing ng kanilang pelikula? Kumbaga ito na ang judgement day.
"Actually, sinabi ko nga kay Tita Malou [Santos], ito ang pinakaninenerbyos akong pelikula. Kasi siyempre, ‘ayan napanood natin ang premiere night. Nakita natin ang mga reactions.
"Sino ba ang mga nanood? Siyempre free admission ‘yan, e. Siyempre mga friends mo, through invitation, di ba? Kumbaga, siyempre iba yung manonood na magbabayad. Ano ang reaction ng mga magbabayad? Worth it ba yung ibinayad nila o yung ipinunta nila doon? Doon natin malalaman kung matatanggap ba ako ng mga tao, na ito yung ginawa namin.
"Kaya sabi ko nga sa movie, hindi lang dahil sa kami ni Toni ang bida kaya nila panonoorin o hindi lang dahil si Direk Cathy ang direktor, siyempre alam natin na blockbuster director iyan. Dito panonoorin nila ito because of the story, na alam natin na maganda yung story," sabi ni Vhong.
Dagdag ni Toni, "Naku, sobra-sobrang pressure. Tama yung sabi ni Vhong. Nakadepende pa rin ang success ng movie namin sa mga taong magbabayad para manood. Kaya sana talaga ay suportahan ito ng mga tao."
Paano nila kukumbinsihin ang mga tao na panoorin ang pelikula nila?
"Sana po kung sinuportahan n'yo kami ni Toni sa D'Anothers, sana suportahan n'yo rin kami rito. Nandun pa rin po yung mga ginawa namin ni Toni, nadagdagan lang ng bago. Kumbaga ang direktor namin, blockbuster director, magaling na direktor. ‘Tapos yung mga supporting cast lahat magagaling. Sisiguraduhin ko sa inyo na magugustuhan n'yo. Kaya sana po suportahan ninyo ang My Only Ü. Mai-in love kayo... sa katatawa," pag-iimbita ni Vhong.
Sa imbitasyon naman ni Toni, "Sa lahat po ng mga manonood, sana suportahan n'yo po ang My Only Ü. Sa lahat po ng mga nagawa kong pelikula, dito lang ako ninerbyos, naiyak, halos lahat naramdaman ko habang ginagawa yung movie. So, kung naramdaman ko yun, feeling ko mararamdaman n'yo rin iyon dahil makaka-relate kayo sa istoya. It tackles about death but on a lighter side. Lahat naman tayo humaharap sa ganung pagsubok sa buhay. So kung gusto nilang magkaroon ng meaning ang buhay nila, manood sila ng My Only Ü. I can only assure you of the best. Siyempre what can you expect from Direk Cathy, it can only be a good quality movie.
SIGNIFICANT OTHERS. Samantala, bagama't hindi nakapanood sa premiere night, dumating naman sa cast party ang mga special someone nina Vhong at Toni—si Desiree del Valle para kay Vhong at si Direk Paul Soriano para naman kay Toni. Ano ang feeling na nakasuporta ang mga ito sa kanilang mga ginagawa?
"Siyempre lahat ng mga close sa akin dito, mga kaibigan ko, mga kamag-anak ko, nandito lahat. Siyempre nandito rin siya para sumuporta," say ni Vhong patungkol kay Desiree.
Say naman ni Toni about Direk Paul, "Nandito siya para mag-comfort at sumuporta. Hindi naman siya nang-aagaw ng spotlight, e. I'm very thankful na meron akong isang tao na nandiyan para mahingahan ko ng sama ng loob, i-share ko ang success ko, at sumuporta sa akin. Siyempre iba yung suporta ng pamilya, iba rin naman yung suportang maibibigay sa iyo ng espesyal na tao sa buhay mo. So, I'm just really blessed na meron akong katulad niya na I can always depend on."
Showing na today, October 29, ang My Only Ü sa more than 100 cinemas nationwide. Nakakuha ito ng Grade B sa Cinema Evaluation Board at Rated For General Patronage sa MTRCB.