"Kinuha siya sa Baler, tinanggap ko yun. Dahil, una, hindi ako ang direktor. Ikalawa, malaki yung pelikula. Ikatlo, may tawaran, pumayag ako kahit ang baba ng bayad ni DJ, pero kasi may pangako sila na maganda yung role, markado raw. Tapos di nila mapu-fulfill yung pangako nila," says director and talent manager Wenn Deramas.

Photo: Noel Orsal

Nang pumutok ang balitang nag-walkout diumano sa shooting ng pelikulang Baler ang aktor na si DJ Durano, naitanong agad ng karamihan kung alam na ito ng manager niyang si Wenn Deramas, na isang direktor sa ABS-CBN. (CLICK here to read related story.)

 

Ang Baler ang entry ng Viva Films sa 2008 Metro Manila Film Festival, kung saan si Mark Meily ang direktor at sina Jericho Rosales at Anne Curtis ang lead stars. Si Direk Mark ay hinangaan sa kanyang pelikulang Crying Ladies, na pinangunahan nina Sharon Cuneta at Hilda Koronel, at tinawag na sleeper hit.

 

Sa pakikipag-usap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Direk Wenn sa pictorial ng pelikula niyang Ang Tanging Ina Ninyong Lahat, sa Studio 10 ng ABS CBN, nilinaw nitong hindi nag-walkout si DJ. Si Direk Wenn daw mismo ang nag-pull out sa alaga nito mula sa Baler.

 

"Di totoong nag-walkout sa set si DJ, ako ang nagpauwi sa kanya," sabi ni Direk Wenn. "Seven days na halos dire-diretso na iko-call siya ng 7 a.m., pero nakukunan siya ng hapon na. Sampung oras siya laging naghihintay. Wala na ito sa isyu na hintayan, pero para kunan siya na dadaan lang siya sa camera na parang extra, di naman yun ang plano ko sa alaga ko.

 

"Kinuha siya sa Baler, tinanggap ko yun. Dahil una, hindi ako ang direktor. Ikalawa, malaki yung pelikula. Ikatlo, may tawaran, pumayag ako kahit ang baba ng bayad ni DJ, pero kasi may pangako sila na maganda yung role, markado raw. Tapos di nila mapu-fulfill yung pangako nila."

 

Pero ayon kay Direk Wenn, nagkausap na sila ni June Rufino, ang beteranong talent manager na nagtatrabaho para sa Viva Films. Kahit nga raw si June ay hiyang-hiya sa nangyari.

 

"Aminado naman si Tita June dun, at sinasabi niya na nahihiya siya sa akin," banggit ni Direk Wenn. "Hindi niya alam kung ano ang ie-explain niya sa akin. Kaya ko siya [DJ] pinull out kasi di naman extra yung tao, at saka sana may respeto ng kaunti sa oras ng tao, na kung hindi makukunann, e, di huwag mong papuntahin ng sobrang aga.

 

"Sabi ko nga, kung nangyari ito ng tatlong beses lang, okey pa, mapagpapasensiyahan. Pero yung halos araw-araw, iba na yun. Nagsalita na ako tungkol dito, kinausap ko na si Tita June about the hintayan issue, na ayusin nila. And yet, nagkaroon pa ng 4, 5, 6, 7 [times]."

 

Dagdag ng talent manager, "The last time na ginawa nila, kinoll nila ng ala-una ng hapon, di pa sumasalang ng 7:30 ng gabi. E, nagugutom na yung tao. Sinabihan ko na umuwi na siya. Tinawagan ko si Tita June na pinauwi ko na si DJ."

 

Ayon pa kay Direk Wenn, gustong makipag-meeting sa kanya ng Viva. Pero sa ngayon ay hindi pa siya handang makipag-usap sa mga ito.

 

"May mga trabahong nasagasaan," pagpapaliwanag ng director at talent manager. "Pina-delay ko siya [DJ] sa Pieta. Dapat Week 2 nandun na siya, pero sabi ko nga i-prioritize muna ang Baler. Tapusin na para pag nag-Pieta, dire-diretso na. Malaking sakripisyo. Kahit na sa Ang Tanging Ina Ninyong Lahat, nag-adjust din sa sked."

 

Dagdag ni Wenn, "Sabi ko nga, lahat ng managers maiintindihan yung ginawa ko, pitong araw yun. Nagsalita naman ako, buti sana tatahi-tahimik ako, tapos biglang sasabog. Pero hindi naman, nagsabi ako kay Tita June. Nagsabi na ako na baka puwedeng ayusin na nila, kahit madaling-araw, babangon at babangon ‘yan, pero para maghintay ng sampung oras... Tapos, nalaman-laman ko pa na tatakbo lang, pasasabugan, e, paaabutin pa ng sampung oras na paghihintay!"

 

Pahabol ni Wenn, "Ako, mahal ko ang Viva, mahal ko sila, sana mahalin din naman nila ako."

 

Bukod sa pagiging manager at talent, binibigyang kulay rin ang diumano'y espesyal na relasyong namamagitan kina Direk Wenn at DJ. Ito raw ang dahilan kung kaya't hindi nawawalan ng magagandang projects sa ABS-CBN at Star Cinema si DJ.

 

Sagot ni Direk Wenn: "First and foremost, manager ako, mas nakakatawa naman siguro kung hindi ko binibigyan ng trabaho yung alaga ko. Nagkataon lang na marami akong proyekto. Fortunately, after ng My Girl, di na ako yung sumunod niyang director. Like dito sa Pieta, si Direk Toto Natividad na ang director niya. Sa akin, sa umpisa siyempre ipu-push kita, pero pag umokey na, bahala na siya, aalagwa na ‘yan."