"With Ritchie, ilang beses na namin siyang natulungan, napagbigyan, at ngayon he's getting another chance with us. Ginagawa namin ito dahil mahalaga pa rin siya sa aming tatlo. Hindi mabubuo ang Iskul Bukol na wala siya. Kaya dasal namin na talagang nagbago na siya at ang pagtulong namin na magsimula siya ay pahalagahan na niya. Mahal namin ang taong ‘yan kaya nandito pa rin kami para sa kanya," says Vic Sotto.

Photo: Noel Orsal

Naging emotional ang pagsama-samang muli ng comedy trio na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon at ang dati nilang kasamahan na si Ritchie D' Horsie sa shooting ng Iskul Bukol... 20 Years After sa Sta. Catalina College sa Legarda, Manila, kahapon, November 11.

 

Ayon kay Vic, doon lang daw sila ulit nagkita ni Ritchie, na tinulungan nilang makalabas ng Quezon City Jail. Piniyansahan nila si Richie sa halagang P120,000.

 

Kuwento ni Vic sa PEP, naisip nilang isama si Ritchie sa film version ng Iskul Bukol dahil naging bahagi ng kanilang dating sitcom si Ritchie. Gusto raw nila na buo pa rin ang cast ng Iskul Bukol, na official entry sa 2008 Metro Manila Film Festival ng OctoArts Films, M-Zet, at APT Entertainment.

 

Nang malaman daw nila na nakapiit sa Quezon City Jail si Ritchie, inalam nina Tito, Vic, at Joey kung puwede pa ba nilang maayos ang kaso ni Ritchie na may kinalaman sa droga. Nalaman nila na bailable naman pala ang kaso ng dating komedyante kaya nagdesisyon silang tulungan na ito.

 

Maluha-luha ang mga mata ni Vic sa pagkuwento niya ng muling paglaya ni Ritchie para makasama nila sa pelikula.

 

"Si Ritchie naman, matagal na ang pingasamahan namin niyan. Sa simula pa lang ng Eat Bulaga! at Iskul Bukol, nandiyan na ‘yan. Sa mga naging pelikula namin, hindi siya nawawala. Nagkataon na talagang nalihis siya ng landas. Kami naman, ginawa na namin ang lahat para matulungan siya. Bilang mga kaibigan ay gagawin namin ‘yon hanggang sa makakakaya namin," saad ni Vic.

 

Pero dumating na raw sa point na nagsawa na raw silang tulungan si Ritchie dahil hindi ito tumitigil sa kanyang masamang bisyo sa droga.

 

Ayon kay Vic, "Kasi tatlong beses na namin siya tinutulungan, pero tuwing okey na, bumabalik siya sa bisyo niya. Kumbaga, ayaw na namin dahil hindi siya nagbabago. Tiniis namin siya talaga kasi hindi siya natututo talaga. Pero ngayon, I think five years is enough time para ma-realize niya na kailangan na niyang magbago at maging matino. Matanda na siya, e. Hindi na biro ang mga ginagawa niya noon. Nangako naman siya na he will change at naniwala naman kami sa kanya."

 

Tutulungan daw nina Tito, Vic, at Joey na makabangon ulit si Ritchie. Sa ngayon daw ay wala itong tirahan kaya sa opisina raw muna nila ito patutuluyin at hahanapin daw nila ang mga kamag-anak nito.

 

"Right now kasi, wala pang nakakaalam na nakalabas na siya ng presinto. We are trying to get in touch with his relatives, pero wala pa kaming natatanggap na tawag mula sa kanila. Gusto naming hanapin ang asawa niya at ang tatlong anak niya. Five years na silang hindi nagkita at hindi na alam ni Ritchie kung saan na sila, kung may sariling buhay na ang dati niyang pamilya.

 

"Sinabihan namin si Ritchie na mag-sorry siya sa pamilya niya. Dahil sila ang mas nasaktan kesa sa ibang tao. I hope na magkita sila para naman malaman nila na buhay pa ang taong ito," pahayag ni Vic.

 

Hanggang sa huli ay ipinadama pa rin nina Tito, Vic at Joey na mahalaga si Ritchie sa buhay nila. Gusto nilang malaman ni Ritchie na hindi sila nagbabago ng pagtingin sa kanya at gusto lang nilang mabigyan siya ng bagong pag-asa sa buhay.

 

"Ang pagkakaibigan naman, kahit saan mo dalhin o kahit hindi kayo magkita nang matagal, nandiyan ‘yan. Ang friendship naming apat, solid 'yan. Huwag lang may magkamali kasi ipapadama talaga namin ang pagkakamaling 'yon.

 

"With Ritchie, ilang beses na namin siyang natulungan, napagbigyan, at ngayon he's getting another chance with us. Ginagawa namin ito dahil mahalaga pa rin siya sa aming tatlo. Hindi mabubuo ang Iskul Bukol na wala siya. Kaya dasal namin na talagang nagbago na siya at ang pagtulong namin na magsimula siya ay pahalagahan na niya. Mahal namin ang taong ‘yan kaya nandito pa rin kami para sa kanya," pagtatapos ni Vic.