Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang aktor na si Jomari Yllana nang mag-guest siya sa launching ng GlutaMAX, ang bagong beauty product ng YSA Skin Care na ini-endorse ng comedienne na si Jinky Oda, kagabi, November 12, sa C3 Events Place, Greenhills, San Juan.
Talaga bang plano niyang ipag-produce ng concert ang girlfriend niyang si Pops Fernandez at ang dating asawa nito na si Martin Nievera?
"I'm a fan of Martin and Pops noon pa, wala akong pinalalampas na concert nila," sabi ni Jomari. "Tinanong ko si Pops kung kailan pa sila huling nag-concert na magkasama ni Martin, sabi niya mga five or six years ago na.
"Liligawan ko sila at siyempre, mag-uusap muna sina Pops at Martin. Tamang-tama naman dahil pupunta si Pops at ang mga anak nila ni Martin, sina Robin at Ram, sa Las Vegas. Doon sila magpapalipas ng Christmas, at mapag-uusapan nila ‘yon.
Dagdag niya, "If ever magkasundo, gusto ko sanang pre-Valentine concert. Saka alam ko birthday din ni Martin sa February."
Bakit niya naisipang mag-produce ng show?
"Actually, matagal ko nang gustong gumawa naman ng iba, bukod sa pag-aartista ko. May nai-produce na akong show sa Balanga, Bataan para sa church nila doon at naging successful ‘yon. Kung mapupunta kayo ng Balanga, yung magandang church doon, may contribution ako.
"May balak din akong mag-produce ng movie, isinusulat ko na ang script. With the help of my manager, si Dondon Monteverde, baka mag-push through ‘yon next year," banggit ni Jomari.
Hindi ba siya kasama sa Las Vegas. Na-approve na ba ang US visa niya?
"Yes, na-approve na ulit ang US visa ko," sabi ni Jomari. "Hindi ko pa nga lang alam kung ilang years, kasi hindi pa dumarating, ide-deliver pa nila sa akin.
"Mauunang umalis sina Pops, susunod ako. Siguro after Christmas na dahil gusto kong i-celebrate ang Christmas with my son Andrei [Jomari's son with ex-wife Aiko Melendez]. Pagkatapos ko silang puntahan sa Las Vegas, dadalawin ko na rin ang relatives ko na naka-based na sa Dallas at Houston, Texas bago ako bumalik ng Pilipinas."
Hindi ba niya isasama si Pops para ipakilala sa mga relatives niya?
"Hindi na, kasi kapag umuuwi naman sila ng Pilipinas, ipinakikilala ko sa kanila si Pops. Saka kailangang bumalik na rito ni Pops dahil may New Year's show siya," lahad ni Jomari.
Magkakasama sila ni Pops sa Las Vegas. Hindi ba nila balak magpakasal doon?
"Kung magpapakasal man kami, dito ‘yon, hindi sa Las Vegas!" natatawang sagot ni Jom. "True, ang daling magpakasal doon. Kahit sa drive-thru doon, puwedeng magpakasal. Pero ayaw ko doon."
Paano na yung balak niyang mag-bonding sila ni Andrei sa Hong Kong Disneyland after Christmas?
"Hindi na kami tutuloy, kaya magkasama na lang kami ng Christmas. Dapat kasi noong sem-break ni Andrei sa school, pupunta kami ng Hong Kong. Kaya lang, umalis siya ng family ng mommy niya at one week din sila sa Subic. Saka hindi na excited si Andrei na pumunta ng Hong Kong Disneyland, kasi nakapunta na siya doon with his mom."
Totoo bang nagpunta siya sa Palawan last October?
"Yes, nagpunta kami doon middle of October, upon the invitation of Puerto Princesa Mayor Edward Hagedorn for his birthday. Naglaro kami ng basketball doon, kasama ko sina Phillip Salvador, Christopher de Leon, Tirso Cruz III... Marami siyang inimbitang artista, may mga naglaro ring mga artista ng volleyball doon," kuwento ni Jomari.
May issue pa rin tungkol kina Pops at Gabby Concepcion. Ano ang reaksiyon ni Jomari rito?
"Hindi na lang namin pinapansin ‘yon ni Pops, dahil hindi naman totoo. Kaibigan namin si Gabby. What's important, nagkakaintindihan kami ni Pops."
Biniro namin si Jomari na hiwalay na naman sila ni Pops, gaya ng madalas na nababalita tungkol sa kanila.
"Oo nga, hiwalay na naman kami!" biro rin niya. "Umalis siya last Tuesday [November 11] for some shows in Dubai. Sa Sunday [November 16] ang balik niya rito. Ako naman ang wala kasi I'm leaving for Cebu on Saturday [November 15]. May bubuksang three franchise stores doon ng business naming Rapide at three days ako doon."