Isa sa maituturing na underrated stars ng GMA-7 ang StarStruck 4 runner-up na si Prince Stefan. At least, binigyan uli siya ng pagkakataong mag-shine. This time, he forms a love triangle with Aljur Abrenica and Kris Bernal in the newest telefantasya of GMA-7, Luna Mystika.
"Pasosyal na mayaman kasi ang role ko sa bagong show as Henry," sabi ni Prince sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Mai-in love ako kay Kris sa kuwento, pero wala siyang love sa akin. Si Aljur ang gusto niya."
Hahabul-habol daw siya kay Kris sa anggulo ng istorya nila sa Luna Mystika, pero hindi niya alam na may feelings pala si Kris kay Aljur.
"Hindi pa talaga ako nabibigyan ng break," sabi ng binata. "Sina Aljur at Kris, nabigyan na sila ng break. Pero okey lang sa akin, kasi mga kaibigan ko naman sila. Dapat lang na magtiwala kami sa GMA-7 sa kung paano nila papatakbuhin ang career namin.
"Pana-panahon lang din 'yan. Sabay-sabay naman kaming pumasok, pero kung ano ang mayroon sina Aljur at Kris ngayon, okey rin lang sa akin. Masaya ako sa kanila."
Hindi ba naiinip si Prince sa tila mabagal na takbo ng career niya?
"Ayokong magpakaplastik," sabi niya. "May mga araw na dumarating yung thought na yun, na nakakainip din. Pag nag-aartista ka kasi, hindi naman palaging nagiging overnight sensation ka, na sikat ka kaagad. Marami ka ring pagdaraanan.
"Matiyaga akong maghintay. Marami kasing ibang artista riyan, hindi sila makapaghintay. Yung iba, nagsipag-uwian na lang sa mga probinsiya nila. Maraming naiinip. Bumabalik yung iba sa pag-aaral. Okey rin naman yun, pero nasa akin na yun kung magtitiyaga ako. Pumapasok lang ang pagkainip kapag may time na wala akong ginagawa."
SHAKE, RATTLE & ROLL X. Still, Prince feels that he's blessed. Bukod sa Luna Mystika, kasama rin siya sa Metro Manila Film Festival entry na Shake, Rattle & Roll X ng Regal Entertainment.
"May mga guesting pa rin ako. So far, okey na yun sa akin. Ayokong nagrereklamo," aniya.
Malaki-laking break ang napunta sa kanya bilang kaibigan nina Kim Chiu at Gerald Anderson sa "Class Picture" episode ng Shake, Rattle & Roll X.
"Mamamatay isa-isa yung mga kaklase namin, tapos kami na lang tatlo nina Gerald at Kim ang matitira," kuwento ni Prince. "Smart ang character ko riyan, leader ng class. Sina Kim at Gerald talaga ang magka-partner diyan, kaya lang sa huli, kaming tatlo na lang ang matitira.
"From GMA, sa episode namin, bale ako lang ang lalaki. Puro taga-Dos na. Sa girls, kasama sina Diana Zubiri, Iwa Moto, Chariz Solomon, at Stef Prescott, na mga taga-Siete," banggit din ng binatang aktor.
May hawig daw sa Feng Shui ang takbo ng kuwento ng "Class Picture," na kung sinuman ang tumingin sa class picture ay magsa-suffer.
"Excited ako sa kalalabasan ng pelikula, kasi very interesting," sabi ni Prince. "May curse ang class picture, na kung tumingin ka doon, papasok ka doon. Pumasok si Kim doon, kaya kami ni Gerald ang gumawa ng paraan to save her at makalabas siya from the picture."




