Humarap sa telebisyon ngayong linggong ito ang comedienne na si Kitkat. Maramdaming inilahad niya ang panloloko at pagnanakaw diumano sa kanya ng non-showbiz boyfriend niyang si Alfred Lumanlad.
Ayon kay Kitkat, mahigit P250,000 ang halaga ng tinangay ni Lumanlad, hindi pa kasama rito ang ilang tseke at mga alahas na harap-harapan daw na ninakaw sa kanya nang magkaroon sila ng kumprontasyon noong November 11, Martes ng madaling-araw.
Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Kitkat, sinabi niyang hindi niya ipakukulong ang boyfriend basta ibalik lang nito ang lahat ng ninakaw sa kanya.
"Alam niya na pinaghirapan ko ‘yan, paano pag nagkasakit ako? Wala na akong huhugutan. Ibalik na lang niya, hindi ko na siya ipapahuli. Kakalimutan ko siya, kakalimutan ko anuman ang koneksiyon ko sa kanya. Kakalimutan ko kahit ang pangalan niya, ibalik lang niya lahat ng pinaghirapan ko na kinuha niya," saad ng komedyana.
Ayon kay Kitkat, noong Hunyo ng taong kasalukuyan niya nalaman na nagka-casino pala si Alfred. Pero ang unti-unting pagkawala ng mga gamit nito ay nagsimula raw nitong September lamang.
"Unti-unti nawawalan siya ng gamit. Nung una, yung kuwintas at bracelet na bigay ko sa kanya. Nung tinanong ko siya, nasa ospital daw yung nanay. Sa akin, okey lang yun. Nung sumunod na week, naholdap daw siya, kasama yung cell phone.
"Sabi ko sa kanya, bakit di ako kinakabahan, 'saka bakit umaga na siya dumating. Ang rason sa akin, kasi daw interview-interview, blotter... Tapos nakita ko yung SIM sa pantalon niya, nahuli raw yung holdaper at gagawing ebidensiya yung cellphone. Tapos wala na rin yung kotse niya, ipinapa-overhaul niya raw kasi sira. Nandiyang nawala rin yung laptop niya.
"Actually last June, nalaman ko na nagka-casino siya. Umaga siya nun umuwi. Ang sabi niya, may meeting daw siya sa Caloocan, e, na-tracker ko sa cellphone na nasa Manila siya at nagka-casino.
"Inamin niya sa akin yun, pero nangako siya na hindi na raw niya uulitin. E, sa akin naman, pera naman niya yun. Ang point ko lang nun, magpaalam siya kasi nagmumukha akong tanga na nagwo-worry ako kung nasaan siya," mahabang salaysay ni Kitkat.
THE CONFIRMATION. Dahil sa sunud-sunod na pagkawala ng mga gamit ni Alfred at nadadalas na argumento nila, every week daw ay naghahamon ng breakup si Kitkat sa boyfriend.
"Every week nagkakaproblema kami kaya sabi ko, ‘Bakit hindi na ako naniniwala sa kanya? Parang wala na akong tiwala, itutuloy pa ba namin?' Halos every week ay nakikipag-break ako sa kanya."
Isang tawag mula sa BPI (Bank of the Philippine Islands] na nagpapaalala ng kanyang mga bayarin ang nagbigay ng kumpirmasyon kay Kitkat sa mga ginagawa ng boyfriend.
Kuwento niya, "Tumawag sa akin ang BPI, yung credit cards ko raw three months nang hindi nababayaran kasi sa kanya ko ipinagkakatiwala yun. Ang sabi niya sa akin, ‘Hindi lang updated ang mga ‘yan!' Yung P130,000, pambayad yun ng Healthcard ko, insurance, pang-tuition fee ng kapatid ko 'saka iba pang credit cards. Walang nabayaran dun kahit isa.
"Kinausap ko siya tungkol dito. Sabi ko, inaaway ko ang BPI dahil on time ako magbayad at cash pa. Nadudulas na, tapos umamin na nagamit niya raw para sa kapatid niya kasi nakasagasa, nakapatay ng six years old, lasing at walang lisensiya, nagta-tricycle, at binigyan daw nila ng P60,000. Babayaran daw niya lahat-lahat.
"Tapos tiningan ko yung passbook ko, ang huling pumasok na suweldo ko, first week ng August. Tinanong ko rin siya about this, hindi raw niya naa-update dahil hindi niya dinadala yung passbook pag nagde-deposit siya."





