"At isa pang sikreto namin, kaming dalawa ni Vic, magkapatid, pero ang tratuhan namin, magkaibigan. Sina Joey at Vic, magkaibigan, pero ang tratuhan nila magkapatid, gayundin kami ni Joey. So, ibang klase," says Tito Sotto (left).

Photo: Noel Orsal

Nagmistulang nostalgic moment ang press conference ng pelikulang Iskul Bukol: 20 Years After—ang reunion movie ng comic trio na sina Tito, Vic & Joey—kahapon, November 25, sa Marina restaurant, Timog Ave, Quezon City.

Unang binalikan ng tatlo ang pagsisimula ng Tito, Vic & Joey.

Ayon sa kuwento ni Tito Sotto, nagsimula ang kanilang samahan noong 1972. Nabuo ang grupo nila sa gag show na OK Lang sa Channel 13, ang dating nangunungang network sa bansa. Kasama rin nila sa OK Lang sina Danny Javier, Jim Paredes at Buboy Garrovillo, na mas kilala ngayon bilang APO Hiking Society.

Nagkaroon ng iba't ibang format ang show kung saan kailangan nilang gumawa ng kanya-kanyang gags. Doon na rin nagsimula, ayon kay Tito, na magkaroon ng faction sa grupo.

"Yung APO na dating marami rin ay naging tatlo na lamang, which is sina Danny Javier, Buboy Garrovillo, at Jim Paredes. Naging Vic-Joey. Naging Tito-Ricky [Manalo]," kuwento ni Tito.

Yun daw ang samahan nila noong araw pagdating sa gags. Hanggang sa mabili ang IBC ng Interisland Broadcasting Corporation, pero hindi nakasama sa bilihan ang OK Lang.

Ngunit ang naturang gag show raw ang nagbigay daan para maging matalik na magkaibigan sina Vic at Joey, habang sina Tito at Joey naman ay matagal nang magkakilala.

Pagkatapos ng OK Lang, kinuha ni Bobby Ledesma si Joey upang mag-co-host ng Discorama, isang show sa dating GMA-7. Hanggang sa kinailangan nang magpunta ni Bobby sa abroad. He left the show to Joey and asked him to look for another co-host.

Si Joey naman ang nagkuweto kung paano nakasama sa Discorama ang magkapatid na sina Tito at Vic.

"Ang ginawa ko, naisip ko ang mga dating kasama ko sa OK Lang. Tinawagan ko ang Sotto brothers, pero ayaw ni Val dahil nagwo-work na siya, sa Manpower yata yun. Pero kung natuloy si Val, ang magiging pangalan sana namin ngayon: Tito, Vic, Val, and Joey!" pagbabalik-tanaw ni Joey.

Sina Tito at Vic lang daw ang sumagot sa imbitasyon ni Joey. Pagkatapos nito ay gumawa na si Joey ng script.

Kuwento ni Joey, "Ang ginawa ko, 'Tough Hits,' mga kalokohang kanta dahil ginagawa na namin noong panahon ng ‘70s, OK Lang, at saka mga news. Nagkataon na pasara ang show... Kaya pala iniwan ako, papalitan na ng Student Canteen [defunct noontime show] yung show. Pinch-hitter kami ng Student Canteen. Binabayaran kami ng 200 [pesos] noong araw. Kapag absent si Eddie [Ilarde], papalit kami. E, nagkataon na may ratings...  Yung ratings noong araw, hindi katulad ngayon. Yung ratings noon, every two months yata. Natiyempo naman na pinapanood pala kami, at maraming natutuwa sa mga 'Tough Hits' news.

"So, nag-decide ang PPI [Program Philippines Inc.], nag-extend ang Discorama. At doon officially ipinanganak ang Tito, Vic & Joey sa Discorama. Tapos hayun na, may mga tukso na... Alok ng noontime show. Tatlong kumpanya ‘yan, isa na yung ginoong naka-asul dito [referring to Tony Tuviera of TAPE Inc.]. Pero alok lang, wala kaming tinatanggap. Nabalitaan ng PPI ‘yan, medyo nagtampo.

"Isang hapon, sa GMA-7, iba pa ang pangalan noon... Sabi ni Bobby Ledesma, ‘What's this I heard that you're accepting a show against us?' Sabi namin, hindi totoo. Loyal kami. Kami ang pinaka-loyal na tao sa TV. Walang iwanan talaga.

"Sumama ang loob namin noong sinabi ni Bobby na, ‘Ano yung narinig namin na tinatanggap n'yo?' Hindi namin pinansin. Natapos ang show na walang kibuan. At the end of show, hindi kami mapakali. Galit, e. Binanatan pa kami ng isang famous line na, ‘O, paano, guys, I won't be seeing you next Saturday?'