"At isa pang sikreto namin, kaming dalawa ni Vic, magkapatid, pero ang tratuhan namin, magkaibigan. Sina Joey at Vic, magkaibigan, pero ang tratuhan nila magkapatid, gayundin kami ni Joey. So, ibang klase," says Tito Sotto (left).

Photo: Noel Orsal

"Hurt kami! Hurt kami at sa hiya namin, hindi na kami pumasok. Tumambay kami sa opisina ni Tito dahil at that time, si Tito, vice president for production ng Vicor Records. Wala...inaabutan lang kami ng 50 pesos ni Tito. E, hindi kami hinabol ng PPI! Lalo kaming na-hurt! Hanggang sa nabalitaan namin na kinuha na yung APO [Hiking Society]. Madrama, e, madrama ang istorya namin. Kami naman, tumambay na."

THE BIRTH OF EAT BULAGA! Alam daw nilang mahirap banggain ang Student Canteen noon dahil isa na itong institusyon. Pero nag-set daw sila ng meeting sa dalawang producers na interesado sa kanila—si Tony Tuviera at ang yumaong si Boy Gatus. Kung sino raw ang mauunang dumating sa parking lot ng Intercon Hotel, na siyang meeting place nila, yun daw ang tatanggapin nila ang offer.

Si Mr. Tuviera ay dumating 30 minutes ahead of Mr. Gatus, kaya ito ang tinanggap na offer nina Tito, Vic & Joey.

Hirit ni Joey, "Ang masakit kay Boy Gatus, sumalangit nawa, yung dala niyang champagne, yun pa ang ginamit naming pang-celebrate! Okey lang din naman si Boy, pinoprodyus niya ang Iskul Bukol kaya friends kami.

"Dagdagan ko pa ng konti, para mas cute," patuloy ni Joey. "Si Vic, sabi niya, ‘Kaya ba natin? Student Canteen ang katapat natin?' Ang Student Canteen, hindi lumalakad ang sales nun, nakaupo lang. Naghihintay lang ng tawag. Talagang, ‘A, puno na po kami. Sorry.' Pero yung sa amin [Eat Bulaga!], talagang nagpapakahirap. Sabi ni Vic, natatandaan ko pa, sabi nito, ‘Basta magka-kotse lang ako, saka natin iwanan si Mr. T!'" na ikinatawa ng lahat, even Mr. Tuviera himself.

Dugtong ni Joey, "E, siyempre, Student Canteen, sisiw kami! Binago namin yung...naka-amerikana, naka-tie, naka-long sleeve yung mga host. English halos yung salita, e. Hindi namin alam na namulat na pala ang mga viewers.  Ibang alternative ‘to, mga tambay... Nagkadikitan sa rating, hayun na, nagtuloy-tuloy na."

Bawi naman ni Vic, habang tumatawa, "Nagka-kotse na ako, pero hindi ko naman iniwan ang Eat Bulaga!"

Pero may revelation pa rin si Joey kay Vic. Ani Joey, "Matindi rin ‘yan, may kabakyaan din ‘to... Ang unang kotseng binili niya, Toyota, pero yellow!"

Ang Eat Bulaga! na title ng noontime show ng tatlo ay si Joey ang nakaisip. Dahil tuwing pananghalian ang kanilang show, naisip ni Joey na gamitin ang "Eat." At dahil balak nilang punuin ng sorpresa ang programa kaya "Bulaga!"

Ayon kay Joey, nabuo raw niya ang pangalan ng show sa kusina ni Tito.

"Nakakakilabot ito," simula niya. "Noong nabuo ko yun, ang kasama kong tao ay Jess Espiritu, isang kaibigan ni Tito. Nasa kusina noong maisip ko yung pangalan. Jesus, saka Espiritu—holy spirit, so blessing... At hangga't may bata, may Eat Bulaga! Parang, habang nilalaro mo ang anak mo, ‘eat bulaga!'"

ISKUL BUKOL, THE SITCOM. Ang title naman na Iskul Bukol, na sitcom nila from 1977 to 1987, ay galing sa ilang mga usong salita noon katulad ng "Hi there, spider!"; "How sweet, Guy and Pip"; at iba pa.

Trivia rin ni Joey na ang una raw inalok sa Iskul Bukol ay ang APO Hiking Society.

"Yun nga lang," sabi ni Joey, "ang siningil yata ni Danny [Javier], two thousand each sa sitcom. E, kami, cheap, eight hundred! Pero kung tinanggap ng APO ‘yan, hindi rin lalabas ang mga pangalang Ungasis at Escalera dahil sa amin galing ‘yan, e. At ang magulo, ginulo pa namin, kami ni Tito pa ang naging magkapatid sa show."

Iskul Bukol was the highest-rating show during that time. Pero after ten years, they decided to say goodbye to the show.