Si Dawn Zulueta mismo ay nakaka-relate sa premise pa lamang ng pelikulang Magkaibigan. Kaya upon reading the script, tinanguan niya kaagad ang alok na ito ng Maverick Films na kalahok sa darating na Metro Manila Film Festival.
"Lahat ng taong may kaibigan, surely magugustuhan nila ang pelikula," sabi ni Dawn tungkol sa pelikulang idinirek ni Joey Reyes.
Ang Magkaibigan ay hango sa pagkakaibigan ng yumaong aktor na si Rudy Fernandez at ni Senator Jinggoy Estrada, na bida rin sa pelikula. Kasama rin nina Dawn at Jinggoy rito sina Christopher de Leon at Maricel Laxa.
Sa showbiz, iilan lang ang masasabing tunay na kaibigan ni Dawn.
"Basta para sa akin, ang sukatan ng tunay na pagkakaibigan, yung kahit hindi mo madalas nakikita o nakakausap, but deep inside you, naririyan siya, especially sa panahon na down ka. Sila yung puwede kong pagkatiwalaan, o kung kailangan ko ng good advice, nariyan sila. People like Gelli de Belen, Maricel Laxa, and Jackielou Blanco," banggit ng aktres.
FRIENDSHIP WITH GRETCHEN. Kung tungkol sa friendship ang usapan, hindi pa rin maiwasang itanong kay Dawn kung ano na ang nangyari sa friendship nila ni Gretchen Barretto.
"Ha?" at napangiti na lang ang aktres. "Hayan na naman. Kailangan pa bang pag-usapan 'yan? Tapos na 'yan. Nasabi ko na kung ano ang gusto kong sabihin. I won't say anymore. Alam na naman ninyo... You know what, paulit-ulit na lang kasi. People are just trying to get something from it, alam ko na yan!
"You know, Gretchen and I are good friends. Pero, mas mabuting... Mayroon naman kaming pinagsamahan. Sabihin na lang natin, when the time is right. Ayokong magsalita hangga't hindi nangyayari. Para bang nape-preempt yung kung ano ang mangyayari. Para bang gusto ng mga taong malaman agad kung ano ang nasa isip ko, e, I said that before na.
"Ako, walang problema. When it happens, tingnan na lang natin. Bakit ipo-force yung issue? Na para bang bukas, ‘Hey, magtawagan na tayo!' Marami kaming memorable moments, just like my other sisters sa GMA Supershow," pagsasara ni Dawn sa topic.
GOMA'S LEADING LADY. Sa mga naging leading lady ni Richard Gomez, may balita na si Dawn daw ang tunay namang pinagseselosan ni Lucy Torres-Gomez. Ano ang reaksiyon dito ni Dawn?
"Sobra naman! Hindi na ako naniniwala riyan!" natatawang sabi ni Dawn.
Aniya pa, "Nakakahiyang mag-react. Alam ninyo, Lucy is such a sweet girl. Richard is so lucky to have her as a wife. She texted me a couple of months back, even told me that, 'Dawn, I would really love to see you and Richard work together, do a movie, and do a love story...' She expressed that much to me, at talagang na-sweet-an ako doon. I just hope. Kasi, kung may magandang project, why not? Pero hindi pa dumarating, e."
May reporter pa na nagsabi kay Dawn sa presscon ng Magkaibigan, na ginanap sa Brazil Brazil ng Metrowalk, na ang ayaw naman daw ni Lucy na makasama ni Goma ay si Sharon Cuneta.
"Naku, hindi totoo 'yan! Hindi ako maniniwalang sasabihin ni Lucy 'yan, especially kung si Goma pa ang magsasalita. Ayoko ng ganyang intriga dahil ang alam ko, magsu-shoot na ng movie sina Sharon at Richard this January. Bakit magsasalita ng ganoon si Lucy?" natatawang ni Dawn.
CHRISTMAS WISH. Ano ang Christmas wish ni Dawn for the industry?
"Lower taxes talaga!" sagot niya. "Yung kung puwedeng eradicate it sa amusement, especially sa local movies. Kung magpataw sila ng matitinding taxes, dapat ang pagdiskitahan nila, yung cigarettes, alcohol. Alam naman nilang nakakasira sa katawan 'yan, and yet, may bumibili pa rin. E, di lakihan na lang ang tax?
"Kung itong sa amusement na nakatutulong naman sa kultura, it's something na educational pa. Pakikinabangan ng generations na susunod pa sa atin, eh, bakit papatawan ng grabeng buwis? Maraming nakikinabang sa industriya natin, so, kailangan namang hindi tayo ang masyadong pahirapan," pagtatapos ni Dawn.