Lumabas noon sa isang artikulo dito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang opisyal na at legal na paghihiwalay ng mag-asawang Dennis Padilla at Marjorie Barretto. Noong Linggo, November 30, sa Showbiz Central, ibinalitang nakahanap na si Dennis ng bagong mamahalin sa katauhan ng isang 22-year-old na babaeng Australian national.
Kaugnay nito ay hiningan ng SC ng reaksyon ni Gretchen Barretto. Hipag noon ni Dennis si Gretchen na nakatatandang kapatid naman ng dating asawang si Marjorie Barretto.
Pahayag ni Gretchen, "Ako, masaya ako kapag masaya si Dennis Padilla. Naging parte ng pamilya namin siya at palaging magiging parte ng pamilya namin. Kapag masaya siya, masaya kami Wala namang masama dun. Kung in love siya, good. I always want to see somebody in love and I can always be happy to somebody in love. Walang masama sa love. It's always a good thing."
Tinanong naman ng SC kay Gretchen tungkol naman sa lovelife ni Marjorie.
"I'm Gretchen! Tanungin mo siya!" balik naman ni Gretchen sa nagtanong.
Ganun pa man, wish na lang ni Gretchen na kahit daw hiwalay na talaga sina Dennis at Marjorie ay maging matibay pa rin ang kanilang samahan bilang pamilya, lalo na ngayong Kapaskuhan. Pinaalam din ni Gretchen ang balak nilang mga Barretto at iba pang miyembro ng kanilang pamilya sa darating na Pasko.
"This year, meron ulit kaming plano, but I don't know kung kailan and what exact date. Siyempre, lahat kami busy, di ba? But every year, it's always happy naman, di ba? I mean, you celebrate life. So, it's always a positive thing."