Year 2008 has been good for celebrity couple Derek Ramsay and Angelica Panganiban.
Kalagitnaan ng taon nang mabalita ang pagkakalabuan nina Derek at Angelica na agad ay pinukol ng kabi-kabilang mga intriga. Pero agad naman itong naayos ng dalawa. Ngayon ay tahimk at mukhang mas lumalim pa ang samahan nila.
Pagdating naman sa kani-kanilang career ay katatapos lang gawin ni Angelica ang teleseryeng Iisa Pa Lamang. Tuloy na rin next year ang airing ng Habang May Buhay, ang teleserye na muling pagtatambalan nina Derek at Judy Ann Santos.
"Ang ganda ng ending namin for 2008!" sambit ni Derek sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Ang ganda ng itinakbo ng lahat sa amin for this year. With things na gusto niyang makamit for the longest time, nakuha ni Angel. And ako, nakamit ko rin yung gusto kong makamit.
"Successful yung soap niya, natapos niya yung course niyang Culinary Arts. Ako, mag-i-start naman ako ng new soap, and I have a movie pa. So it's a good way to end up the year. I can say sobrang blessed kami."
DEREK'S PROJECTS. Marami ang nagtataka kung bakit binago ulit ang title ng Humingi Ako Sa Langit at naging Habang May Buhay. Ipinaliwanag ni Derek na may mga pagbabagong ginawa sa kanilang programa, pero the concept is still the same.
"I think Habang May Buhay was the original title, and then naging Humingi Ka Sa Langit, and bumalik uli sa original title nito," banggit ni Derek.
Malapit na ring matapos ang T2, isang horror movie mula sa Star Cinema sa direksiyon ni Chito Roño. Makakatrabaho ni Derek dito si Maricel Soriano. Aminado ang aktor na kabado siya noong unang makatrabaho ang Diamond Star, at maging si Direk Chito.
"First time kong nag-shake hindi dahil sa takot kundi dahil sa nerbiyos. Talagang naramdaman ko yung eksena with her [Maricel]. Kabang-kaba nga ako nung papunta ako ng set, I was really nervous. Pagdating ko dun, pinuntahan ako ni Ate Marya. Sabi niya, ‘Ano ka ba?' Dun, nawala na yung nerbiyos ko. Napakabait niya, she's so much fun to work with. I'm very lucky na lahat ng nakakatrabaho ko, sobrang bait sa akin," lahad ng model turned actor.
CULINARY ARTS. Nagtapos ng Culinary Arts si Angelica kaya naintriga tuloy na paghahanda yata ito sa plano nila ni Derek na lumagay na sa tahimik.
Ani Derek, "Bago pa man ‘yan, I can say handa na siya. She takes care of me so well. Yung pagba-balance ko ng oras ko, sa work ko, sa family, sa Frisbee, and iba pang bagay na kailangan kong gawin, nandun siya na sumusuporta sa akin. She's perfect, talagang inaaalagaan niya ako.
"Saka magaling talaga siya. Hindi lang siya grumadweyt, nanalo pa ang team nila nung magkaroon ng competition. Matagal na niya talagang gustong gawin yun. Kitang-kita ko pag nagluluto siya sa bahay niya o sa bahay ko. So ako na mismo ang nag-suggest sa kanya na kung may oras lang siya, bakit di niya gawin yung gusto niyang gawin. She took an advanced course and she graduated. Now she's planning to take up an eight-month course to study further."
Iniintriga rin ang pagkuha ng Culinary Arts ni Angelica dahil insecure daw ang young actress kay Judy Ann Santos, ka-partner ni Derek sa Ysabella at Habang May Buhay. Tiyak kasi na sa pagsisimula ng nurserye nila ay ili-link sa isa't isa sina Derek at Juday kahit na nga may kanya-kanya na silang karelayson.
"Even before Ysabella pa, nung hindi pa kami ni Angel, nasabi na niya sa akin na gusto niya raw talaga mag-Culinary Arts ‘cause she really loves to do it. Judy Ann is also another talented chef, but Angel is not insecure at all.
"I'll be the one to admit that, I'll be the one to tell Angel na ano ba siya, pero wala talagang ganun. Siyempre, may mga nakakarating sa kanyang ganyan mga isyu. Pero itinuloy niya pa rin, it shows how strong she is. There are lot of people telling her na 'wag na lang, pero siya tinuloy pa rin niya."
Sa kabila ng balitang lilipat na raw ng GMA-7 si Diether Ocampo, isa palang teleseryeng hango sa isang Mexicanovela ang nakalinya nitong gawin kapareha si Angelica. For Derek, this is a project na deserve naman talagang gawin ng kanyang girlfriend.
"I think it's long overdue na bigyan siya ng project na ganito," sabi ni Derek. "She amazes me with her acting. Nung napanood ko yung A Love Story, naka-ganun [napanganga] talaga ako. She's been in the business for 16 years and with Angel's career going up and up, I'll be there to support her. Sana yung career ko maging ganun din and I ended up naman the year with a new project, so I'm very happy."
SURPRISE BIRTHDAY PARTY. Derek will be celebrating his 29th birthday on December 7, pero wala si Angelica sa bansa dahil kasama ito ng Wowowee group sa U.S.
"Last Trade Launch [of ABS-CBN], hinatid ko siya. Umiiyak nga siya ‘cause Decmeber 8 pa ang balik nila, e, birthday ko is December 7. Sinabi ko naman sa kanya na okey lang, trabaho ‘yan and we've always been matured when it comes to work. Akala niya magtatampo ako or whatever. Sabi ko, hindi, basta magse-celebrate kami pagbalik niya.
"Last November 24, nag-throw siya ng party sa akin. Pag-uwi ko from shooting, 4 a.m. na ako dumating nun. Natutulog na siya, pero nandun siya waiting for me. Ibang klase talaga siyang babae," aniya.
FRISBEE CHAMPION. Ikinuwento rin ni Derek sa PEP ang labis na saya na finally ay nag-champion ang Frisbee team nila sa Manila Spirits, kung saan nakalaban nila ang iba't ibang bansa gaya ng U.S., Singapore, at Taipei.
"Grabe, sobrang happy ako!" bulalas ni Derek. "Umiyak ako nun nang todo. Hindi pa yata ako umiyak ng ganun, hagulgol ako nang hagulgol. Sobrang emotional na hindi ako nakapag-celebrate. After the game, umuwi na lang ako ng bahay, sobrang pagod, ang sakit ng katawan ko. May black eye ako, mas bagsak ng tuhod ko. Uminom lang ako ng pain killers, pero sa finals, natuhod ako sa hita. Ang tawag dun dead leg, hindi ko maramdaman yung right leg ko.
"Ang ginawa ko na lang, nilaro ko na lang nang nilaro. Pagdating ko sa bahay, diretso ako sa kama, parang I let everything sink in right there. Ilang taon naming pinaghirapan yun, mayroon kaming two tournaments in the past na talo kami ng one or two points lang. Nakakatuwa kasi sa sarili nating bansa, nakuha namin yung pagiging champion, so sobrang nakakatuwa talaga."
Ayon kay Derek, naging emotional din si Angelica sa kanilang pagkapanalo kaya lalong naging emotional ang aktor sa nangyari.
"Sobrang iyak ni Angelica," sabi ni Derek. "Hinanap ko nga siya sa nanonood, sobrang dami ng tao at nung makita ko siya, umiiyak din siya. So, sobra akong naging naging emotional, tapos binuhat pa ako ng mga tao."
